27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Pagkakaiba ng Kabuoang Produksiyong Panloob (GDP) at Kabuoang Pambansang Kita (GNI)

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON sa ulat ng Philippine Statistical Authority (PSA), ang Kabuoang Produksiyong Panloob o  Gross Domestic Product (GDP) noong unang kwarter ng 2024 ay lumaki ng 5.7 porsiyento samantalang ang Kabuoang Pambansang Kita o Gross National Income (GNI) ay lumago ng 9.7 porsiyento sa parehong panahon. May pagkakaiba ba ng dalawang sukatan ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas?

Ang GDP ay halaga sa bilihan ng mga huling produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng ekonomiya. Ito rin ay katumbas ng idinagdag na halaga ng mga pangunahing ekonomikong sector sa proseso ng produksyon. Katumbas rin ito ng kitang natamo ng iba’t ibang yaman ng bansa na ginamit sa proseso ng produksyon. Ang konsepto ng GDP ay teritoryal. Samakatuwid, ito ang dami at halaga ng produksiyong nagawa ng mga mamamayang Filipino at mga dayuhan sa loob ng bansa.

Samantala, ang  GNI ay halaga sa nabuong huling produkto at serbisyo na katumbas ng kitang nilikha ng mga Filipino (mamamayan at kompanya) sa kanilang partisipasyon sa proseso ng produksiyon sa loob at labas ng ating bansa. Samakatuwid, ang konsepto ng GNI ay nakabatay sa pagkamamamayan o pagkaFilipino ng mga lumikha ng kita o huling produkto at serbisyo. Ito ay katumbas ng GDP kasama ang netong pangunahing kita mula sa ibang bansa. Ang netong pangunahing kita ay ang kompensasyon sa mga produktibong sangkap na Filipino (manggagawa, profesyonal at kompanya) sa labas ng Pilipinas matapos ibawas ang kompensasyon ng mga dayuhang produktibong sangkap na ginamit sa proseso ng produksyon sa loob ng Pilipinas.

Sa nakaraang tatlong taon, ang netong pangunahing kita mula sa ibang bansa ng Pilipinas ay positibo. Nangangahulugan ito na higit na mataas ang kinita ng mga mamamayang Filipinong manggagawa at korporasyon sa ibang bansa kaysa kinita ng mga dayuhang mangggagawa at korporasyon dito sa Pilipinas. At dahil positibo ito, mas mataas ang GNI kaysa sa GDP ng Pilipinas. Noong 2023 ang GDP ng Pilipinas sa kasalukuyang presyo ay umabot sa P24.381 trilyon samantalang ang GNI ng ating bansa sa kasalukuyang presyo sa parehong panahon ay umabot na sa P26.989 trilyon. Ang agwat na P 2.67 trilyon ay ang netong pangunahing kita mula sa ibang bansa.

Anu-ano ang implikasyon ng mataas ng GNI sa GDP? Una, nanganghulugan ba na maaaring bumilis ang presyo ng bilihin dahil maraming kinita ang mga mamamayang Filipino kaysa nagawang huling produkto at serbisyo sa loob ng bansa? Sa aking palagay hindi naman ito mauuwi sa mabilis na inflation rate o pagtaas ng inaangkat dahil ang kinita ng mga Filipino sa ibang bansa ay ginagamit sa pagkonsumo ng mga mamamayang Filipino at korporasyon sa ibang bansa kung saan sila naninirahan. Sa mga korporasyon, maaaring nilang gamitin ang kanilang kita bilang pag-iimpok o retained earnings na maaaring magamit sa pangangapital o pagbili ng iba’t ibang uri ang yamang pananalapi.  Mauuwi lamang ito sa mabilis na pagtaas ng kita kung ang malaking bahagi ng netong pangunahing kita mula sa ibang bansa ay ipadadala sa Pilipinas at gagamitin sa iba’t ibang uri ng gugulin.


Ikalawa, nangangahulugan ba ang netong pangunahing kita mula sa ibang bansa ay katumbas ng padalang salapi o remittances? Sa ating Balance of Payments (BoP), ang remittances ay tinatawag na secondary income dahil ito ay isang pamamaraan sa paggamit ng bahagi ng primary income ng mga Filipino sa ibang bansa. Ito ay nagpapahiwatig na ang remittances ay bahagi ng kompensasyong ng mga Filipino sa ibang bansa na ipinadadala nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Dahil ito ay dagdag na kita, maaaring magamit ito sa iba’t ibang uri ng mga gugulin.  Ang netong pangunahing kita noong 2023 na P2.67 trilyon ay katumbas ng $46.84 bilyon. Ang padalang salaping na natanggap ng bansa noong 2023 ay umabot lamang sa $33.5 bilyon. Ang kompensasyon ng mga manggagawang Filipino at korporasyon ay mas malaki pa sa P2.67 trilyon o P46.84 bilyon dahil nakabawas na rito ang kompensasyon ng mga dayuhang manggagawa at korporasyon sa Pilipinas. Halimbawa, kung nagpapadala lamang ang ating mga Filipinong nagtatrabo sa ibang bansa ng 25 porsiyento ng kanilang kinita nagpapahiwatig ito na ang kompensasyon ng mga Filipino ay maaring umabot sa $134 bilyon o P7.636 trilyon. Kung ipadadalang lahat ang kanilang kinita, malaking pwersa ito sa gugulin na magpapataas ng presyo ng mga bilihin.

Ikatlo, nangangahulugan ba na ang kompensasyon ng mga Filipino manggagawa sa ibang bansa ay nakadaragdag sa buwis na nalilikom ng pamahalaan? Sa nalikom na buwis ng Bureau of Internal Revenue noong 2023 na P2.3 trilyon ay hindi sumasakop ang kompensasyon ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa batay sa dalawang dahilan. Una, ang mga OFW ay pinapayagan ng batas na hindi magbayad ng buwis sa kanilang kita. Ikalawa, ang mga Filipinong hindi naninirahan sa Pilipinas ay binubuwisan lamang sa kanilang kinita mula sa Pilipinas. Ang ibig sabihin napakalaki ng potensyal ng pamahalaan na makalikom ng buwis kung lahat ng kompensasyon ng mga mamamayang Filipino sa ibang bansa ay bubuwisan. Kahit 10% lamang ang porsiyento ng buwis, aabot ito sa halos P763.6 bilyon o 33 porsiyento ng buwis na nalikom ng BIR noong 2023.

Samakatuwid, malaki ang papel ng mga manggagawa, propesyonal, teknikal na Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa at mga korporasyong Filipino na nagpapatakbo ng negosyo sa ibang bansa sa paglikha ng kita. Dito kumukuha ng padalang salapi ang mga OFW at maaari din itong pagkunan ng buwis ng pamahalaan.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -