32.2 C
Manila
Martes, Hunyo 24, 2025

Action Research 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pananaliksik ay mas nagiging makabuluhan at makapangyarihan kung ito ay isinasagawa mismo ng mga indibidwal o grupo na kumakatawan sa propesyon kagaya ng mga guro sa larangan ng pagtuturo o nars sa serbisyong pangkalusugan.  Kritikal ang papel na ginagampanan ng action research upang tugunan ang mga kinakaharap na suliranin ng larangan at mga stakeholder nito. Bukod sa edukasyon at kalusugan, malaki rin ang pakinabang ng action research sa social work, community development, agriculture extension services at iba pa.  Ang mga sumusunod ay tala ng ilang mahahalagang kaalaman ukol sa action research bilang isang paraan ng pagsisiyasat.

  • Bilang isang sistematikong dulog, layunin ng action research na maunawaan at masuri ng mananaliksik ang kanilang sariling posisyonalidad at praktika. Sa konteksto ng edukasyon, halimbawa, ito ay upang masaliksik ng kinauukulan (guro, kawani at administrador) ang kanilang pagtuturo, pamamahala at/o pamumuno. Sa larangan ng social work at community development naman ay upang higit na mapabuti nila ang serbisyo at pagsasakapangyarihan ng sektor at komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
  • Marapat lamang na maging aktibong kabahagi ang aktor at sektor sa pananaliksik dahil sila ang tuwirang naaapektuhan ng kasalukuyang patakaran at kalakaran. Mas nauunawaan nila ang pangkalahatang konteksto, umiiral na dinamiko at mga salik na nakapaloob sa praktika at propesyon.
  • Ang action research ay may kambal na pakinabang. Kapag naisagawa nang matagumpay at demokratiko, kapwa ito lumilikha ng kasagutan sa umiiral na problema (co-creation of solution) at mga bagong kaalaman sa larangan
    (co-production of knowledge).
  • Ang action research ay may malakas na practice at grassroot orientation. May malalim itong pagpapahalaga sa aplikasyon, praktika at demokratikong proseso. Ito ay dahil kontekstwalisado ang pagsisiyasat at may aktibong partisipasyon ng mga kabilang mismo sa propesyon. Dahil sa demokratiko nitong katangian ay nagkakaroon ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor at propesyon na mabigyang puwang at boses sa diskurso.
  • Nagsisimula ang action research sa pamamagitan ng pagtukoy sa problema (problem identification). Binibigyang diin nito na ang pananaliksik ay dapat maging intensyonal o malayunin. Sa pagkakabalangkas ng sociopsychologist na si Kurt Lewin, ang action research ay dapat mag-ambag sa dakilang layunin ng panlipunang kaunlaran (social development). Tumatambal ito sa isinusulong ng educational philosopher na si John Dewey na ang edukasyon ay may mahalagang papel sa panlipunang pagbabago (social change).
  • Ang action research ay isang cyclical process na kinakapalooban ng pagpaplano, implementasyon, obserbasyon at repleksyon. Nagbabalangkas ng plano upang maging tugon batay sa natukoy na suliranin. Ipinapatupad ang napiling interbensyon at programa. Tinitipon ang datos mula sa obserbasyon ng aplikasyon at pagpapatupad. Panghuli, sinusuri ang outcome at inaalam kung epektibo bang natugunan ng programa ang suliranin. Mula rito ay bubuo muli ng mga rekomendasyon, plano at hakbangin.
  • Sa konteksto ng edukasyon at bilang halimbawa, ang problema ay ang kawalan ng interes ng mga mag-aaral sa lokal na literatura. Bilang ilustrasyon, ipagpalagay na ang isinagawang interbensyon ng guro ay ang pagtatanghal ng cultural cosplay ng mga mag-aaral sa klase. Batay rito, sisiyasatin ang pagkakaiba ng student engagement sa pagitan ng mga klase na ginamitan at hindi ginamitan ng paraang ito. Kasunod ay susuriin kung naging epektibo ba o hindi ang interbensyon at mula rito ay bubuo ng plano o alternatibong plano.
  • Ang action research bilang paraan ng pananaliksik ay replektibo. Pareho ring mahalaga sa action research ang self-awareness at other-awareness. Tumutukoy ang mga ito sa pagiging mapagnilay at makakapwa. Mas mauunawaan ang suliranin kung malay (o conscious) ang mananaliksik sa kanyang identidad, konteksto, kapwa, kapaligiran at relasyong panlipunan.
  • Nakabatay ang action research sa paniniwala na mahalaga ang pagiging mapagnilay sa proseso ng pag-unlad at pagbabago. Walang ibang mas makakaunawa sa mga mananaliksik ukol sa kanilang mga sarili at propesyon kundi sila rin mismo.  Sa kontekstong ito, napakahalagang mahasa sa pananaliksik ang mismong mga nasa propesyon upang sila ay maging reflective practitioner at engaged researcher.
  • Isa sa batayang prinsipyo ng action research ay pagsasapook (o pagsasakonteksto) ng suliranin at kaakibat na mga solusyon. Mahalagang mabigyang-diin na hindi layunin ng action research na magkaroon ng unibersal na aplikasyon ang resulta ng pagsisiyasat. Bagkus, ang pakay ng pananaliksik ay ang magkaroon ng pakinabang sa organisasyon, institusyon at komunidad kung saan ito mismo isinagawa. Samakatwid, ang action research ay dapat lapat at nakalugar upang magkaroon ito ng katuturan at praktikal na gamit.
  • Pinauunlad ng action research ang propesyon ng pagtuturo sa pamamagitan ng research-informed teaching at teaching-informed research. Umuunlad ang praktika ng pagtuturo dahil sinusuhayan ito ng mga kaalaman na halaw sa pananaliksik. Samantala, nagiging makatuturan ang pananaliksik dahil naka-angkla ito sa aktwal na danas ng pagtuturo.
  • Sa pamamagitan ng action research, natutukoy ang mga epektibo at di-epektibong kaparaanan sa larangan. Nagiging malinaw sa pamamagitan ng pagsisiyasat kung anu-ano ang mga dapat panatilihin, baguhin at itigil sa mga kinagawian. Ang action research, samakatuwid, ay scientific, evidenced-based, pragmatic, problem-oriented, at solution-driven.
  • Mayroon din itong kolaboratibong katangian kung saan may aktibong pakikilahok ang bawat sektor, lalo na yaong pinakaapektado ng sulinaning nais tugunan. Sa halip na mananaliksik na tagalabas ang magsagawa ng pagsisiyasat ay mismong mga guro at kawani ang magkokonseptuwalisa at magpapatupad nito. Pinauunlad ng action research ang mga guro, kawani at administrador bilang mga mananaliksik.
  • Malaki ang ambag ng action research sa kilusang pagbabago. Hinahamon nito ang masyadong teoretikal na katangian ng larangan, elitistang oryentasyon ng pananaliksik at mga kinagawiang praktika sa propesyon na hindi na kapaki-pakinabang.
  • Higit na magiging makapangyarihan ang action research kung gagawin itong participatory action research (PAR) o critical action research (CAR) at katambal ng place-based inquiry. Maaari ring basahin ang artikulong ito para sa dagdag na kaalaman: Place-based Inquiry 101 – Pinoy Peryodiko
  • Sentral sa action research ang proseso ng pagsasakapangyarihan ng bawat sektor. Pinagkakalooban sila ng oportunidad na solusyonan ang kanilang suliranin at baguhin ang hindi kanais-nais na kondisyon. Ambag din ito sa paghawan ng mga alternatibong landas (paths) at hinaharap (futures) sa larangan at lipunan.

Bilang pagbubuo(d), mahalaga ang papel ng action research sa 5 Ps ng larangan  – people, purpose, plan, policy at practice. Sa pamamagitan ng research design na ito ay mas uunlad ang mga tao sa kani-kanilang propesyon, mas magiging makabuluhan ang layunin ng pagsisiyasat, mas tutugon ang plano sa kagyat at pangmatagalang pangangailangan, mas mag-aambag ang patakaran sa pag-unlad ng bawat sektor at mas yayabong ang teorya at lalo na ang praktika.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected]

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -