27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

‘Ang daigdig ng bata ay hindi Sanrio na kulay-pink’: Ilang tala sa panitikang pambata ayon kay ROV

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikatlo sa serye tungkol sa manunulat na si Rene O. Villanueva (ROV)

NAPAKARAMING paksa ngayon na tumatalakay sa mga sensitibong isyu: paghihiwalay ng magulang, online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), single parenthood, child labor, tokhang o mga kabataang napatay sa ‘war on drugs,’ kaibang sexual preference o orientation (LGBTQA+ concerns), suicide, autism, iba’t ibang kapansanan (visible man o hindi), dyslexia, giyera at pagbakwit, batang biktima ng karahasan, child soldiers, at kung ano-ano pa. Dumagdag pa ang mga mental health concerns na lalong lumutang sa kalagitnaan ng pandemya (na nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon). Kay rami ng aklat pambata ngayon na nangahas talakayin ang ganitong paksa.

Si Eugene Evasco, awtor ng mga aklat pambata at guro ng panitikang pambata sa UP Diliman, kasama si Segundo Matias Jr, author-publisher ng Lampara Books, ay naging patnugot ng tatlong tomo ng kuwentong pambata na tumalakay sa mga ‘kuwentong radikal’ – ang ‘Baklas,’ ‘Piglas,’ at ‘Hulagpos.’ Patunay ito na may lugar ang ganitong mga kuwento sa ating body of children’s literature.

Kung babalikan natin sa gunita, masasabi nating isa si Rene O. Villanueva (ROV) sa nangahas na paksain ang mga sensitibong isyu sa isang panahong idini-define pa lang natin kung anong mga paksa ang sasaklawin ng panitikang pambata. Kailangan nga bang laktawan ang mga itinuturing na ‘difficult’ o ‘sensitive’ topics sa panitikang pambata? Hindi po. We owe it to our readers that we dare tackle different difficult topics. For children, it will help them open their eyes and see the world or see another reality, and prepare them for what life really is. Binibigyan tayo ng mga ganitong kuwento ng bagong pagtanaw sa mundo, ng bagong kamalayan. Sabi nga ni Rene, ‘ang daigdig ng mga bata ay hindi Sanrio na kulay-pink!’

Lilipas pa ang maraming taon at magdaraos ng writing at illustrating workshop ang Room To Read (RTR), isang international organization na nakatuon sa children’s literacy at gender equality. Pinamahalaan ito ni Al Santos na siyang tumatayong Program Manager sa Southeast Asia. Si Al Santos ay kapwa playwright at kaibigan din ni Rene. Tatlo lamang ang kahingian niya sa amin nang gumawa kami ng mga libro para sa Room To Read: Gumawa ng kuwentong pambatang nasa 100-150 words lamang; tumalakay sa isang ‘difficult topic’; at ilaan ang kuwento para sa mga beginning readers. Dalawampung aklat ang naging ani ng unang batch nito na inilathala noong 2020 (panahong nagsisimula na ang pandemyang Covid-19). Kamakailan, sa ikalawang batch ng RTR books, ay muling naglabas ng 12 aklat na tumatalakay naman sa karanasan ng mga batang nangibang-bayan (na karamihan ay anak ng ating mga OFWs).


Bukod sa RTR, maraming mga mainstream publishers ngayon ang hindi na nangingiming maglabas ng mga kuwentong dati’y mga indie publishers lamang ang naglalabas. Rene would have been proud to see this development. Tiyak na sasali rin siya sa paglalathala ng marami pang akda na hindi pumapaksa sa karaniwan.

Natatandaan ko ring binanggit sa akin ni ROV na maglaan din daw ako ng panahong magbasa ng mga nalathalang ‘malulungkot’ na kuwento para sa mga bata upang lalong maging ganap ang aking paglusong sa panitikang pambata. Pinayuhan niya akong basahin ang mga kuwentong pambata ni Oscar Wilde gaya ng The Happy Prince, The Nightingale and the Rose, at The Selfish Giant, na madalas ay malulungkot ang mga salaysay. Naibigan ko ang payo niyang ito. Doon ko napagtibay sa aking sarili na kung gagawa ako ng mga kuwentong may malungkot na ending, ang aking tauhan ay dapat na larawan pa rin ng katatagan at kasasalaminan ng pag-asa. Walang kuwenta ika nga ang kuwentong di ka man lang makasilip ng pag-asa sa mga tauhan.

Nakatutuwa na sa isang panahong ipinaghehele tayo ng barkadahan nina Cinderella, Snow White, Pinocchio, Aladdin, at Peter Pan, may isang ROV na nangahas na aliwin ang mga bata sa pamamagitan ng kanyang mga kuwentong Pinoy na pinoy ang dating at sensibilidad. Knowing Rene, pihadong ganito ang sasabihin niya sa atin, ‘kayo talaga, kinuwentuhan ko lang naman ang batang si Rene sa loob ko, ang batang si Rene na maagang namatay dahil sa mapapait na reyalidad ng kaniyang buhay! E, nagkataong nagustuhan n’yo ang mga salaysay ko! E, di salamat!” Nandoon pa rin ang kanyang trademark na taray habang sinasabi ito.

Hindi natin dapat limutin si Rene. Kailanman. Salamat sa pagkakaroon ng isang palihang gaya nito – ang Palihang Rene O. Villanueva – na nasa ikalawang taon na. Salamat sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) at sa IBBY-Philippines sa pagtataguyod nito. Ang mentorship o paggabay sa susunod na henerasyon ng mga manunulat ay dapat na isinasaalang-alang nating lahat. Kung tutuusin, parang naging mentor ko rin si Rene (hindi nga lamang sa paraang pormal na gaya ng palihang ito). Sa aming mga kuwentuhan habang nagkakape, sa mga pagkakataong magkasama kami sa workshop at mga paglalakbay, marami akong bagay na napulot na ikinaunlad ng aking panulat.

- Advertisement -

Minsan, sabi niya, napansin daw niyang mahahaba ang aking mga dialogues sa kuwento. Pinayuhan niya akong paigsiin ito o putulin ito para mas maging ‘biting.’ Sabi niya, ‘pakinggan mo ang dialogues ng mga tauhan sa stage play. Maiigsi lamang ang linya nila kapag nag-uusap.’ Mas natural daw ang magiging daloy ng dialogue kapag ganoon. Malaki ang naging impluwensiya ng teatro at pagsulat ng dula sa kanyang pagsusulat ng kuwentong pambata. Bentahe itong dala-dala niya habang ginagalugad ang mga sakop at hangganan ng panitikang pambata. Tinanggap ko nang maluwalhati ang komento niyang ito at sinubukang i-apply sa aking mga sinusulat na akda. Mas maganda nga pala!

Ganu’n talaga ang mentor. Sinasabi nila sa atin kung ano ang kailangan nating marinig, hindi ‘yung kung ano lang ang gusto nating marinig. Nakikita ng isang mentor ang ating talento, ang ating kakayahan, at ginagabayan tayo para maihatid tayo sa ‘next level’ ng ating pagsusulat. Sa ganitong paraan lamang magpapatuloy ang pagyabong, pamumulaklak, at pamumunga ng panitikang pambata’t makabata, sa bansa.

Hindi tayo nagsusulat para magkaroon ng maraming aklat (bagama’t wala namang masama roon). Hindi tayo nagsusulat para manalo ng mga pagkilala o award (wala rin namang masamang manalo ng award). Hindi rin tayo nagsusulat para ipagyabang ang mga pangalan natin na nakatatak sa  pabalat ng aklat. Nagsusulat tayo dahil may gusto tayong sabihin; dahil may mensahe tayong nais ipaabot sa mga bata’t kabataan (gayon din sa kanilang mga magulang at guro). Gumagawa tayo ng mga kuwento at libro dahil gusto nating makatulong sa nation-building.

May isang panahon na binanggit ng namayapang guro at manunulat na si Dr Lina Diaz De Rivera, dating propesor ng Children’s Literature sa UP Diliman at naging Palanca awardee rin, ang mga katagang ito, “I’m now seeing the dawning of the Golden Age of Children’s Literature in the Philippines.” (Sa Filipino, ‘nababanaagan ko na ang pagbubukang-liwayway ng Gintong Panahon ng Panitikang Pambata sa Filipinas’). Paano niya nasabi ‘yun? Kasi raw, sa pagtuturo niya ng elective na children’s literature sa College of Education ng UP, dati’y puro foreign children’s books ang kanilang references, pero ngayon daw ay halos puro lokal na aklat pambata na ang kanilang ginagamit. At nagpapasalamat siya sa ginawang paghawan ng isang Rene O. Villanueva sa landscape ng panitikang pambata sa bansa.

Maaaring sa mga sandaling ito ay nakatunghay sa atin si Rene mula sa langit at tinatawanan tayo. Pero pihadong halakhak ito ng pasasalamat – sa mga batang nagbasa ng kanyang mga aklat at sa mga taong nagpahalaga, at patuloy na nagpapahalaga, sa kanyang mayamang kontribusyon sa makabatang kamalayan, sa mundo man ng telebisyon o sa panitikan.

Maraming salamat, Rene O. Villanueva, sa iyong paghahawan ng landas. Ang pinakamagandang bagay na aming magagawa para alalahanin ka ay ang paghusayin ang aming panulat para sa kapakanan ng mga bata’t kabataan.

- Advertisement -

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -