ISANG entrapment operation ang ikinasa ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group, Northern District Anti-Cybercrime Team (PNP-NDACT), kasama ang Enforcement Division ng DENR- National Capital Region, noong ika-6 ng Agosto sa isang mall sa lungsod ng Mandaluyong.
Ang nasabing operasyon, na binigyan ng technical assistance ng tanggapan sa pangunguna nina Development Management Officer III Arnel Matreo at Ecosystems Management Specialist II Maria Teressa Relos, ay matagumpay na nakapagrekober ng apat na Leopard Gecko (Eublepharis macularius) na napag-alamang pinapangalagaan at ibinebenta ng walang kaukulang permit. Ang nasangkot na indibidwal ay nasa kustodiya na ng PNP-NDACT para sa angkop na pagsasampa ng mga kasong paglabag sa ilegal na pagbebenta ng buhay-ilang alinsunod sa Republic Act No. 9147 na kilala bilang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.
Batay sa inisyal na pagsusuri, ang mga Leopard Gecko ay nasa maayos naman na kondisyon, ang mga buhay-ilang na ito ay itinuturing din na Least Concern sa bansa. At upang mas mapaigi’t mapabuti ang pagsusuri at pangangalaga ng mga ito, dinala ang mga nakuhang hayop sa Wildlife Rescue Center ng Biodiversity Management Bureau sa Quezon City.
Muling panawagan ng DENR-NCR na ipinagbabawal ang pag-aalaga, paghuli, pagkolekta at pagbiyahe ng kahit anumang uri ng buhay-ilang ng walang kaukulang permit mula sa ahensya batay sa R.A. 9147 upang maprotektahan at mapangalagaan ang wildlife resources ng bansa at maiwasan ang ilegal na gawain na nagdudulot ng banta sa lokal na saribuhay o biodiversity.