27.9 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Gatchalian hinimok ang BI na magpatupad ng mahigpit na deportation protocol para sa mga manggagawa ng POGO

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI) na magpatupad ng mas mahigpit na deportation protocol para sa mga dating manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na ipinagbawal sa simula ng taong ito.

Halimbawa, sinabi ni Gatchalian na ang mga manggagawang ito ng POGO ay hindi dapat payagang mag-layover flight dahil maaaring gamitin nila ang pagkakataon para tumakas at umiwas sa pananagutan at posibleng bumalik sa kanilang mga kriminal na gawain.

“Hindi makatuwiran na nahuhuli natin itong mga kawatan na ito, ide-deport natin, tapos hahayaan lang natin silang makawala sa transit flight hanggang bumalik na sila dito sa Pilipinas at bumalik sa dating gawi,” sabi ni Gatchalian sa nagdaang Senate hearing.

“Ang mungkahi ko ay baguhin ng Bureau of Immigration ang patakaran nito at ibalik na lang agad ang deportees sa kanilang bansang pinanggalingan para doon sila litisin,” dagdag pa niya, na agad namang sinagot ni Immigration Chief Joel Viado na may pangakong pipigilan ang kanilang muling pagpasok sa Pilipinas lalo na kung nasa blacklist na sila.

Sinabi rin ng senador na maraming POGO deportees ang may koneksyon at paraan para makaiwas sa mga awtoridad kung gugustuhin nila.

“Nakatanggap ako ng impormasyon na noong Marso 7, humigit-kumulang 21 deportees ang dapat ihahatid pabalik sa China ngunit sa halip ay na-divert ang flight sa Kuala Lumpur at kalaunan ay pumunta sa Cambodia,” aniya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -