ANG children’s laureate ng United Kingdom na si Frank Cottrell-Boyce ay nagsabi na ang pagbabasa (o ang benefits ng “reading for pleasure”) ay maituturing na isang “invisible privilege.” Bakit tinawag niya itong “invisible privilege”? Ang mga taong lumaki na may access sa libro at sadyang nagbabasa ay nakaranas ng pambihirang pribilehiyo na tuklasin ang maraming daigdig at kaalaman na iniaalay ng mga aklat. Pribilehiyo itong matatawag. Hindi lahat ay nagkaroon ng pribilehiyong makabasa ng aklat (o mabasahan ng aklat) noong paslit pa. At kung napagkaitan tayo ng pribilehiyong ito, ang daming nawala sa atin. Ang daming disadvantages.
Ang pribilehiyong ito ay masasabing depende sa pamilyang kinagisnan natin at sa komunidad na kumandili sa atin. May mga pamilyang mataas ang premium na ibinibigay sa libro (at sa habit ng pagbabasa). Sila “yung naglalaan ng budget para ipambili ng libro. Sila rin ‘yung pamilyang hindi ka tatawaging ‘tamad’ dahil nakaupo ka sa isang sulok at nagbabasa ng aklat.” May pagkakataon pa nga na ang isang kuwarto sa bahay ay inilalaan bilang isang library (kung may ekstrang espasyo pa). Lumalaki tuloy ang bata na napaliligiran ng aklat. Bukod pa sa nakikita niyang ang kanyang mga magulang, kapatid, o kaanak ay nagbabasa rin ng aklat, magasin, komiks, o peryodiko.
Isang kaibigan kong children’s book illustrator — si Beaulah Taguiwalo — ang nagkuwento na napagkasunduan nilang mag-asawa na noong bata pa ang kanilang mga anak, kanilang ire-reimburse ang perang ginagasta ng anak kung aklat ang bibilhin. Pero hindi nila ire-reimburse kung ibang mga bagay ang binili. Kailangan lamang ipakita ng kanilang anak ang resibo at ang kopya ng aklat na binili.
Naging mabisang paraan daw ‘yun para lalong maihilig sa aklat ang kaniyang tatlong anak na lalaki. Ang kaso raw, nang magsimulang manligaw ang kaniyang mga anak, aba’y libro pa rin ang ipinang-reregalo sa nililigawan. “Para nga naman ma-reimburse pa sa amin,” natatawang pagbabahagi dati sa akin ni Beaulah.
Maaaring hindi agad-agad makikita ang mga bentahe ng pagbabasa. Pero habang patuloy na nagbabasa ang isang tao, patuloy na nasusuhayan ang kaniyang kakayahan, kaisipan, at emosyon. Mas angat sa loob ng klasrum – at kalaunan, sa buhay – ang taong nagbabasa. May mga pananaliksik na ginawa na nagpakitang ang mga taong nagbabasa ay mas nagiging achiever sa klase. Sila rin ang mga estudyanteng makatapos ng undergraduate course sa kolehiyo ay kukuha pa ng master’s degree o PhD degree.
Kaya ngayong napansin ang pagbulusok ng habit ng pagbabasa sa buong daigdig, marami ang nababahala. Marami ang gumagawa ng hakbang upang maibalik ito sa mga kabataan. Ang tinutukoy na reading dito ay ang “reading for pleasure” at hindi ang “reading for information and knowledge.” Sa katatapos na Bologna Children’s Book Fair sa Italya, kung saan nakadalo ang inyong lingkod, ang naging pokus ng mga talakayan ay ang nangyayaring “reading crisis” sa mga bata’t kabataan at kung paano sila matutulungan ng mga inilalathalang aklat pambata.
Ayon pa sa awtor na si Frank Cottrell-Boyce, nais niyang maglunsad ng isang kampanya upang talakayin ang sinasabing ‘recession in children’s happiness’ na pinaniniwalaan niyang nag-uugat sa pagbulusok ng habit ng pagbabasa sa murang gulang pa lamang. Sa England, maraming bata ang nagbabasa lamang dahil sa academic requirement. Naligtaan na nila ang pagbabasa bilang libangan (reading for pleasure). Nababawasan daw ang ating saya kapag hindi tayo nagbabasa.
Dagdag pa ni Boyce, “our children are near the top of the global leagues when it comes to the mechanical skill of reading but near the bottom when it comes to reading for pleasure.” Nababawasan daw ang kakayahan ng mga batang maging masaya dahil hindi na sila nagbabasa “for pleasure.” Marami ang sumasang-ayon sa mga naging pahayag ni Boyce.
Ngayon nga ay makikitang nagdo-double time ang Department of Education (DepEd) sa pagbili ng mga aklat pambata para makatulong sa paghikayat na muling balikan ng mga bata’t kabataan ang libro at ang habit ng pagbabasa nito. Ilang taon din kasing huminto ang DepEd sa pag-order ng mga aklat pambata na puwedeng gamitin bilang supplementary reading materials sa eskuwelahan. Mabuti na lamang at nitong nakaraang taon ay natanggal na ang moratorium sa naturang ahensiya na umorder ng mga aklat pambata sa mga children’s book publishers sa Pilipinas gaya ng Adarna House, Hiyas ng OMF Literature, Lampara Books, Tahanan Books, Chikiting Books ng Vibal Books, Bookmark, Anvil Publishing, Aklat Alamid, Kahel Press, ABC-EDC Books, at marami pang ibang independent publishers.
Mahalaga ang naging hakbang ng DepEd na muling umorder ng aklat sa mga children’s book publishers upang magamit ang mga ito bilang ‘Supplementary Learning Resources’ o SLRs. Kung wala nga namang budget ang pamilya para sa aklat, ang mga bata’t kabataan, na pawang esdtudyante, ay may pagkakataon pa ring makabasa ng aklat sa pamamagitan ng DepEd. Nagdagdag ng pondo ang DepEd para sa mga bibilhing aklat pambata, na ikinatuwa rin ng ating mga local publishers.
Sa tahanan dapat nagsisimula ang habit ng pagbabasa ng aklat. Ang kaso, karamihan sa ating mga magulang ay abala sa paghahanapbuhay kung kaya’t wala silang panahong magbasa kasama ang kani-kanilang anak. Isa pa, wala ring available na mga kopya ng aklat pambata sa bahay. Kaya ang paggiya sa landas ng pagbabasa (reading ‘for academic purposes’ at reading ‘for pleasure’) ay naaatang sa balikat ng mga guro. Pero tandaan natin na hindi lamang mga guro ang dapat na may initiative para sa isang reading environment o reading culture. Pati mga lider sa LGU at mga barangay ay dapat na maglunsad ng isang “reading revolution.” Di ba’t “it takes a village to raise a ‘reading’ child”?
Hindi pa huli kung ngayon pa lang pag-uukulan ng panahon ang “reading for pleasure.” Kung may malapit mang public library sa inyong lugar, maganda itong bisitahin. At doon ay magbasa nang magbasa hanggang sa kakayanin ng ating hininga.