MALAWAK ang kapangyarihan ng US dolyar bilang salaping internasyonal. Ginagamit ito sa mga transaksiyong pangkalakalan at pananalapi sa buong mundo. Ang halaga ng mga produkto at serbisyo na kinakalakal ng maraming bansa sa bilihang internasyonal ay nakapresyo sa US dolyar. Nais ng mga nagluluwas na bansa na tumanggap ng US dolyar sa mga export nilang ipinagbibili dahil ginagamit nila itong pambayad sa kanilang inaangkat. Ang mga sobrang US dolyar na hawak ng mga bansa bunga ng surplus sa kanilang Balance of Payments (BoP) ay inilalagak nila sa mga institusyong pananalapi sa Estados Unidos. Bumibili sila ng mga bond o panagot at mga istak ng mga kompanyang Amerikano at mga kompanyang pag-aari ng mga mamamayan ng ibang pang bansa. Dahil dito, napakalaki ng demand ng maraming bansa sa US dolyar na tinutugunan naman ng mapagpalawak ng patakarang pananalapi ng Federal Reserve ng Estados Unidos.
Dahil sa lawak ng kapangyarihan ng US dolyar sa internasyonal na bilihan ng mga produkto, serbisyo at pondo may ilang malalaking ekonomiya na nais kalasin ang kanilang pagiging palaasa sa paggamit ng US dolyar sa mga transaksiyong internasyonal. Ang mga bansang Brazil, Russia, India, China, at South Africa ay nagtayo ng isang samahan na tinawag nilang BRICS na ang tanging layunin ay palitan ang US dolyar bilang salaping pamagitan sa mga transaksiyong internasyonal. Ang batayan ng hamon ng BRICS ay dahil 32 porsiyento ng kabuoang produksyon ng mundo at 18 porsiyento ng kalakalan sa buong mundo ay hawak nila. Ang China, halimbawa, ay ang ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo sa kasalukuyan at may potensyal na hamunin ang kapangyarihan ng US dolyar. Kahit hindi miyembro ng BRICS ang pamunuan ng Saudi Arabia ay nagbabalak na bayaran ang kanilang krudong langis salaping di US dolyar. Ang Asean ay nagbabalak ding gamitin ang mga salapi ng mga miyembrong bansa sa kanilang pakikipagkalakalan sa rehiyon sa layuning kumalas sa pagiging palaasa sa US dolyar.
Maraming hamon ang hinaharap ng BRICS at iba pang bansa sa pagpapabagsak ng US dolyar. Una, anong salapi ang gagamitin pamalit sa US dolyar? Potensyal na kandidato ang CH yuan o Chinese yuan dahil ang China ay gumagawa sa mahigit na 18 porsiyento ng kabuoang produksyon ng buong mundo at humahawak sa 12 porsiyento ng kalakalan sa buong mundo. Kung gagamitin ang CH yuan papayag ba ang Bank of China na magpatupad ng mapagpalawak na patakarang pananalapi upang tustusan ang napakalaking kalakalang internasyonal?
Sa aking palagay, mangangamba ang pamahalaan ng China at ang pamunuan ng Bank of China na napakaraming dayuhang humahawak ng napakalaking halaga ng CH yuan. Dalawang dahilan ang kanilang pangangamba. Una, maaaring gamitin ang CH yuan upang bumili ng mga produkto at serbisyong gawa sa China. Ang ganitong sitwasyon ay maaaring mauwi sa pagtaas ng inflation rate sa China dahil baka hindi kayanin ng produktibong kapasidad ng bansa na tugunan ang napakalaking pandaigdigang demand sa kanilang mga produkto at serbisyo. Sa kasalukuyan, hawak ng China ang 12 porsiyento ng kalakalan sa buong mundo. Kung papalitan ng CH yuan ang US dolyar maaaring itong umabot sa 22 porsiyento na maaaring magpapataas sa inflation rate sa China. Samantala, kung hindi naman nila ito gagamitin sa pagbili ng mga produktong Chino, maaari nila itong ilagay sa bilihan ng pondo sa China. Kaya ba ng China na palitan ang 50 porsiyento bahagi ng bilihan ng mga istak sa buong mundo na hawak ngayon ng Estados Unidos? Walang malawak na bilihan ng pondo o mga institusyong tatanggap napakalaking pondo sa China. Ipagpalagay nating may kapasidad ang China sa mga bilihan ng pondo, magdadalawang isip ang mga humahawak ng pondo na ilagay ito sa China dahil mahigpit ang mga control ng bansa sa malayang paggalaw ng capital.
Kahit nga sa Asean, nagbabalak din ang Indonesia na bawasan ang pagiging palaasa ng rehiyon sa paghawak at paggamit ng US dolyar sa mga transaksiyon sa pagitan ng mga miyembrong bansa. Ngunit hindi praktikal ang panukalang ito dahil halos 25 porsiyento lamang ng kalakalan sa Asean ay sa pagitan ng mga miyembro nito. Samakatuwid, ang 75 porsiyento ay kalakalan sa labas ng Asean na nangangailangan ng US dolyar upang isagawa ang mga transaksiyon. Halimbawa, kung ang Pilipinas ay tumanggap na napakalaking halaga ng Indonesian rupiah samantalang ang inaangkat natin sa Indonesia ay maliit lamang, saan natin gagamitin ang sobrang Indonesian rupiah? Mapipilitan pa tayong ipagpalit ito sa US dolyar upang mabayaran ang ating mga imports sa mga bansang labas sa Asean. Samakatuwid, hindi lamang di praktikal ang panukalang ito ngunit maaksaya pa dahil tumataas ang gastos sa mga transaksiyon pangkalakalan ng mga bansa.
Ganyan din ang mangyayari kung ang ipambabayad sa langis na inaangkat mula sa Saudi Arabia ay CH yuan. Kung makitid lamang ang demand ng Saudi Arabia sa mga produktong Chino ano ang gagawin nila sa sobrang CH yuan na hawak nila? Kung ito ay ilalagak sa Estados Unidos, kinakailangang ipagpalit muna ito sa US dolyar.
Sa huli, maaari lamang palitan ng CH yuan ang US dolyar kung kakayanin ng produktibong kapasidad ng China ang napakalaking demand sa buong mundo, handa ito sa pagtaas ng inflation rate, at handa itong tanggalin ang mga control sa malayang pagpasok at paglabas ng pondo sa China. Mga kondisyong mahirap ipatupad.