BILANG katuparan ng kasunduan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at United States (US) President Joe Biden noong Mayo 2023, nagpadala ang US government nitong Marso 11, 2024 ng high-level presidential delegation na pinangunahan ni US Secretary of Commerce Gina Raimondo.
Sa isang mensahe, ipinaabot ni PBBM ang hangaring palakasin pa ang pagtutulungan sa US, na isa sa mga top trading partners ng Pilipinas, sa kalakalan, pamumuhunan, imprastraktura, enerhiya, at iba pa. Inasahan din ng Pangulo ang kanyang muling pakikiisa sa delegasyon sa darating na Mayo para sa 6th annual Indo-Pacific Business Forum dito sa bansa.
Siniguro ni Pangulong Marcos Jr. ang tuloy-tuloy na aksyon ng pamahalaan upang mapatatag ang ekonomiya ng Pilipinas at masuportahan ang mga mamumuhunan at negosyante sa bansa sa kanyang mensahe sa Presidential Trade and Investment Mission delegation mula Estados Unidos (US).
Binigyang-diin ni PBBM ang kahalagahan ng kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at US, at isinulong ang mga oportunidad para sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa imprastraktura, telecommunications, clean energy, at manufacturing.
Sa isang luncheon para kay United States (US) Secretary of Commerce Gina Raimondo at sa US Presidential Trade and Investment Mission (PTIM) delegates, inihayag ni Pangulong Marcos Jr. ang kanyang pag-asa na mapaigting pa ang ugnayan ng Pilipinas at US tungo sa mas matatag na ekonomiya ng dalawang bansa.
Nagpasalamat si PBBM sa delegasyon, at kanyang inanyayahan ang pamahalaan at ang pribadong sektor na magkaisa at manatiling dedikado sa pagpapabuti ng kalagayan ng bawat mamamayang Pilipino. Teksto at mga larawan mula sa Facebook page ng Presidential Communications Office