28.5 C
Manila
Lunes, Setyembre 9, 2024

‘Usapang Wika’ dokyu inilunsad ngayong Buwan ng Wikang Pambansa

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pakikipagtulungan ni Senadora Loren Legarda sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining, inilunsad ngayong Agosto ang dokumentaryong “Usapang Wika” na tumatalakay sa mga wikang Ilokano, Cebuano, Hiligaynon, Kinaray-a, Waray, Kapampangan, Tagalog, Bicolano, Maranaw, at iba pang pangunahing wika ng Pilipinas.

Ang paglunsad ng “Usapang Wika” ay itinaon sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Binigyang-diin ni Legarda ang importansya ng Wikang Filipino at mga katutubong wika sa bansa na siyang nag-uugnay sa atin at nagsisilbing susi sa pagkamakabayan ng mga Filipino, pambansang kaunlaran, at pagpapanatili ng kalayaan.

“Binubuhay ng wika ang mayamang kasaysayan at ang makulay na kultura at tradisyon ng ating lahi. Pinapag-alab nito ang ating diwang makabayan at nagbibigay buhay sa ating pagnanais sa isang mas maunlad at malayang lipunan,” ani Legarda.

Bukod sa “Usapang Wika,” ilan pa sa mga proyektong pangwika na tinututukan ni Legarda ay ang Bantayog-Wika at aklat tungkol sa Ortograpiyang Pambansa at Linguistic Atlas.

Layunin ng Bantayog-Wika na ipagbunyi ang yaman ng mga wika ng Pilipinas sa iba’t ibang panig ng bansa.

Samantala, ang aklat ng Ortograpiyang Pambansa ay magsisilbing gabay sa pagkilala sa kasalukuyang anyo ng wikang Filipino at ang Linguistic Atlas ay maglalaman ng mga impormasyon tungkol sa mga katutubong wika.

Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay ipinagdiriwang taon-taon mula 1997 matapos ideklara ni Pangulong Fidel V. Ramos ang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997.

Ginugunita ito sa buwan ng kapanganakan at kamatayan ni Pangulong Manuel L. Quezon na itinuturing na “Ama ng Wikang Pambansa.” (PIA-NCR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -