28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Una sa PH: DOLE inilunsad Barangay OSH Patrol sa Cebu

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG tiyakin ang kaligtasan sa lugar-paggawa sa komunidad, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kauna-unahang Barangay Occupational Safety and Health (OSH) Patrol sa Cebu noong ika-1 ng Hulyo 2025.

Mahigit 50 kasapi, kabilang ang mga barangay tanod, health worker, at councilor mula sa 10 barangay, ang nagtapos ng Basic Occupational Safety and Health Training for Safety Officers at kinilala bilang Occupational Safety Patrollers.

Ang inisyatiba ay binuo at isinagawa ng DOLE Central Visayas na pinangunahan ni Regional Director Atty. Roy Buenafe, bilang tugon sa naitalang 42 aksidente sa lugar-paggawa sa sektor ng konstruksyon at pagmamanupaktura sa Cebu sa unang kalahati ng taon. Nakaayon rin ito sa agenda ng administrasyong Marcos, Jr. para sa mas malawak na proteksyon ng mga manggagawa.

“Ang kaligtasan at kalusugan sa lugar-paggawa ay responsibilidad ng lahat,” pahayag ni Regional Director Buenafe, at kanyang binigyang-diin ang mahalagang papel ng employer, manggagawa, at ng pamahalaan sa pagpapanatili ng occupational safety and health (OSH) standard sa lahat ng lugar-paggawa.

“Hindi dapat ituring na pangkaraniwan lamang o ipagsawalang-bahala ng sinuman ang isa o dalawang pagkasawi dahil sa aksidente. Hindi dapat masaktan o masawi ang mga manggagawa habang nagtatrabaho, dahil naroon sila upang kumita para sa kanilang mga pamilya at hindi para mawalan ng buhay o masaktan sa proseso,” diin ng regional director.

Dumalo sa paglulunsad ang mga kinatawan mula sa barangay ng Lahug, Kamputhaw, Capitol Site, Guadalupe, Mabolo, Apas, Mambaling, Inayawan, Banilad, at Talamban — mga lugar na dati nang nag-ulat ng mga insidente sa lugar-paggawa. Nangako ang mga nabanggit na barangay na ipapatupad ang pamantayan sa ligtas at malusog na lugar-paggawa sa kanilang mga nasasakupan.

Pinamunuan din ni Director Buenafe ang panunumpa ng mga bagong sertipikadong Barangay OSH Patrollers, at nangako ang mga ito na kanilang itataguyod ang ligtas at malusog na kapaligiran sa lugar-paggawa para sa mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor. Nanawagan din siya sa para sa mas mahigpit na pagbabantay at maging mapanuri upang maiwasan ang aksidente sa lugar-paggawa.

Bilang bahagi ng kanilang pagsasanay, isasagawa ng mga kalahok ang Re-Entry Plan of Trainees na naglalaman ng mga tiyak na hakbang na ipatutupad ng kanilang mga barangay upang panatilihin ang mga pamantayan sa ligtas at malusog na lugar-paggawa.

Dumalo din ang mga opisyal mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Central Visayas at pinasalamatan ang DOLE Region 7 sa kanilang inisyatiba at binigyang-diin ang kahalagahan ng kanilang papel sa pagtataas ng kapasidad ng parehong opisyal ng barangay at mga kawani ng DILG.

Inorganisa ng DOLE Central Visayas -Technical Services and Support Division – Labor Relations and Standards (TSSD-LRS) ang kaganapan, na may tulong-teknikal mula sa Occupational Safety and Health Center Regional Extension Unit 7.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -