TAMPOK ngayon ang mga aktibidad at inisiyatibo para sa Solid Waste Management na ginagawa ng Barangay Concepcion Dos sa Marikina City.
Sa isang panayam ng Metropolitan Environmental Office (MEO) – East kay Kagawad Juliet Evangelista na kilala rin bilang Barangay Environmental Head, isa sa pangunahing proyekto nila ngayon ang kanilang Urban Garden.
Ang Urban Garden ang pangunahing pasilidad ng barangay sa kanilang produksiyon ng fertilizer o pataba sa lupa sa kanilang mga pananim mula sa mga nakokolektang nabubulok na basura sa kanilang komunidad.
Isa rin sa isinusulong ng kanilang barangay ang HAPAG Project, “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay – Movement to Raise Food Security” mula sa inisiyatibo ng Departnent of Interior and Local Govenrment (DILG). Ito ay naglalayong himukin ang mga lokal na pamahalaan at mamamayan na magtanim ng prutas at mga gulay sa kani-kanilang bakuran at pampublikong lugar.
Dagdag pa rito ang mga aktibidad ang pagsasagawa ng “Barangay Kalinisan Day” kung saan kanilang hinihikayat ang mga mamamayan na makilahok sa clean-up drive sa kanilang lugar.
Katuwang naman ang MEO-East sa adbokasiya na ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Dalaw Turo sa Barangay Concepcion Dos. Bukod pa rito, katulong din ang mga Estero Rangers sa pagpapanatili ng kalinisan sa Balanti Creek II sa nasabing barangay, at bukod sa iba pa.