UPANG palakasin ang kasanayan magtrabaho ng mga mag-aaral ng Senior High School, nilagdaan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Private Sector Advisory Council (PSAC) Jobs Committee, sa pamamagitan ng Private Sector Jobs and Skills Corporation (PCORP), ang isang Memorandum of Agreement (MoA) para simulan ang pinaunlad na work immersion program. Ang naturang paglagda, na ginanap nitong Agosto 8, 2024 sa Malacañang Palace at sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay tanda ng makabuluhang pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor.
Inorganisa ng mga miyembro ng PSAC Jobs, katuwang si PSAC strategic convener Sabin Aboitiz, ang PCORP bilang isang non-profit, non-stock corporation upang bumuo ng isang maayos na government-industry-academe national movement na nakatakdang magbigay ng solusyon sa hindi pagtutugma ng trabaho at kakayahan sa bansa.
Kasama sa MoA ang mga mahahalagang salik tulad ng pinaunlad na work immersion experience para sa mga mag-aaral, pagtutugma ng curriculum upang mabigyan ng mas maraming oras ang mag-aaral na malinang at maitugma ang kanilang kakayahan sa pamantayan ng kasalukuyang industriya, magbigay ng pagsasanay sa mga guro upang mas maayos na magabayan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral at magkaroon ng job fairs at tugmang oportunidad sa buong bansa.
Layon din ng inisyatiba na pagdugtungin ang thoretical education at practical industry experience na makatutulong sa mga mag-aaral na makahanap ng potential employers.
Kabilang sa mga unang industriya na nagbukas ng kanilang pintuan sa pinaunlad na work immersion program sa Senior High Schools ang Semiconductors and Electronics Industries in the Philippines (SEIPI), IT Business Processing Association of the Philippines (IBPAP), Philippine Constructors Association (PCA), Confederation of Wearables Exporters of the Philippines (CONWEP), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), iPeople sa pamamagitan ng National Teachers College (NTC), at SM Group and Philippine Center for Entrepreneurship (Go Negosyo).
Nakatakdang lumahok sa pilot program ang sampung paaralan sa bansa, kasama ang isang specialized na programa para sa Alternative Learning System (ALS). Maaaring mamili ang mga napiling paaralan sa sektor ng IT-BPM, tourism and hospitality, agriculture and entrepreneurship, and manufacturing, at sa iba pang sektor ng mayroong mataas na demand sa manggagawa at maraming nakahandang trabaho.
Ipinahayag ni DepEd Secretary Sonny Angara ang kaniyang suporta sa mahalagang hakbang para sa student employability. “This MOA gives our students the opportunity to gain hands-on work experience while still studying. In that way, it follows the President’s marching orders to us to do everything we can to improve the quality of our education and boost the chances of our graduates at landing better earning opportunities.”
Nagsasagawa na ang DepEd at PSAC Jobs, kasama ang school heads at mga katuwang na industriya, ng mga workshop at consultations upang mabuo ang pamantayan para sa pilot program na nakatakdang magsimula sa Taong Panuruan 2024-2025.
“This partnership marks a significant milestone in our efforts to prepare the next generation for the workforce. By collaborating with DepEd and industry leaders, we can ensure that our students are job-ready and equipped with the skills needed in today’s competitive job market,” ani Joey Concepcion, PSAC Jobs Committee Lead.