26.6 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Dumi ng ibon, tagapagligtas: Paggamit ng mga tungtungan ng ibon para sa muling pagbangon ng kagubatan

- Advertisement -
- Advertisement -

KARANIWANG ginagawa sa reforestation ang pagtatanim ng mga puno sa mga lugar na napinsala o naubos na ang puno. Pero matrabaho at magastos ang tree planting—kailangan ng tao para magtanim at lalo na para mag-alaga ng mga punla. Madalas din limitado ang supply ng mga punla. Bukod pa rito, lagi ring tanong kung tama ba ang mga species na itinatanim — kung native ba sila at makakatulong talaga sa biodiversity, o kung mga non-native na mas ginagamit lang dahil sa economic value.

Buti na lang at may sariling paraan ang mga gubat para muling bumangon o maghilom kung pababayaan lang natin sila. Puwede namang sabayan ng reforestation ang mga natural na proseso para mas mapabilis ang paggaling ng gubat — ito ang tinatawag na Assisted Natural Regeneration (ANR). Sa ANR, isa sa mga estratehiya ay pataasin ang supply ng buto sa mga lugar na napinsala.

Simple lang ang ideya: maglagay ng mga tungtungan ng ibon sa mga napinsalang lugar malapit sa gubat para maakit ang mga ibon na mahilig sa prutas. Habang nakatambay sila doon, dumudumi sila at nailalabas ang mga buto — na siya namang magiging mga puno! Madali lang pakinggan, pero epektibo ba talaga ito?

Clipping mula sa comic “How birds can help farms and forests in the Philippines”, ni Jelaine Gan at Jessica Stutman. Basahin ang comics dito: https://blogs.ncl.ac.uk/marionpfeifer/2024/07/19/how-birds-can-help-farms-and-forests-in-the-philippines/

Iba-iba ang naging resulta ng mga naunang pag-aaral tungkol sa bisa ng mga tungtungan ng ibon para dumami ang buto at ang pagtubo ng mga punla. May mga nagsasabing epektibo, may mga nagsasabing hindi naman. Para masagot ito, nagsama-sama ang isang international team ng mga siyentipiko na pinangunahan ni Dr. Jelaine Gan mula sa Institute of Biology – University of the Philippines, kasama ang mga mananaliksik mula sa UK Universities (Newcastle University, University of St Andrews) at sa Norwegian Institute for Nature Research. Gumawa sila ng systematic review ng mga naunang pag-aaral at pinagsama-sama ang datos gamit ang isang paraan na tinatawag na meta-analysis para makahanap ng mas malinaw na sagot.

Matapos ang ilang buwang paghahanap at maingat na pagsala ng mga pag-aaral, nakakita kami ng 396 na publikasyon na puwedeng suriin. Napansin namin ang iba’t ibang klase ng tungtungan ng ibon—artipisyal, semi-natural, at natural (tingnan ang Figure 1 sa ibaba). Yung mga artipisyal na tungtungan (o gawa ng tao) ay kadalasang mga tuwid na poste na gawa sa kahoy o PVC pipe na may pahalang na bar o crossbar. May mga pag-aaral din tungkol sa live fences (mga buhay na puno na tinalian ng alambre) at mga tambak ng kahoy. Kasama rin sa sinuri ang mga natural na tungtungan gaya ng palumpong, mga puno, maliliit na isla ng puno, mga bato, at maging ang mga nag-iisang puno na nakakalat sa mga bukirin. Meron ding tinatawag na semi-natural na tungtungan—ito naman yung mga patay na sanga o snag na tinayuan gamit ang suporta.


Figure 1. Mga ilustrasyon ng tatlong uri ng tungtungan ng ibon na sinuri sa mga pag-aaral. Ginawa ang mga ilustrasyon gamit ang artificial intelligence sa Canva (Magic Studio™), batay sa paglalarawan ng may-akda.

Ang hatol

Lahat ng tatlong uri ng tungtungan (natural, artipisyal, at semi-natural) ay may malinaw na positibong epekto sa pagpaparami ng mga butong napupunta sa mga napinsalang lugar. Mas maraming buto mula sa mas iba’t ibang species ang nakita sa ilalim ng mga tungtungan kumpara sa mga kontroladong lugar (yung walang tungtungan), na nagpapakita ng kanilang pagiging epektibo.

Pero hindi sapat na makarating lang ang mga buto sa isang lugar. Kailangan din nating siguraduhin na tumubo sila at maging mga punla. Nang sinuri namin ang epekto ng mga tungtungan sa pagtubo ng punla, lumabas na natural na tungtungan lang ang may malinaw na epekto sa dami at iba-ibang uri ng punla. Ibig sabihin, nakakatulong ang presensya ng natural na tungtungan hindi lang para dumami ang mga punla, kundi para mas maging iba-iba rin ang species ng mga ito.

Iminumungkahi namin na panatilihin ang mga natural na tungtungan, gaya ng mga palumpong at mga nag-iisang puno sa mga sakahan. Pero sa mga lugar na kulang ang ganitong natural na bahagi, puwedeng subukan ang paggamit ng artipisyal at semi-natural na tungtungan para dumami ang mga butong dala ng mga ibon (seed rain). Mainam din na sabayan ito ng mga dagdag na hakbang tulad ng pagpapaganda ng lupa at pag-aalis ng damo para mas maging matagumpay ang pagtubo ng mga punla. Isinulat ni Dr. Jelaine L. Gan

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -