(Salin ng Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)
ITINAAS ko ang diyaryo para mabasa ito ni Morrie:
AYAW KONG MABASA SA AKING LAPIDA NA
“HINDI AKO NAGMAY-ARI NG ISANG NETWORK.”
Tumawa si Morrie, at pagkatapos ay umiling. Pumapasok ang liwanag ng umaga sa bintana sa kanyang likuran, tumatama sa mga pulang gumamela na nakaupo sa pasemano. Ang mga salitang ito’y galing kay Ted Turner, ang bilyonaryong media mogul, na siyang nagtayo ng CNN. Nagrereklamo ito dahil hindi pa niya nabibili ang CBS network sa isang megadeal ng mga malalaking korporasyon. Dinala ko ang dyaryo kay Morrie nang umagang iyon dahil inisip kong ano kaya kung nasa posisyon ng aking matandang propersor si Turner, nauubusan na ng hininga, nagiging bato na ang katawan, ang kanyang mga araw ay isa-isa nang nabubura sa kalendaryo—talaga bang iiyak pa siya dahil hindi siya may-ari ng isang network ng telebisyon?
“Yan ay bahagi ng dati nang problema, Mitch,” sabi ni Morrie. “Inilalagay natin an gating paniniwala sa mga maling bagay. At ang resulta nito’y mga buhay na walang halaga. Siguro’y kailangan natin itong pag-usapan.”
Nakatutok si Morrie. May mga mabubuting araw at mayroon namang mga masasamang araw. Mabuti ang araw na ito. Kagabi’y inawitan siya ng a capella ng isang lokal na grupong pumunta sa bahay niya para mag-perform, at natutuwa niya itong ibinalita, na para bang ang Ink Spots mismo ang dumalaw sa kanyang bahay.
“Dapat ay narinig mo ang grupong ito kagabi, Mitch! Ang galing nila!”
Si Morrie ay lagi na lamang masaya sa sa simpleng bagay tulad ng pag-awit, pagtawa, pagsayaw. Mas lalo na ngayon kaysa noon, konti lamang, o wala na talagang halaga para sa kanya ang mga material na bagay. Kapag namatay ang isang tao’y maririnig natin ang mga salitang, “Hindi mo naman madadala ang mga bagay na ito.” Parang matagal na itong alam ni Morrie.
“May brainwashing na nangyayari sa ating bansa,” buntong-hininga ni Morrie. “Alam mo ba kung paano nila binabago ang isipan ng mga tao? Paulit-ulit nilang sinasabi ang isang bagay. At ‘yan ang nangyayari sa bansang ito. Maganda ang magmay-ari ng isang bagay. Maganda ang mas maraming pera. Mas maganda ang maraming pag-aari. Mas maganda ang pagtutok sa komersyo. Mas maganda ang marami. Mas maganda ang marami. Inuulit-ulit natin ito—at hinahayaan nating ulit-ulitin ito sa atin—hanggang wala nang nag-iisip pa tungkol sa mga bagay na ito. Ang isang ordinaryong tao’y namanhid na tungkol dito, kaya wala na siyang pananaw kung ano talaga ang mahalaga.
“Kahit saan man ako magpunta sa aking buhay, nakakilala ko ng mga tao na gustong magkaroon ng mga bagong bagay. Magkaroon ng isang bagong kotse. Magkaroon ng bagong bahay at lupa. Magkaraon ng pinakahuling laruan. At pagkatapos ay gusto nilang ipagmalaki sa iyo, Tingnan mo nga itong aking nakuha! Tingnan mo nga itong aking nakuha!”
“Alam mo ba kung paano ko ito laging ipinaliliwanag? Ito ang mga taong sobrang uhaw sa pagmamahal kaya tumanggap na lamang sila ng mga kapalit. Niyayakap nila ang mga bagay na materyal at inaasahang yayakapin din sila ng mga ito. Pero hindi naman talaga ganito. Hindi mo puwedeng ipagpalit ang mga materyal na bagay sa pagmamahal o sa pagiging mahinahon o sa pagiging mapagkalinga o sa pagiging mapag-kaibigan.
“Ang pera’y hindi kapalit ng pagkakalinga, at ang kapangyariha’y hindi kapalit ng pagkakalinga. Sasabihin ko sa iyo, habang nakaupo pa ako rito’t nag-aagaw-buhay, kung kailangang-kailangan mo ito, hindi mapupunan ng pera at kapangyarihan ang iyong hinahanap, kahit na gaano karami ang meron ka nito.”
Napatingin ako sa library ni Morrie. Katulad pa rin ito nang una akong dumating. Ang mga libro’y nakalagay sa dati pa rin nilang mga estante. Ang mga papeles ay nakakalat pa rin sa mga dati na at lumang mga mesa. Hindi nagpa-ayos ng mga kuwarto sa labas. Sa totoo lang, wala naman talagang bagong binili si Morrie—maliban sa mga gamit pang-medikal—sa matagal na matagal na panahon, maaaring sa ilang mga taon. Nang araw na malaman niyang may terminal siyang sakit ang simula ng araw na nawalan siya ng interes sa mga bagay na nabibili.
Kaya ang telebisyon ay ang dati nang lumang modelo, ang kotse na minamaneho ni Charlotte ay ang dati pa ring lumang modelo, ang mga plato at mga baso at mga tuwalya—lahat ay pareho pa rin. Pero malaki na ang ipinagbago ng bahay. Napuno na ito ng pagmamahal at pagtuturo at komunikasyon. Napuno na ito ng pagkakaibigan at pamilya at pagiging totoo at ng mga luha. Napuno ito ng mga kasamahan sa unibersidad at mga estudyante at mga titser ng meditation at ng mga therapists at nars at grupong a capella. Sa isang totoong paraan, naging isa na itong bahay ng mayaman, kahit na mabilis nang nauubos ang pera ni Morrie sa bangko.
“May malaking kaguluhan sa ating bansa tungkol sa kung ano ang ating kailangan at kung ano ang ating gusto,” sabi ni Morrie. “Kailangan mo ng pagkain, gusto mo ng chocolate sundae. Kailangang maging matapat ka sa iyong sarili. Hindi mo kailangan ng pinahuling modelo ng sports car, hindi mo kailangan ng pinakamalaking bahay.”
“Ang katotohanan, hindi ka mapasasaya ng mga bagay na ito. Alam mo ba kung ano talaga ang makapagpapasaya sa iyo?”
Ano?
“Ang ialok sa iba kung ano ang puwede mong ibigay.”
Para kang isang Boy Scout.
“Hindi pera ang ibig kong sabihin, Mitch. Ang ibig kong sabihi’y ang iyong oras. Ang iyong pag-aalala. Ang iyong pagkukuwento. Hindi naman ito mahirap. Mayroon isang senior center na nagbukas malapit dito. Kung ika’y isang batang lalaki o babae at may alam ka rito, iimbitahan ka nilang pumunta para magturo, halimbawa, ng computer. Pupunta ka roon at magtuturo ng computer. Welcome ka sa lugar na iyon. At matutuwa sila ng ng husto. Ito ang paraan kung paano ka nakakuha ng respeto, sa pag-aalok nang mayroon ka.
“Maraming lugar kung saan mo ito puwedeng gawin. Hindi mo naman kailangang magkaroon ng malaking talento. May mga malulungkot na tao sa mga ospital at shelters na nangangailangan lang ng kausap. Subukan mong makipaglaro ng cards sa isang malungkot na matandang lalaki at magkakaroon ka ng bagong respeto sa iyong sarili, dahil ika’y kinailangan.
“Naalala mo ang sinabi ko tungkol sa paghahanap ng isang buhay na may kahulugan? Isinulat ko ito, pero ngayo’y kaya ko na itong bigkasin. Tulungan mo ang ibang mga tao, tulungan mo ang komunidad na nakapaligid sa iyo, at gumawa ka ng mga bagay na magbibigay sa iyo ng halaga at ng dahilan sa iyong buhay.
“Napansin mo ba,” dagdag pa niya nang nakangiti, “wala akong sinabi diyan tungkol sa suweldo.”
Isinulat ko ang ilang mga sinabini Morrie sa aking dilaw na papel. Ginawa ko ito dahil hindi ko gustong makita niya ang aking mga mata, para hindi niya malaman ang aking iniisip, na sa maraming taon pagkatapos ng aking graduation, itong mga bagay na ito ang aking tinutukan—mas malalaking laruan, mas magagarang bahay. Dahil sa trabaho ko’y kahalubilo ko ang mga mayayaman at sikat na atleta, kinumbinse ko ang aking sarili na ang aking mga gusto’y makatotohanan, ang aking pagkasuwapang ay hindi naman singtindi nang sa kanila.
Ang lahat ng ito’y isang pagtatakip. Ginawa lang ni Morrie na halata ang lahat ng mga ito.
“Mitch, kung balak mong magpasikat sa mga taong nasa itaas, kalimutan mo na ito. Mababa pa rin naman ang tingin nila sa iyo kahit na ano ang gawin mo. At kapag gusto mo namang magpasikat sa mga taong nasa ibaba, kalimutan mo na rin ito. Maiinggit lang sila sa iyo. Walang patutunguhan ang pagtutok lamang sa iyong posisyon sa lipunan. Isang bukas na puso lamang ang paraan para makalutang ka ng pantay sa lahat ng mga tao.”
Tumigil siya at tumingin sa akin. “Nag-aagaw-buhay ako, hindi ba?”
Oo
“Sa palagay mo, bakit mahalaga sa akin na marinig ang mga problema ng ibang tao? Hindi pa ba sapat ang sakit at pagdurusang pinagdaraanan ko?”
“Oo naman, marami akong pinagdaraanan. Pero ang pagbibigay sa ibang mga tao ang nagbibigay sa akin ng buhay. Hindi ang kotse ko o ang bahay ko. Hindi ang itsura ko sa harap ng salamin. Kapag ibinibigay ko ang aking oras, kapag napapangiti ko ang isang tao matapos nilang malungkot, pakiramdam ko’y nagiging malusog na rin ako.
“Gawin mo ang mga bagay na nanggagaling sa iyong puso. Kapag ginawa mo ito, hindi ka na maghahanap pa, hindi ka na maiinggit, hindi ka na mang-iimbot sa mga bagay na pag-aari ng iba. Sa kabilang banda, magugulat ka na lang sa babalik sa iyo.”
Umubo siya at inabot ang maliit na kalembang sa may silya. Hindi niya ito makuha kahit ilang beses na niyang sinubukan, kaya kinuha ko na ito at iniabot sa kanya.
“Salamat,” ang bulong niya. Mahina niya itong niyugyog, para makuha ang atensyon ni Connie.
“Ang Ted Turner na ito,” sabi ni Morrie, “wala na siyang iba pang maisip na isulat sa kanyang lapida?”
“Tuwing gabi, bago ako matulog, ako’y namamatay. At kinabusakan, paggising ko, ako’y ipinanganganak muli.”
–Mahatma Gandhi