28.7 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Ano ang hinihintay ng US Federal Reserve sa pagbababa ng interest rate?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Agosto 25, 2024 na malapit nang ibaba ng Federal Reserve ng Estados Unidos ang mga pinagbabatayang interest rate. Ayon kay Jerome Powell, chairman ng Federal Reserve (Fed) ng Estados Unidos “ang oras ay dumating na” upang ibaba ng Estados Unidos ang mga interest rate ng ekonomiya. Sa kanyang talumpati sa Jackson Hole Economic Symposium sa Wyoming, USA binanggit niya “ang panahon ay dumating na” upang baguhin ang mga patakarang monetaryo ng Estados Unidos.

Ang pahayag na ito ng Tagapangulo ng Fed ng Estados Unidos ay akma sa tantiya ni Eli Remolona, ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ibababa ng US Fed ang mga pinagbabatayang interest rate ng 50 basis points sa Setyembre at hanggang 100 basis points bago matapos ang kasalukuyang taon. Ngunit ayon kay Powell kahit na ang direksyon ay patungong mapagpalawak na patakarang pananalapi ang panahon at lawak ng pagbaba  ng mga pinagbabatayang interest rate ay nakabatay sa mga darating na mga datos tungkol sa ekonomiya.

Anu ano ba ng mga pangunahing datos ekonomiko na hinihintay ng US Fed bago ihayag ang panahon at lawak ng pagbaba ng mga pinagbabatayang interest rate? Ito ay nakabatay sa direksyon ng inflation rate at ang antas ng unemployment rate.

Alam natin na ang mapagpalawak na patakarang pananalapi ay magpapababa sa gastos ng pangungutang na mauuwi sa paglawak ng guguling pagkonsumo ng mga pamahayan, guguling pagkonsumo ng pamahalaan at pangangapital. Samantala, ang paglawak ng mga gugulin ay maaaring mauwi sa pagtaas ng mga presyo ng mga  bilihin dahil agaran ang paglawak ng mga gugulin samantalang mas mabagal ang tugon ng suplay ng mga produkto at serbisyo.

Kung ang inflation rate ay bibilis at lalagpas sa target na inflation rate ng US Fed, maaaring magbaba ng interest rate nang di malawak, baka mababa sa 50 basis points. Samantala, kahit tumaas ang inflation rate ngunit ito ay pasok sa target na inflation rate ng US Fed, baka ipatupad na ang 50 basis point sa pagbaba ng pinagbabatayang interest rate sa ikatlong kwarter ng taong kasalukuyan.


Ang isa pang pinagbabatayang datos ekonomiko ay ang lagay ng unemployment o desempleyo. Kung patuloy na bababa ang employment rate sa Estados Unidos o magkatotoo ang nagbabadyang resesyon, baka magbaba ang US Fed ng 50 basis points o mas mataas pa upang pasiglahin ang ekonomiya at lumikha ng maraming trabaho ang mapagpalawak na patakarang pananalapi. Samantala, kung ang paglikha ng trabaho ay nanggagaling misyo sa desisyon ng mga pribadong mga kompanya at hindi dahil sa pagpupursigi ng pamahalaan o ng US Fed baka mas mababa pa sa 50 basis points ang ipatupad nang hindi gaanong bumilis ang inflation rate lalo na ngayong panahon ng eleksiyon.

Ang mahirap bigyan ng lantarang desisyon ay ang kombinasyon ng bilis ng inflation rate at lagay ng employment rate. Kung ang inflation rate ay pasok sa target at ang employment rate patuloy na bumababa, maaaring ipatupad ang 50 basis points na pagbaba sa interest rate. Ito ay pagpapasigla sa ekonomiya sa pamamagitan ng dagdag na mga gugulin na lilikha ng dagdag na trabaho. Kung ang inflation rate ay pasok sa target at ang employment rate ay tumataas, maaaring ipatupad ang mababa pa sa 50 basis point sa pagbaba ng interest rate.

Samantala, kung ang inflation rate ay lagpas sa target at ang employment rate ay patuloy na bumababa, mahirap ipatupad ang pagbaba ng 50 basis points dahil baka lalong lumalala ang inflation rate. Kung ipatutupad naman ang pagbaba ng interest rate na mababa sa 50 basis point baka wala itong epekto sa paglikha ng trabaho at mauwi sa nagbabadyang resesyon.

Kapag naman ang inflation rate ay lagpas sa target at ang employment rate ay tumataas, maaaring ipatupad ang pagbaba ng interest rate na mababa sa 50 basis points upang mahupa ang pagtaas ng inflation rate.

- Advertisement -

Ang maikling pagsusuring ito ay nagpapakita kung bakit mistulang nag-aatubili ang US Fed sa pagbaba ng mga pinagbabatayang interest rate. Ayon nga kay Jerome Powell ang mga datos ekonomiko ang huhubog ng panahon at lawak ng pagbaba ng mga pinagbabatayang interest rate. Ngunit may mistulang tagisan ang inflation rate at employment rate. Ang pagpapahupa sa mabilis na inflation rate ay maaaring mauwi sa paglawak ng desempleyo. Samantala, ang pagpapalawak ng empleyo ay maaaring mauwi sa pagbilis ng inflation rate. Tunay na tunay na ang prinsipyo ng pagsasakripisyo ang  humuhubog sa mga desisyong ekonomiko.

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -