32 C
Manila
Huwebes, Hunyo 12, 2025

Bersyong Filipino ng Konstitusyong 1987: Ano ang katumbas ng ‘forthwith’?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

MAINIT na usapan ngayon kaugnay ng impeachment ni Vice President Sara Duterte ang salitang “forthwith” na ginamit sa bersyong Ingles ng Konstitusyong 1987. Ano ba ang katumbas ng salitang ito sa wikang Filipino?

Alam natin na ang mga batas sa Pilipinas ay nakasulat sa wikang Ingles at saka na lamang isinasalin sa Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas. Ngunit katangi-tangi ang Konstitusyong 1987 – may dalawang bersyon ito, na hindi tinawag na salin kundi bersyon: Bersyong Ingles at Bersyong Filipino.

Ano ba ang kahulugan ng salitang “forthwith” sa Ingles? Ayon sa isang diksyunaryong Ingles, ito ay pang-abay na nangangahulugang “at once.” Sa isa namang learner’s dictionary (British), “it means immediately.” At idinagdag: “a formal word.”

Pormal na salita. Saligang batas ng bansa ang pinag-uusapan kaya angkop ang pormal na salita.

Tama ang nagsabi, na walang salin sa wikang Filipino ang Konstitusyong 1987. Hindi salin ang ginamit na salita, kundi bersyon, gaya ng nabanggit na. Bersyong Ingles at Bersyong Filipino. Magkatimbang o magsimbigat. Sabay na nilagdaan ng mga framers ng Konstitusyon ang dalawang bersyong ito bagama’t nakasaad na kung may pagtatalo, mananaig ang bersyong Ingles.


Paglilinaw bago tayo magpatuloy: Hindi impeachment ang ating paksa, kundi wika, kung paanong minamanipula ng mga tagagamit ang wika depende sa ibig matamo.

Ang mga naghanda ng bersyong Filipino

Sino ba ang naghanda ng bersyong Filipino? Walang iba kundi ang dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), na naging Linangan ng mga Wika (LWP) noong 1987, at ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), si Dr. Ponciano B. P. Pineda, na isang manunulat at abogado, at naging unang Punong Komisyoner ng KWF. Katulong niya ang noo’y katuwang na puno ng Sangay ng Pagsasalingwika ng LWP, si Tagumpay Glorioso. Kasama rin nila si Dr. Pamfilo Catacataca, na nagretirong Direktor IV ng KWF.

Empleado ako noon sa SWP/LWP/KWF at nabalita sa aming tanggapan noon na nagbababad sa Kapulungan ng Kumbensyong Konstitusyonal sina Dr. Pineda at  Glorioso, paminsan-minsang kasama si Dr. Catacataca, dahil habang isinasapinal ang bersyong Ingles, ginagawa naman nila ang bersyong Filipino. Sabay, kung gayon, ang pagsasapinal ng dalawang bersyon

- Advertisement -

Sayang at yumao na silang tatlo nang hindi man lamang naipaliwanag ang naging proseso ng pagtutumbas. Wala akong natatandaang journal article o ano mang lathalain na nagpapaliwanag sa prosesong pinagdaanan bago naging pinal ang bersyong Filipino. Walang makasasagot sa mga tanong na lumilitaw ngayon. Bakit “DAPAT ISUNOD AGAD ang paglilitis sa Senado” ang kinalabasan ng bersyong Filipino? Bakit hindi KAGYAT, o kaya’y MADALIAN,  APURAHAN o HUWAG NANG MAGPABANDYING-BANDYING.

Ang huli ay pananalitang ginamit ni Senate President Escudero na sinisisi  ang Kamara dahil nagpabandying-bandying daw muna bago dinala sa Senado ang impeachment complaints. Ayon pa rin sa mabunying senador, mali ang Konstitusyon sa paggamit ng “forthwith” at dapat ay “immediately” ang ginamit para daw mas malinaw. Pero nasabi nang pormal na salita ang “forthwith” na angkop sa pormal na wika ng Konstitusyon. Pormal din ba ang AGAD bilang katumbas? Angkop naman ang antas ng pormalidad.

Ganito ang sinasabi sa Konstitusyon: “Kung ang pinanumpaang sakdal o resolusyon sa impeachment ay iniharap sa isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan, iyon ay dapat bumuo sa mga Artikulo ng Impeachment, at DAPAT ISUNOD AGAD ang paglilitis ng Senado (Artikulo XI – Kapanagutan ng mga Pinunong Bayan, Seksyon 3.4).

Ayon sa KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino, ang salitang “agad ay nangangahulugang mabilis o walang pagkaantala sa pagganap ng isang kilos” (bilang pang-abay) at “madaliin o bilisan ang kilos (bilang pandiwa). Ito ang mga opisyal na kahulugan ng salita, batay sa siyensya ng leksikograpiya at katutubong kaalaman sa wikang Tagalog/Filipino. Walang batayan ang pagtutol ni Senador Alan Peter Cayetano na “hindi agad” ang kahulugan ng “forthwith.” Hindi rin tama si SP Escudero sa pagsasabing mali ang Konstitusyon sa paggamit ng “forthwith.”

Sa naging paglilinaw nina Retired Justice Adolfo Azcuna, na naghanda ng bahaging tungkol sa impeachment, at Atty. Christian Monsod – kapwa sila framers ng Konstitusyong 1987 – ang  “forthwith” (mas pormal kaysa immediately) ay nangangahulugang  AGAD at hindi na patagalin pa.

Samantala, nagtatalo-talo ang mga senador sa kahulugan ng “forthwith” at “agad.” Hirit dito, hirit doon ang magkasalungat na panig.

- Advertisement -

Magkabilaang gamit ng wika

Makikita natin sa mga pangyayari sa Senado ang magkabilaan o magkasalungat na gamit ng wika. Sa isang banda, magagamit ang wika para ikubli ang kasamaan at baluktutin ang katotohanan. Sa kabilang banda, magagamit ang wika para sabihin ang totoo, at hindi ang kasinungalingan. Sa isang banda, magagamit ang isang nakapangyayaring wika para hamakin, maliitin ang tagapagsalita ng itinuturing na hamak na wika. Sa kabilang banda, magagamit ang isang wika para bigyan ng dangal ang tagapagsalita nito.

Ganito ang ginawa ng mga mananakop na Kastila sa ating mga ninuno. Hinamak nila nang gayon na lamang ang ating mga ninuno, na binansagang Indio, minaliit ang mga wika sa Pilipinas, tinawag ang mga ito na “bernakular” lamang at hindi dapat gamitin sa edukasyon at iba pang matataas na gawain. Hanggang sa ngayon, waring nakatanim pa rin ang ganitong pananaw sa ating DNA o nakabaon sa ating collective unconscious, lalo na sa ating mga mambabatas, dahil sa kanilang patuloy na pagtatakwil sa mga unang wika sa Pilipinas bilang panturo, lalo na sa panimulang pag-aaral. Laganap pa rin hanggang ngayon ang terminong “diyalekto” at hindi wika, at naimbento pa ang salitang “wikain” para tukuyin ang mga wika sa ating bansa.

Sa kabilang banda, pagpupugay sa yaman ng ating mga wika ang paggamit sa mga ito bilang panturo. Kapag ang isang bata ay natuturuan gamit ang kanyang unang wika, nararamdaman niyang mahalagang bahagi siya ng isang pamayanang nagpapanatili ng kultura ng kanilang lugar na ipinapahayag sa kanyang wika. Naipagmalaki ang kanyang kaakuhan. Ang kanyang mga magulang ay nagkakaroon ng bahagi sa kanyang pagkatuto dahil kinikilala ang kanilang mga katutubong kaalaman na sinasabi sa sariling wika. Nabubuo at tumitibay ang pagpapahalaga sa sarili.

Nagagamit ang wika para ipahayag ang katotohanan. Ganito ang natututuhan natin sa pang-araw-araw na buhay. Gumagamit tayo ng mga salitang alam natin ay nagsasabi ng totoo. Sa kabilang banda, sa pagtatago ng kasamaan, wika pa rin ang gamit natin – maaaring gumamit ng bokabularyong hiram para mag-anyong matalino, kahit hindi alam ang kahulugan ng salita. Maaaring bumigkas ng matatayog na salita para ikubli ang katotohanang wala pala talagang alam. Sa ganyang paraan tayo nabubudol ng mga taong dapat sana’y namumuno sa atin tungo sa kaunlaran. Ganyan ang mga kayang gawin ng wika sa ating buhay.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -