Katapusang Labas
SA dinami-dami ng rali ng Maisug upang pagpalabasan ng video na diumano’y nagpapakita kay Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumisinghot ng “polvoron,” kung bakit napili pa na gawin ito sa Los Angeles, California — sa USA.
Hindi ito nagkataon lamang. Kung baga sa giyera, ang pakawala ng bala ay mula sa baril ng kalaban. Sino ang binaril ng Maisug? Niliwanag na natin sa nagdaang isyu, si Presidente Bongbong. Sa pagkakapalabas ng polvoronic video, maliwanag din na ang bumaril ay Amerika.
Lahat ng pangyayari ngayon kaugnay ng Maisug ay tumutugma lamang sa nangakaraang kontra-demokratikong pagbabago ng rehimen sa Pilipinas. Nauna ang pagpapatalsik kay Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. sa EDSA 1 noong 1986, sumunod ang pagbagsak ni Erap sa EDSA 2 noong 2000.
Pero, teka. Kung ang EDSA 1 ay kagagawan ng Amerika upang proteksyunan ang mga base militar nito sa Pilipinas, ano naman ang dahilan kung bakit kinailangan ng Amerika na ibagsak si Erap?
Ayon sa bantog na tala, pinakiusapan ni US President Bill Clinton si Erap na iatras ang kampanya laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil bihag ng grupo ang isang pastor Amerikano na kanilang kinidnap upang ipatubos.
Subalit alalahanin ang mga kaganapan sa pagtatapos ng taon noong 2000. Umiigting ang kampanya ng gobyerno na igupo ang (MILF). Bunga ito ng pamumugot ng rebeldeng grupo sa mga ulo ng 14 na Marine na nagbunsod kay Presidente Estrada na mag-order ng “all-out war” upang tapusin na ang mga teroristang Muslim. Tinanggihan ni Erap ang pakiusap ni Clinton. Namagitan na si Jaime Cardinal Sin, na bigo pa rin. Sa kahuli-hulihan, isang envoy na ng Amerika ang sinugo ni Clinton. Nabigo pa rin itong baguhin ang desisyon ni Erap, kaya nga sa pagtatapos ng taong 2000, naganap ang makasaysayang pagsalakay ng mga marine sa pamumuno ni noon ay Major Alexander F. Balutan upang ganap nang wasakin ang Camp Abubakar, ang moog ng rebelyon ng MILF.
Maitatanong: “E, ano kung dinurog ni Erap ang Camp Abubakar?”
E, ano? Wala tayong makitang koneksyon maliban sa sumiklab ang impeachment ni Erap dalawang buwan makaraang bumagsak ang Camp Abubakar. Bagama’t sa botohan ng senado bilang impeachment court ay nagwagi si Erap, ang walkout sa impeachment ng mga oposisyong senador ay humantong sa EDSA 2 na sa simpleng paraan ng pagdeklara na wala nang kakayahang mamuno, si Erap ay pinatalsik at pinapanumpang pangulo ang bise presidente na si Gloria Macapagal Arroyo.
Maliwanag sa nangyaring ito na isa pang presidente ng Pilipinas ang bumagsak dahil sa pagsuway sa kagustuhan ng Amerika.
Ngayon, eto na naman tayo, binubulabog ng kilusang Maisug na sa paimbabaw ay pagkontra sa pamumuno ng isang adik sa bawal na droga subalit kung bakit ang mga kumpas sa pagpapaingay dito ay kailangang manggaling sa Amerika. Nagsimula ang alingasngas sa mga pagbubulgar ni Maharlika na nakabase sa Amerika, pinickup ng SMNI na litaw na litaw ang kiling kay Duterte, at sa sandaling ilitaw ang pinakaaabangang “polvoronic video,” saan ba ito magaganap kundi sa Amerika!
Diyan tayo kaingat. Isang people power na naman ang rumaragasa. Nanganganib na muling daluyungin ang sambayanan ng isang kilusan na sa wari ay para sa kabutihan ng bayan pero kuwidaw kung hindi para na naman sa kapariwaraan ng Pilipino.
Pinalad tayo na sa una pa lang ay makita na usapin ng seguridad pangmilitar ang pinakatinutuunan ng pansin ng Amerika sa Pilipinas. Hindi ba ang nabulgar na interes ng Estados Unidos sa pagpakana ng people power noong 1986 ay ang pagpapanatili ng kanyang mga base militar sa Pilipinas? Bigo sila sa layuning ito noong EDSA 1, kaya pinkana ang EDSA 2, nagluklok kay Gloria Macapagal Arroyo bilang presidente. Naiba man ang porma, nanatili pa rin ang esensya ng estratehiya na panatilihin ang lakas militari ng Amerika sa Pilipinas.
Taong 2008 nang matalagang ambassador ng Amerika sa Pilipinas si Kristie Kinney. Pansinin kung paanong kumilos si Kinney na animo’y rockstar, nakikihalubilo sa showbiz, samantalang gugol din ang mahabang panahon sa pagdalaw-dalaw sa Mindanao.
Naging napakapamilyar ni Kinney sa Mindanao kung kaya siya ay ginawang adopted daughter ng Zamboanga. Maaring sabihin na iyun ay inaasahang bunga ng kanyang relasyong pampubliko, subalit mapupuna rin na sa panahong iyun nakitaan ang Mindanao ng pagtatayo ng mga paliparan na ang mga runway ay kasingtibay ng sa Clark Airfield.
Para saan ang mga runway na iyun na bagay lang sa mga higanteng eroplano ng Amerika. Ano, magtatayo ng paliparan ng US Air Force?
Tila upang bigyan ng magandang finale ang kanyang adbentura sa Mindanao, tinunton ni Kinney si MILF Commander Al Haj Murad Ebrahim sa lungga nito sa kabundukan at napapayag sa pakikipagkasundo sa pamahalaan.
Wala tayong maapuhap na sagot sa tanong kung bakit kailangang pagtitiisan ni Kinney ang ganun kahirap na lakad. Ang alam natin, hanggang sa mga sandaling iyun ay naghahagilap pa rin ang Amerika ng pamalit sa mga base militar na nawala bunga ng pagtanggi rito ng Magnificent 12. Malaking pangarap na lamang ang asahan pang maibabalik ang mga baseng iyun sa pamamagitan ng bagong tratado na kailangang pagtibayin ng senado ng Pilipinas.
Isang bagay ang tiyak. Kung magkakaroon ng sariling pamahalaan ang MILF sa Muslim Mindanao na mapagkaibigan sa Amerika, magaang makipagkasundo ang Amerika para sa pagtatatag ng base militar sa rehiyon.
Lutas ang problema.
Natapos ang usapang pangkapayapaan sa Kuala Lumpur, Malaysia na napagkasunduan ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MoA-AD) na nagtatatag sa Muslim Mindanao ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE), may sariling pamahalaan at ang bahagi ng Pilipinas sa rehiyon ay 25% lamang ng likas na yaman. Handa nang lagdaan ang MoA-AD, kung hindi nalaman ng Cotabato, Zamboanga at Palawan na kasali sila sa tatapyasin sa Republika ng Pilipinas. Nagpetisyon ang tatlong probinsya ng pagtutol sa Korte Suprema, at inorderan ni Pangulo Gloria Arroyo ang government panel na huwag lumagda.
Sa pangalawang pagkakataon, bigo ang Amerika na pagtagalin pa ang pananatili ng kanyang mga base militar sa Pilipinas.
Ngayong tuliro na naman ang bayan sa panibagong people power na kung turingan ay Maisug, maaalis mo ba sa mga tagapagmasid ang mag-isip kung hindi patuloy ang pag-sisikap ng Kano na muling buhayin ang mga naunsiyaming pangarap.
Sasabihin ninyong kakatwa ang ganung ideya. Ang Maisug ay litaw na pakana ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte at pruwebado sa kasaysayan na ang Digong ay kaaway ng Kano.
O, talaga?
Bakit ang kilusang kontra Bongbong ay sumabog sa Amerika?
Tandaan ang sinabi ng Marcos Sr.: “There are no permanent enemies. There are only temporary allies (Walang permanenteng kaaway Meron lamang pansanantalang kakampi).”
Una pa muna, di ba’t pinaalalahanan na tayo ni Balagtas: “Kung ang isalubong sa iyong pagdating ay masayang mukha’t may pakitang giliw, lalong pakaingata’t kaaway na lihim, siyang isaisip na kakabakahin.