MALIBAN sa umento sa sahod ng mga kawani ng gobyerno, inanunsyo rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaniyang pag-apruba sa pagbibigay ng medical allowance sa higit isang milyong government employees sa bansa.
“Para naman sa ating mga kawani ng gobyerno, mayroon silang maaasahang medical allowance bilang karagdagang benepisyo sa susunod na taon,” pahayag ng Pangulo sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address.
Simula sa taong 2025, magkakaroon ang mga kawani ng pamahalaan ng medical allowance bilang subsidiya upang makakuha ng Health Maintenance Organization (HMO) benefits o HMO-type benefits.
Ang medical allowance ay maaring gamitin sa iba’t ibang medical services na makatutulong para sa mga kawani ng gobyerno na maging handa sa anumang health-related emergencies.
Para maisakatuparan ito, nasa kabuuang ₱9.5 bilyong piso ang inilaan sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MBPF) sa taong 2025.
Sakop nito ang mga kawani sa ilalim ng National Government Agencies, State Universities and Colleges at Government-owned or -controlled Corporations ng Executive Department.
“As you know, health care is a top priority of this administration. Sa pamamagitan po ng pagbibigay ng medical allowance sa ating mga lingkod-bayan, matutulungan po natin silang maibsan ang kanilang medical expenses kung kinakailangan, at masigurong napangangalagaan ang kanilang kalusugan” ayon kay DBM Secretary Amenah “Mina” Pangandaman.
Tinitingnan ang medical allowance na ito bilang subsidiya o tulong upang mas maging abot-kaya ang access ng mga kawani ng gobyerno sa mas mahusay na serbisyo o benepisyong medikal.