NAGHAHANDA na ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) para sa pinakamalaking service caravan nito na pinamagatang “PCUP Bayanihan para sa Bawat Maralita (PBBM) Caravan: Tuluy-tuloy na Serbisyo, para sa Maralitang Pilipino.” Nakatakda itong ganapin sa Enero 31, 2025, sa Cultural Center Stadium ng Padre Garcia, Batangas.

Higit kumulang 400 iba’t ibang ahensya ng gobyerno (NGAs), non-government organizations (NGOs), at mga pribadong institusyon ang inaasahang makikilahok sa aktibidad na ito na may layuning maglingkod sa mahigit 5,000 na benepisyaryo mula sa 11 na lungsod at bayan sa Batangas — Padre Garcia, Lipa City, Rosario, Ibaan, San Jose, Taysan, San Juan, Belete, Cuenca, Mataas Na Kahoy, at Malvar — at maituturing na pinakamalaking service caravan na na-organisa ng PCUP sa kasaysayan.
Ipinahayag ni Chairperson at CEO Meynardo Sabili ang kanyang matibay na paniniwala sa kulturang Bayanihan at nagpapasalamat ito sa pakikilahok ng mga partner na ahensya at NGO sa paghahatid nito ng direktang serbisyo sa sektor ng maralita. “Kami ay taos-pusong nagpapasalamat sa aming mga partner agencies sa kanilang suporta sa pagpapalapit ng mga serbisyong ito sa mga maralitang komunidad na talagang nangangailangan nito,” aniya.
Dagdag pa ni Sabili, ang mga ganitong inisyatiba ay hindi lamang nagbibigay ng mahahalagang tulong, kundi nagpapaigting din ng mas malaking kooperasyon at pang unawa sa pagitan ng gobyerno at mamamayan. “Ang caravan na ito ay isang patunay ng kahalagahan ng direktang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at ang pangako ng gobyerno na tugunan ang kanilang mga pangangailangan,” dagdag niya.
Maaaring makinabang ang mga benepisyaryo mula sa mga serbisyong tulad ng libreng medikal at dental na konsultasyon, eye check-up, wellness programs, bakuna, oportunidad sa trabaho, livelihood orientations, legal consultations, at iba pa. Ang mga ahensyang makikilahok sa event ay kinabibilangan ng DSWD, PhilHealth, PCSO, PAGCOR, LTO, NBI, PNP, TESDA, PESO, DOLE, DA, DTI, FPOP, PSA, at ang Provincial Health Office. Ang mga NGO tulad ng MCKS Caring Heart Foundation ay makikibahagi rin upang magbigay ng suporta.
Ang kaganapang ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng paglaban sa kahirapan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na layuning palakasin ang pagkakaisa at maghatid ng mga mahahalagang serbisyo sa mga komunidad ng maralitang Pilipino. Patuloy na isinasakatuparan ng PCUP ang mandato nito na iugnay ang mga maralitang tagalugsod sa gobyerno, at isulong ang mga hakbangin para sa inklusibong pag-unlad.