SA pagiging alerto ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO) – South, agarang nailigtas ang isang Philippine Swamphen Bird (Porphyrio pulverulentus) sa Brgy. San Dionisio.
Natagpuan ang uri ng ibon ng isang residente matapos ang kasagsagan ng bagyo at tumawag sa MEO – South para sagipin ito na dinala at inihatid naman sa Biodiversity Management Bureau (BMB) – Wildlife Rescue Center (WRC). Base sa inisyal na inspeksyon ng mga beterinaryo, nasabing nasa maayos na kondisyon at malusog ito.
Ang Philippine Swamphen Bird ay matatagpuan sa Pilipinas, partikular sa mga isla ng Luzon, Mindanao, at iba pang malalaking isla, pati na rin sa Talaud Islands sa Indonesia. Kilala sila sa kanilang maliwanag na kulay at malalakas na tawag na madalas maririnig sa kanilang mga habitat. Bagaman itinuturing silang hindi delikado sa kasalukuyan, mahalaga ang pagprotekta sa kanilang mga wetland habitat upang mapanatili ang kanilang populasyon at ang kalusugan ng ekosistem na kanilang tinitirhan.
Patuloy na pinapaalalahanan ng MEO-South ang publiko na isuplong ang mga buhay-ilang upang ito ay mabigyan ng tamang pag-aalaga at proteksyon, bago ito ibalik sa kanilang natural na tahanan.