29.5 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Pinag-iinitan ang Chino sa Cagayan, Amerika kasi

- Advertisement -
- Advertisement -

SA maalam sa plano ng Amerikang gawing sandata ang Pilipinas laban sa China, hindi kataka-taka ang maraming away at kontrobersiya ngayon.

Nabanggit natin nitong nagdaang Lunes, Abril 22, ang sigalot diumano ng mga kampong Marcos at Duterte. Bunsod ito ng hangad ng Estados Unidos huwag maging presidente sa 2028 si Bise-Presidente o VP Sara Duterte Carpio.

Takot ang US bawiin ni Sara ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipinagamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Amerika sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Mangyari, noong pangulo ang ama ni Sara, pinigil ni Rodrigo Duterte ang pagsulong ng EDCA upang hindi tayo atakihin ng China.

Pero ipinatupad ni Marcos itong kasunduan noong Pebrero 2023, at mula noon sumama na ang girian natin sa mga barkong Chino sa West Philippine Sea (WPS), kung saan tayo ang may karapatan sa yamang dagat.

Talagang nagkakainitan kapag — gaya ng ginawa ni Marcos — pinayagan ng anumang bansa gamitin ang teritoryo nito laban sa karatig-bayan. Mas matindi pa nga ang ginawa ng US sa Cuba sa nagdaang 62 taon hanggang ngayon dahil muntik nang maglagay ng missile atomika ang Rusya sa islang malapit sa Amerika noong 1962.


Ngayon, Cagayan naman ang nakasalang. Bahagi rin ng pag-aalma sa China na ginagamit ng US upang pumayag tayong ipagamit ang mga baseng AFP, binabatikos ng mga mambabatas ang pag-aaral ng mga Chino sa Cagayan, kung saan may dalawang kampong EDCA. Wala mang ebidensiya, may pangambang espiya ang mga dayuhang estudyante.

Salamat naman at itinuwid ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang malabis na pagkatakot sa mga Chinong mag-aaral. Aniya, dapat magharap ng katibayan ang Kagawaran ng Imigrasyon kung talagang espiya sila.

Ang hirap, kapag may alingasngas laban sa China, agad tinatanggap ito at pinalalaki, lalo na ng mga politikong pabor sa pagpasok ng puwersang US sa kabila ng malaking panganib na madawit tayo sa giyera sa China.

Mas malaki pa nga ang peligro ng digma dahil sa mga baseng EDCA. AmInado ang mga heneral, eksperto at media sa Amerika na bobombahin ang mga paliparang gagamitin ng US laban sa China. Pero pilit itong ikinukubli sa sambayanang Pilipino ng mismong mga pinuno at mamamahayag natin.

- Advertisement -

Kamakailan sinabihan ni Pangulong Marcos ang media maging “critical” o mapanuri at mapagtanong. Tunay nga, at tungkol sa EDCA ang pinakamalaking kawalan ng pag-uusisa ng media. Kay dali nilang pinalampas ang pahayag ni retiradong heneral Carlito Galvez Jr. na walang dapat ikabahala sa mga baseng EDCA gayong alam niya bilang dating hepe ng AFP na aatakihin sa giyera ang mga base militar.

Baka tamaan ang OFW

Wala ring gaanong pagtatanong ang media tungkol sa basehan ng takot sa mga estudyanteng Chino sa Cagayan, kung hindi pa inusisa ni Sen. Escudero. Sadya yatang basta kontra sa China, sugod agad ang mga politiko at media, wala mang ebidensiya.

Paano kaya kung gayon din ang gawin ng mga pahayagan at brodkaster sa China tungkol sa mga manggagawang Pilipino o OFW roon, kabilang ang 200,000 sa Hong Kong? Kung magsusupetsa tayo sa mga estudyanteng Chino sa Cagayan nang walang basehan, baka magparatang din sa mga OFW nang walang pruweba ang mga opisyal at mamamahayag sa China.

Kaya maghunos-dili sana ang mga pinuno at media natin sa basta-bastang paratang na sinususugan naman ng mga kakampi ng Amerika sa hangad magalit at matakot tayo sa China at pumayag dumagsa ang mga puwersang US. Baka nga matuwa pa ang mga nagbubunsod ng galit sa China, pati ang Amerikano, kung mag-alma ang gobyerno at media ng China laban sa mga OFW.

Hindi lang siyam na base militar ang habol ng Amerika. Ayon sa estratehiyang Agile Combat Employment (ACE), paliwanag ni Hen. Kenneth Wilsbach, komandante ng lahat ng eroplano at helicopter pandigma ng US mula India hanggang Pasipiko, “ikakalat sa maraming-maraming isla” ang mga eroplanong pandigma upang mapilitang gumamit ng maraming atake ang kalaban.

- Advertisement -

At hangad din ng Amerikanong magpuwesto ng dose-dosenang missile upang umatake sa buong China at mga karatig dagat. Sa pinakahuling sanayang militar na Balikatan, ipinakita ang pinakabagong raket ng US na makaaabot sa China mula rito.

At noon pang 2020, ipinasuri na ng US Air Force, sa ilalim ni Hen. Charles Brown, ang kasalukuyang hepe ang sandatahan ng Amerika, kung papayag ang mga kaalyado nitong maglagay ng mga missile na may abot na 5,000 kilometro, saklaw ang buong China.

Walang papayag, ayon sa ulat. Pero pangulo noon si Duterte. Ngayon, Marcos na.

Dapat maging mapanuri ang taong bayan sa EDCA at huwag magpadala sa pagkukubli ng pamunuan at media, sampo ng palagiang papuri sa tulong ng Amerika, Hapon at iba pang bansa sa ating hukbo at mga planong ayuda, negosyo, imprastraktura at iba pang proyektong pangkaunlaran dala ng mga kaalyado kapalit ng mga baseng EDCA

Tandaan natin: Mapapako halos lahat ng mga pangakong iyon kung madamay tayo sa giyerang puwedeng sumiklab sa mga taong darating.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -