NAG-COURTESY call si Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya sa tanggapan ni Senator Idol Raffy Tulfo kahapon, May 20.
Sa kanyang pagbisita, kinumusta ni Sen. Idol na Chairperson ng Senate Committee on Migrants Workers ang kalagayan ng mga OFWs sa Japan na umaabot na sa humigit kumulang 230,000 ang bilang. At karamihan daw sa kanila ay high-skilled experts tulad ng nurses at engineers.
Bilang chairman ng Senate Committee on Energy, tinalakay ni Sen. Tulfo kay Ambassador Kazuya ang kanyang Waste-to-Energy (WTE) bill na puspusan niyang isinusulong. Matagal nang laganap sa Japan ang WTE kaya importante ang input na makukuha niya mula sa Japanese government para mas mapaganda pa ang kanyang panukalang batas.
Pagdating naman sa larangan ng economic investment, binanggit ni Ambassador Kazuya ang hinggil sa financial incentives na natatangap ng investors sa Pilipinas mula sa Japan. Ito raw ay magiging isang paraan para ma-engganyo ang mga Japanese investors na manatili at magdala pa ng karagdagang negosyo sa ating bansa.
Sinabi naman ni Sen. Idol na kanya naman itong tatalakayin sa Technical Working Group ng Committee on Ways and Means kung saan siya ay vice chairman.
Sa kabilang banda, pinuri ni Ambassador Kazuya si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang foreign affrairs policy sa lahat ng larangan kasama na dito ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Sa huli, nangako si Ambassador Kazuya ng 507-million-dollar Official Development Aid Loan sa ilalim ng JAPAN International Cooperation Agency (JICA) para sa karagdagan pang limang 97-meter-long multi-mission maritime patrol vessels para sa ating Philippine Coast Guard.