NAGKAISA ang buong Senado na ibalik sa Filipino at English ang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan.
Sa ilalim ng Senate Bill 2457, ipinatitigil ng Mataas na Kapulungan ang paggamit ng unang wika (mother tongue) bilang medium of instruction (MoI) mula Kindergarten hanggang Baitang 3.
Ayon sa inaprubahang panukala nina Senador Win Gatchalian at Senador Ramon Revilla Jr., maaari lamang gamitin ang unang wika sa mga silid-aralan kung saan may iisang unang wikang ginagamit.
Pag-amyenda ang mga ito sa Seksyon 4 at 5 ng Republic Act 10533 o kilala rin sa tawag na “Enhanced Basic Education Act of 2013.”
Ibinabalik ng aprubadong panukalang batas ang midyum ng pagtuturo sa Filipino at English samantalang ang iba pang mga wika sa bansa ay pawang magiging auxilliary na MoI na lamang.
Ayon pa dito, sa mga monolingual classes na lamang maaaring i-apply ang mga prinsipyo at framework ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) kung makasusunod sa mga resikito ang unang wika na gagamitin bilang midyum ng pagtuturo.
Isang opisyal na ortograpiya na nilinang at inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); opisyal na dokumentadong talasalitaan na inilathala ng KWF gaya ng talahuluganan, diksyunaryo, encyclopedia o thesaurus; literatura sa wika at kultura gaya ng malalaking aklat, maliliit na aklat, larawang kwento o walang salitang aklat ng mga larawan; aklat ng balarila, at pagkakaroon ng mga gurong nakapagsasalita at hinasa upang magturo ng unang wika ang ilan sa mga rekisito ng SB 2457.
Sa Explanatory Note ng SB 2457 nang una itong ihain sa Senado, sinabi ni Senator Gatchalian na sa 245 na napaulat na lenggwahe sa Pilipinas, 19 o walong porsyento lamang dito ang ginamit sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).
Hindi kabilang sa 19 ang Boholano, Masbateno, at Kankanaey na marami ring gumagamit.
Gaano kalawak ang pagkakaiba ng wika minsan sa isang paaralan? Binigyang halimbawa ni Senador Gatchalian ang datos na nakuha sa Kalinga kung saan napag-alaman na may 22 katutubong wika sa mga mag-aaral doon; at sa isang maliit na paaralan sa Davao City, ang Marahan West Elementary School, siyam na lenggwahe mayroon sa 238 mag-aaral sa Key Stage 1-mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Upang solusyunan ito, naglabas ang DepEd ng mga Department Order kung saan inirerekomenda ang paggamit ng ‘lingua franca’ o wika na maiintindihan ng lahat kung may tatlo o higit pang lenggwahe mayroon sa isang silid aralan.
Base sa isinagawang pag-aaral ng Unesco, ang paggamit ng ‘lingua franca’ ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit hindi na nagagamit bilang MoI ang unang wika (mother tongue) ng mga bata.
Kakulangan sa mga kagamitan sa pag-aaral, karamihan ng wika sa isang bayan o sa isang bansa at kakulangan ng mga sinanay na guro ang ilan pa sa mga dahilan.
Taong 2019, nagsagawa ng pag-aaral ang Philippine Institute for Development Studies kung saan napag-alaman na siyam na porsyento lamang ng mga paaralang na-survey ang nakaabot sa apat na minimum requirements para sa maayos na pagpapatupad ng MTB-MLE.
Hindi nagustuhan ng Sentro ng Wikang Filipino- UP Diliman ang ginawang pagpasa sa SB 2457 ng mga mambabatas. (May kaugnay na artikulo sa Dagdag Kaalaman ngayong araw, Agosto 5, 2024).
Isinusulong ng Sentro ng Wikang Filipino ang paggamit ng unang wika bilang midyum ng pag-aaral.
Mariin nitong tinutulan ang SB 2457 na nagsabing “ang hakbang na ito ng Senado ay nagdadala ng maraming panganib at salungat sa adhikan ng edukasyong ingklusibo, makamamamayan, at makabansa.”
Isa umano itong “paurong na pagkilos” gayong idineklara ng United Nations General Assembly na nasa panahon tayo ng Pandaigdigang Dekada ng Katutubong Wika.
“Isa itong anyo ng opresyon na lumalabag sa prinsipyo ng pantay-pantay na pagkakataon sa edukasyon ng kabataang Pilipino. Bilang multilinggwal na bansa, higit na nararapat na maging direksyon ng Pilipinas ang pagtataguyod ng mga katutubong wika na pangunahing nagpapayaman sa wikang Filipino sang-ayon sa Konstitusyong 1987,” ayon sa pahayag ng Sentro ng Wikang Filipino.
Binigyang-diin din ng pahayag ang kahalagahan ng unang wika para sa madaling pagkatuto ng mga bata na pinatutunayan ng mga pananaliksik, eksperimento at mismong pamahalaan sa ulat ng Edcom 1 at Kagawaran ng Edukasyon, at maging ng Unesco.