Unang Bahagi
PINABULAANAN ni dating Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang dahilan ng pagtanggal kina dating Presidente Rodrigo Roa Duterte, Gloria Macapagal Arroyo at Joseph Ejercito Estrada bilang mga miyembro ng National Security Council (NSC) ay upang magsagawa ng mga hinihinging pagbabago sa mga polisiya sa seguridad ng bansa. Ayon kay Panelo, ginawa lamang ang pagbabago upang pagtakpan ang tunay na dahilan. Ano ito? Ang ganap nang alisan ng tungkulin sa gobyerno si Bise Presidente Sara Duterte.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang tanging tungkulin ng Bise Presidente ay humalili sa Presidente sa sandali ng kanyang kamatayan o ng kawalan na nito ng kakayahang mamahala sa anupa mang ibang kadahilanan. Habang buhay si Presidente Ferdinand “Bongbong” R Marcos Jr. at maayos na napapatakbo ang pamahalaan, ang tanging silbi ni Sara ay maging “pamalit gulong (spare tire)” lamang ni Bongbong.
“Iyun ay walang kakatwi-katwirang desisyong pampanguluhan,” wika ni Panelo.
Ayon kay Panelo, ang pagtanggal sa mga dating presidente ay “pampabango” lamang sa kabahuan ng ganap na pag-alis ng mga tungkulin sa pangalawang pangulo.
Sinesante na nga naman sa pagka-Kalihim ng Edukasyon, “pinutulan ng pakpak” sa pamamagitan ng malaking kaltas sa budget ng OVP (Office of the Vice President), at ngayon tinanggal pa bilang Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at panghuli, bilang kasapi nga ng National Security Council (NSC).
Buod ng katwiran ni Panelo: Gusto nilang palabasin na ang pagkatanggal kay Bise Presidente Sara ay hindi personal na nakaumang sa kanya kundi bahagi lamang ng isang mas malaking pagbabago.
“Inilalarawan nito ang maruming pulitika. Isa na namang pakulo upang mabawasan ang kasikatang pulitikal ni VP Sara,” wika ni Panelo.
Una pa muna, malinaw sa himig ng pananalita ni Panelo na ang kanyang mga pahayag ay pagkuha ng panig sa isang kontrobersya. Sa ganitong kalagayan, ang mga salita ay hindi isinasalang sa timbangan ng tama o mali. Lalo’t higit kung ang paglathala ng opinyon ay tanging sa layunin na makahatak ng malawak na pagsang-ayon publiko, malaking pagkakamali ang kahit isipin man lang na ang lathalain ay nagsasabi ng totoo.
Walang propaganda ang totoo o mali. Maganda lamang ito sa kung kanino pabor ang propaganda, at, mangyari pa, masama sa biktima ng propaganda.
Sa ganyan nailalatag ang wastong pamantayan sa pagtalakay ng kasalukuyang paksa.
Intindihin na ang utak ng tao ay di maiiwasang makulong sa mga kinahubugang karunungan, paniniwala, kaugalian, hilig, kasiyahan, at tunguhin na di na makatkat sa isip sa kabila ng mga radikal na pagbabago sa panahon.
Sa simpleng salita, katigasan ng ulo na di na mabago hanggang kamatayan.
Kung sa punto de vista ni Panelo ay kinailangan ni Bongbong na tanggalin sina Gloria, Erap at Digong sa NSC upang pagtakpan ang tunay na intensyon na patalsikin lamang si Sara, dala na niya samakatuwid ang ganitong hulma ng pag-iisip noon pang anim na taon niyang panunungkulan bilang Tagapagsalita ng nakaraang administrasyong Duterte: ang isakripisyo ang mga malalaking pambansang alalahanin upang isulong ang mga personal ngunit tago na kasiyahan.
Samakatwid, mahalagang balikan ang mga desisyon ng administrasyong Duterte na nangyari ayon sa kalakaran ng pag-iisip ni Panelo. Hindi magtatagal si Panelo sa administrasyon ni Duterte – sa katunayan hanggang sa kasalukuyan na patuloy siya sa katapatan kay Digong- kung hindi ganun din ang takbo ng utak ng dating presidente. Sa reaksyon ni Panelo sa pagkatanggal ni Sara sa NSC, inilagay niya si Bongbong sa sarili niyang pag-iisip.
Ganyan talaga sa kalakhan ang tao. Kung mag-isip, akala lahat ay katulad niya ang takbo ng utak.
Walang kamakay-malay si Panelo na sa gawi niyang ganun, ginawa niya ang sarili na salamin ng tunay na pamamahala ng administrasyong Duterte: pagpatampok sa maliit na walang katuturang isyu upang pagtakpan ang isyung may malaking personal na pakinabang.
Hindi maiisip ni Panelo na gagawin ni Bongbong ang ibinibintang na pagpapabango sa tunay na dahilan ng pagtanggal kay Sara sa NSC sa pamamagitan ng pagtanggal din kina Gloria, Erap at Digong kung hindi iyun nga ang kanyang gagawin kung siya ang nasa kalagayan ni Bongbong.
Maliit ang isang kolum para sa malaking pag-aaral na kailangan sa usapin na ito. Kailangang tukuyin nang detalyado ang mga tunay na pangyayari.
Sa ngayon, sapat nang maunawaan na ang desisyon ni Bongbong na magsagawa ng mga pagbabago sa patakbo ng NSC ay ganap na kanya lamang, ayon sa mga kaparaanang itinatakda ng kanyang tungkulin bilang presidente ng bansa.
Sobrang napakaliit na isyu ng alitan ni Bongbong kay Sara para gawin itong dahilan upang alisin ang bise presidente sa NSC – at magdadamay pa ng tatlong mga nakaraang pangulo.
Labas ang desisyon ng pangulo sa anumang punto de vista ni Panelo.
Ang pagkatanggal kay Sara sa NSC ay usapin ng seguridad ng bansa. Ganun din, samakatwid, ang pagtanggal kina Gloria, Erap at Digong.
Anong sinulid pang seguridad ang nagtatahi sa tatlong mga nakaraang presidente at kay Sara upang sila ay tanggalin sa NSC?
(May karugtong)