PINURI ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang Commission on Elections (Comelec) sa pagsama nito ng 10 barangay mula sa Enlisted Men’s Barrios (EMBO) sa dalawang distrito ng Taguig.
“I’m grateful to the Comelec for ensuring that the people of EMBO will have the representation they deserve, especially since we’re nearing the filing of candidacy for the 2025 elections,” wika ni Cayetano nitong September 30, 2024.
Matatandaang pinangunahan ni Cayetano ang mga hakbang sa Senado upang siguruhin ang representasyon ng mga barangay ng EMBO sa pamamagitan ng Senate Concurrent Resolution No. 23.
Kaakibat ng resolusyong ito ang House Concurrent Resolution No. 37 na inihain ni Taguig-Pateros Representative Ricardo ‘Ading’ Cruz Jr. na naglalayong isama ang mga barangay ng EMBO sa dalawang distrito ng Taguig at dagdagan ang bilang ng mga konsehal sa lungsod.
Nitong September 25, 2024, naglabas ang Comelec ng walong-pahinang resolusyon na naglalaman ng pagsasama ng mga barangay na Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside, at Post Proper Southside sa Unang at Ikalawang Distrito ng Taguig.
Tinaasan din ng resolusyon ang bilang ng mga konsehal sa bawat distrito mula walo hanggang labindalawa, alinsunod sa Ordinance No. 144 ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
Tiniyak ng hakbang na ito na ang mga residente ng mga barangay na ito ay magkakaroon ng representasyon sa Kongreso at maaaring bumoto at mahalal sa House of Representatives. Ang karagdagang pwesto sa City Council ay magtitiyak din ng patas na representasyon sa lokal na antas.
Isinaalang-alang ng resolusyon ng Comelec ang ordinansang ipinasa ng Lungsod ng Taguig. Pinalakas ito ng pagkakabuo ng Kongreso sa Concurrent Resolution No. 26, na isinasaalang-alang ang mga resolusyong inihain sa Senado at House of Representatives.
Sa kanyang manifestation nitong September 24, 2024, binigyang diin ni Cayetano ang pangangailangan na kumilos ng Comelec para tiyakin na makakaboto ang mga residente ng EMBO ng kanilang kinatawan sa Kongreso sa halalan sa 2025.
“We should not take away their right to have a representative and to vote for a representative,” sabi niya.
Sa isang desisyon noong 2021 na naging pinal noong 2022, idineklara ng Supreme Court na bahagi ng Taguig ang mga barangay ng EMBO ngunit hindi ito naitalaga sa partikular na distrito, kaya’t maaaring bumoto ang mga residente para sa lokal na opisyal pero hindi para sa kanilang kinatawan sa Kongreso maliban na lamang kung mayroong batas na maipapasa bago ang halalan sa 2025.
Ayon kay Cayetano, mahalaga ang Comelec resolution sa pagtugon sa isyung ito. “The other option for us now is huwag silang pabotohin. That will be the first time in Philippine history na mayroong bawal bumoto sa kanyang congressman,” wika niya.
“With over 300,000 residents and the number of voters in these areas, we cannot afford to do nothing,” sabi niya.
“People in the EMBOs will be very grateful that we gave them the choice, kung sino’ng gustong tumakbo at sino [ang] gusto nilang iboto,” dagdag niya.