28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 20, 2026

Legarda nanawagan para sa diplomasyang may malay sa hinaharap, itinataguyod ang pamumunong pangkalikasan at pangkultura sa kumperensiyang diplomatiko ng Timog-silangang Asya

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda para sa diplomasyang may malay sa hinaharap at matatag na pamumuno o foresight-driven diplomacy and leadership sa ginanap na Regional Foresight Conference on Emerging International Issues ngayong Agosto 27, 2025 sa Seda Manila Bay, Parañaque City.

Ang kumperensiya, na inorganisa ng Foreign Service Institute (FSI) of the Philippines kaugnay ng 2nd Retreat of Diplomatic Academies in Southeast Asia, ay nagbigay-diin sa lumalawak na pagkilala na ang foresight studies at future thinking ay kailangang maging bahagi ng pagsasanay diplomatiko at pagbuo ng patakarang panlabas.

“Ang pagtalakay sa foresight sa ganitong konteksto ay hindi isang akademikong ehersisyo. Ito ang pinakapraktikal na pahayag ng pag-survive at ang pinakaestratehikong anyo ng pamumuno,” ani Legarda.

Binigyang-diin niya na dapat palakasin ng mga bansa sa Timog-silangang Asya ang kakayahang maghanda sa mga hamon gaya ng pagbabago ng klima, panganib sa kapaligiran, teknolohikal na pag-aagwat, pagbabago sa pandaigdigang kapangyarihan, krisis sa kalusugan, pandemya, at mga usaping panseguridad sa rehiyon at karagatan, kabilang ang South China Sea.

Bilang Tagapangulo ng Senate Committee on Culture and Arts at masigasig na tagapagtaguyod ng kalikasan at klima, itinampok ni Legarda ang aktibong papel ng Pilipinas sa diplomasiyang pangkalikasan.

Binanggit niya ang Manila Call to Action on Climate Change, ang pamumuno ng bansa sa Climate Vulnerable Forum at V20 Group, pati na rin ang pakikipagtulungan sa mga pandaigdigang lider gaya nina Ban Ki-moon, Bill Gates at Kristalina Georgieva sa pagbuo ng mga estratehiya sa climate adaptation.

Bukod sa adbokasiyang pangkalikasan, binigyang-halaga rin ni Legarda ang diplomasiyang pangkultura bilang susi sa mas malalim na ugnayan ng mga bansa. Ibinahagi niya ang mga inisyatibong kanyang pinangunahan tulad ng Sentro Rizal, isang pandaigdigang network ng mga sentrong pangkultura na nagtatampok ng sining, wika, at pamana ng Pilipinas; ang Philippine Studies Program na kinikilala ang mga Pilipino bilang tagalikha ng kaalaman sa pandaigdigang akademya; at ang pagbabalik ng bansa sa Venice Biennale, ang nangungunang eksibisyon sa kontemporaryong sining at arkitektura.

Ipinagmalaki rin ni Legarda na ang Pilipinas ang magiging Guest of Honour sa 2025 Frankfurt Book Fair, isang makasaysayang pagkakataon para sa representasyong pangkultura ng Timog-silangang Asya.

“Hindi magkaibang landas ang diplomasiyang pangkalikasan at pangkultura. Ang dalawang ito ay nagsasanib na nagbibigay sa bansa ng tibay upang magpatuloy at lakas upang magbigay-inspirasyon,” ani Legarda.

Tampok sa kumperensiya ang mga presentasyon ng pananaliksik mula sa mga akademiyang diplomatiko, na isinagawa nang malaya o sa pakikipagtulungan sa mga institusyong pang-akademya.

“Kayo ang tagapagdala ng ilaw ng foresight. Tangan ninyo ang tungkulin na tuklasin ang pagbabago, maghanda nang may disiplina, mangarap nang may tapang, at makinig nang may kababaang-loob,” pagtatapos ni Legarda sa kanyang hamon sa mga guro at hinaharap na lider diplomatiko ng rehiyon.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -