NAPAKA-POPULAR ng Artificial Intelligence (mas kilala natin bilang AI) sa produksiyon ng maraming materyal. Sa paggawa ng business letters at maski ng personal letters, sumasangguni ang marami sa AI. At mapapansing mas gumaganda ang sinulat na letter. Maski sa pagsulat ng kuwento at pananaliksik (research), nandiyan lagi ang AI para umalalay. Bigyan mo lamang ng mahusay na prompt at agad na magpupundar ito ng materyal.

Sa ayaw natin o gusto, nandito na ang AI. Dumating na ang teknolohiyang ito. Wala tayong choice kundi bigyang-puwang ito sa ating buhay. Kumbaga sa dyip, pumara ang AI at sumakay na ito sa loob. Uusod tayo para makaupo siya. Maaari rin namang kandungin ito habang tayo’y nakasakay. Bakit hindi natin tingnan ang magandang maidudulot ng teknolohiyang AI?

Tinalakay sa nakaraang Kidscreen Summit sa San Diego, California, ang papel ng AI sa ‘children’s media production and consumption.’ Sabi ng mga industry experts sa children’s media sa Amerika, ang paglalangkap ng AI sa produksiyong pang-midya ay nagpapasimula ng isang rebolusyon. Sa paanong paraan? Ginagamit na ito para pagsasakatuparan ng mga animation workflows. Nagbibigay rin ito ng ‘audience analytics.’ Kinakaya rin nito ang real-time na pagda-dubbing at pagsasalin (translation).

Kung sa gamit nito sa pagiging creative, sinasabing ang AI ay nagpa-facilitate ng interactive storytelling kung saan ang mga bata ay binibigyan ng kakayahang pumili kung kaya’t may epekto ito sa pagbuo ng naratibo. Nagiging personal ang karanasan at mas lalo silang naeengganyong makibahagi. Sinasabi rin na ang content na inilalabas ng AI ay nagbibigay-daan sa ‘adaptive learning modules’ na akma sa magkakaibang estilo ng pagkatuto.

Sa naturang Kidscreen Summit na dinaluhan ng mga opisyal mula sa National Council for Children’s Television (kasama na ang kolumnistang ito), napakinggan namin sa panel discussion na ‘From Theory to Practice: AI Applications in Kids’ Content-making’ ang “AI Innovations” ng iba’t ibang organisasyon o media studios. Tinalakay nila kung paano nila ginagamit ang teknolohiyang AI sa kani-kanilang media outfits. Heto ang naging gamit ng AI sa kanilang hanapbuhay:
Watch Next Media: Nakatuon sa paggamit ng AI para ma-enhance nila ang animation workflows pati na ang audience engagement
Blue Zoo Animation: Gumagamit ng AI para sa interactive storytelling, storyboarding, at mapaghusay ang kanilang production processes
Animaj: Gumagamit ng AI para sa real-time dubbing ng kanilang mga palabas. Pinagiging accessible ang content ng palabas sa iba’t ibang wika
Verite Entertainment: Gumagamit ng AI upang i-set ang animation at sa pagpapahusay ng kanilang creative workflows
Brown Bag Films/ 9 Story Media Group: Gumagamit ng AI sa paglikha ng mga ‘adaptive learning modules’

Sa madaling sabi, ipinakita ng mga nabanggit na kompanya o ahensiya kung paanong naging kapaki-pakinabang ang paglalahok ng AI sa mga produksiyong pang-midya. Sa creative process, sinasabing sinusuportahan ng AI ang pag-develop ng ideya at ang pagpapabilis ng ealy-stage ng pagkamalikhain. Ayon nga sa mga experts, “AI integration can improve the efficiency, quality, and accessibility in children’s media production.” Kami man ay sumasang-ayon sa kanilang paliwanag tungkol sa paggamit ng AI.

Kabilang sa mga naging paksa ng talakayan ang sumusunod: Kakampi ba natin ang AI o isa itong Banta?; Kung nauunawaan ba ng AI ang Creativity at Storytelling; Kung nae-enhance ba ng AI ang Creative Process (nakapagdudulot ba ito ng mga bagong ideya?).
Napag-usapan namin ng mga kasama kong delegado sa Kidscreen Summit – sina Judy Galleta at Maria Jowelyn Abendan – kung paano namin ito maia-apply sa aming ahensiya, ang NCCT. Kasama sa naisip naming paraan ay ang paglalangkap ng AI-driven analytics sa aming kasalukuyang programang ‘Media and Information Literacy (MIL).” Heto pa. Gagamit kami ng AI para maka-develop kami ng ‘adaptive learning resources’, magbigay ng real-time feedback, at mag-alok ng ‘gamified’ educational experiences.

Mahalaga ang posibleng kolaborasyon sa mga ahensiyang pang-gobyerno gaya ng Department of Science and Technology (DOST) para sa gabay na pang-teknikal, at ang Department of Education (DepEd) para sa curriculum integration at implementation.
Makatwiran bang tingnan ang teknolohiyang AI bilang isang threat o kontrabida sa ating mga creative o tehnical outputs? Maganda siguro kung mabibigyan natin ng pagkakataong magamit ito ng wasto. Sa mga manunulat, maaaring mapagkunan natin ng ideya sa ating mga akda ang mga bagay na isinusuplay ng AI. Kumbaga, tumutulong lang ang teknolohiyang ito para gumaan ang ating buhay. Sino ba ang nagsabing dapat nating sunding lahat ang mga bagay na isinuplay ng AI? Sa dakong dulo, tayo pa rin ang magpapasya kung sapat o kulang ang mga impormasyong isinusubo ng AI. Nasa ating mga kamay pa rin kung paano natin magagamit nang mahusay ang makabagong teknolohiyang gaya ng AI.