MATUNOG ngayon sa media ang paksa tungkol sa tinatawag na First Island Chain. Ayon sa isang malaganap na programang pambalitaan, ang First Island Chain ay ang saklaw ng teritoryo na talagang layong sakupin ng China. Pinangalanan ang mga isla na bumubuo ng kadena bilang Kuril Island, Japan, Taiwan, Mindoro, Scarborough Shoal at Spratly.
Sa pagbanggit sa Mindoro, may patutsada pa ang anchor na mapapasabak ang China sa mga katutubo roon, na para bang ang Mindoro ay pugad pa rin ng mababangis na natibo – na maling imahe. Sa kalakhan, moderno na ang Mindoro, kapwa Oriental at Occidental, at kung may nalalabi pang mga katutubong Mangyan, sila ay malayo sa mabangis na tribo na ibig isalarawan ng pasaring sa nasabing programa, kundi masayang nahigop na rin sa sibilisadong pamumuhay.
Ang dating sa akin ng gayong pahayag ay insulto sa mga katutubo ng Mindoro, kung kaya agad akong nagsikap na makapanaliksik kung ano ang totoo.
At kung kayo, magugulat din kayo sa inyong matutuklasan – na sa mga paghahayag tungkol sa sigalot sa South China Sea, may sadyang pambabaluktot sa katotohanan upang pagmukhaing demonyo ang China.
Malaking kasinungalingan na China ang may ideya sa First Island Chain na gusto niyang sakupin. Ang totoo, ito ay isang konsepto na bahagi ng grandyosong ideya na ang dagat Pasipiko ay gawing lawa ng Estados Unidos. Ang ideya ay laman ng isang talumpati ni Presidente Dwight Eisenhower noong 1954. Sa katunayan, ang First Island Chain ay maaaring matukoy mas pabalik pa sa kasaysayan nang sa kanyang taunang mensahe sa Kongreso noong 1823, binalaan ni Pangulo James Monroe ang mga Europeo na tama na sa kanilang mga pangongolonya ng ibang lupain. Doon nagsimulang makilala ang tinatawag na Monroe Doctrine, na sa esensya ay hahantong sa ultimong mandato: “Amerika para sa mga Amerikano.”
Malaking kabalintunaan na sa pagbabandila sa Monroe Doctrine kontra kolonisasyon, Amerika ang naging ultimong pangunahing mangongolonya ng daigdig. Nagawa ito ng Amerika sa pamamagitan ng pakikipagkasundong militari sa mga bansa-bansa, na bukod sa mga ugnayang pang-kaligtasan ay lagi nang sangkap ng kasunduan ang pagtatayo ng Amerika ng mga base militar sa bawat bansang kasundo. Sa kasalukuyan, umabot na sa 750 ang mga base militar ng Amerika sa tinatayang hindi kakulangin sa 80 bilang ng mga bansa sa palibot ng daigdig.
Ayon sa isang kwenta kaugnay nito, ang limang pangunahing mga bansa na natayuan ng base militar ng Amerika at ang kanya-kanyang bilang ng mga tropang Amerikano na nakadeploy doon ay: Japan – 53,246; Germany, 35,188; South Korea, 24,159; Italy, 12,405; United Kingdom, 9,949.
Kapuna-puna na hindi kabilang sa lima ang Pilipinas, gayong hanggang 1991, nasa Pilipinas ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga base militar ng Amerika sa labas ng Estados Unidos. Ang dahilan nito ay ang pagkalansag ng mga base Amerikano sa Pilipinas nang taon na iyun dulot ng pagkitil ng Senado ng Pilipinas sa resolusyong magpapahaba pa sana sa buhay ng Military Bases Agreement (MBA) na nagwakas nang taon na iyun.
Subalit may pagka-mapanlinlang ang kalagayan ngayon ng isyu. Nagwakas nga ang MBA pero nabuhay naman ang Visiting Forces Agreement (VFA) noong 1998 at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong 2014. Ibabaw pa sa lahat nang ito ay ang nagpapatuloy na bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951 na nagtatali sa Pilipinas sa pangmatagalang adyendang pandigma ng Estados Unidos sa rehiyong Pasipiko. Sa pagdagdag ng apat pang baseng EDCA na kaloob ni Bongbong sa America, tiyak balik ang Pilipinas sa dating katayuan nito bilang pinakamalaking kampo militar ng Amerika sa labas ng Estados Unidos.
Isaalang-alang pa rin ang pagdagsaan ngayon sa West Philippine Sea ng libu-libong tropa’t mga barkong pandigma ng Amerika upang magsagawa ng war exercises kuno kasama ng ganun ding kasundaluhan at mga barkong pandigma ng Australia, Japan at South Korea, sabihin kung hindi patuloy na makapamamayagpag ang Amerika, ayon sa plano, sa dakong ito ng Dulong Silangan.
Maging mga eksperto sa usapin ng giyera ay nagkakaisa na mula noon hanggang ngayon, hindi nagbabago ang Amerika sa estratihiya at taktika: ilayo ang giyera sa lupain ng Amerika.
At totoo nga, sa nakaraang dalawang digmaang pandaigdig, wala ni isa ang gumambala sa Amerika sa sarili niyang lupain.
Ngayon, kalaban mo ang Russia, ilapit mo sa kanya ang giyera gamit ang kapitbahay ng Russia na Ukraine. Kalaban mo ang mundong Arabo, dalhin mo ang giyera sa Gaza Strip, gamit ang kapitbahay nitong Israel.
Sinong kapitbahay ang dapat pagpaputukan ng US ng giyera laban sa China? Sa First Island Chain ibinabalik ng tanong ang pag-uusap.
Unang nabuo ang ideyang ito sa panahon ng Korean War noong dekada 1950, na ipinahayag ng noon ay Kalihim ng Estado ng Estados Unidos na si John Foster Dulles. Sa pahayag, inilarawan ang kadena ng mga isla sa Pasipiko mula sa mga isla ng Kuril, Japan, mga isla ng Ryukyu, Taiwan, Pilipinas, Borneo at Peninsula ng Malaya.
Nabuo ang ideya ng First Island Chain bilang pangangailangang tugunan ng Estados Unidos ang realidad ng pangmundong pulitika na maaga pa ay ipinasilip na sa Amerika ng Digmaan sa Korea. Bagama’t nailigtas ni MacArthur ang Timog Korea, naipagtanggol naman ng China ang Hilagang Korea. Samakatwid, kasing-aga pa lang ng 1950, silip na agad ng Amerika ang kaaway na kakalabanin sa hinaharap: China.
Sa hinihinging kondisyon ng Monroe Doctrine mauunawaan kung bakit kailangan ang First Island Chain. Kung ang mga isla na bumubuo rito ay pagdudugtungin ng isang guhit, ito ay lilitaw na nakasalakab sa China.
Ang First Island Chain ay ang kailangang kalasag ng Amerika upang sa pagsisimula pa lang ay sanggahin na ang atake ng China. Ibig sabihin, nagpapakawala pa lang ng pwersang pang-atake ang China mula sa sariling lupain, salag na agad ito ng mga base militar ng Estados Unidos sa mga islang bumubuo ng First Island Chain.
“Nip in the bud,” wika nga sa English. Kumbaga sa bulaklak, bubot pa lamang, ang atake ng China laban sa Amerika ay pisak na agad.
Sa isa kong nakaraang kolum, naihayag ko ang pag-amin ng kumander ng III Marine Expeditionary Forces ng US Navy na ang karagdagang apat na base na kaloob ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Amerika sa ilalim ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) ay bilang katulad ng mga paghahandang ginawa ng Amerika sa Ukraine, na ayon sa opisyal ay napakamatagumpay.
Ang sukatan ng nasabing “tagumpay” ay ang pagpatol ng Russia sa mga pang-uudyok ng Amerika upang atakehin ang Ukraine. Mangyari pa, bahagi ng nasabing tagumpay ay ang ganap na pagkawasak ng Ukraine at ang libu-libong mga nasawing sibilyan.