SA harap ng mga lumalalang alegasyon ng katiwalian sa mga proyekto ng flood control sa bansa, inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) — isang makapangyarihang lupon na layong busisiin ang mga umano’y iregularidad sa implementasyon ng mga proyektong imprastraktura ng gobyerno.
Nitong Sabado, inanunsyo ng Malacañang na itinalaga ni Marcos sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo bilang mga miyembro ng komisyon. Kasama rin sa grupo si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na magsisilbing special adviser at investigator, ayon kay Claire Castro, tagapagsalita ng Palasyo.
Ano ang Independent Commission for Infrastructure?
Ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay isang tatlong-kataong grupo na binuo sa pamamagitan ng executive order ng Pangulo upang imbestigahan ang mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura, partikular sa flood control projects.
Mayroon itong subpoena powers— ibig sabihin, maaari itong manghingi ng mga kontrata, bank documents, at iba pang dokumento mula sa mga indibidwal o ahensiya ng gobyerno na sangkot sa mga isyu. Ang komisyon ay binigyan din ng mandato upang:
•Mag-imbestiga, tumanggap ng mga reklamo, o magsagawa ng sariling hakbang (motu proprio) sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian;
•Mangalap ng ebidensya, impormasyon, at intelligence reports;
•Suriin ang mga pinansyal na galaw ng mga ahensiya at opisyal na pinaghihinalaang sangkot sa anomalya.
Ang subpoena powers ay ang kapangyarihan ng komisyon na pilitin ang mga tao o organisasyon na magsumite ng dokumento o dumalo sa imbestigasyon.
Samantala, ang moth proprio ay isang Latin na termino na nangangahulugang “sariling hakbang” — o ang kakayahan ng isang lupon o opisina na umaksyon kahit walang pormal na reklamo.
Mga pinuno ng komisyon, kilalanin
ROGELIO SINGSON
Si Singson ay dating kalihim ng DPWH sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Bukod dito, siya rin ay naging presidente ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Ayon kay Castro, mahalaga ang karanasan ni Singson sa larangan ng imprastraktura, dahil sa kanyang malalim na kaalaman sa disenyo, procurement (pagkuha ng serbisyo/produkto), at implementasyon ng mga proyekto.
Sabi ni Castro: “Essential ang kanyang technical understanding sa magiging trabaho ng komisyon.”
ROSSANA FAJARDO
Si Fajardo naman ay isang kilalang public accountant at kasalukuyang managing partner ng SGV & Co., isa sa mga pinakamalalaking accounting firms sa bansa.
Sa loob ng maraming taon, tumulong siya sa maraming ahensya — pampubliko at pribado — upang tuklasin ang fraud (pandaraya), palakasin ang governance (pamamahala), at bumuo ng mas matibay na sistema ng pananagutan.
Ayon pa kay Castro: “Her technical insight and financial acumen are critical in following the trail of public funds and determining where leakages and irregularities may have occurred.”
Ang financial acumen ay tumutukoy sa kahusayan sa pagsusuri at pag-unawa sa mga transaksyong pinansyal at ang governance ay ang pamamaraan ng pamamahala sa isang organisasyon, karaniwan upang matiyak ang integridad at kaayusan.
MAYOR BENJAMIN MAGALONG
Si Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City ay hindi na bago sa mga imbestigasyon. Bilang dating opisyal ng pulisya, kilala siya sa kanyang disiplina at integridad. Ngayon, siya ay magsisilbing special adviser at investigator, na magbibigay-gabay sa direksyon ng imbestigasyon ng komisyon.
Ayon pa sa Palasyo, wala ni isa man sa kanila ang may koneksyon sa alinmang ahensya o kontratista na kanilang iniimbestigahan — isang mahigpit na requirement upang matiyak ang independensiya ng komisyon.
Pagtatatag ng Komisyon: May pananagutan
Ang pagkakabuo ng ICI ay nagpapakita na seryoso si Pangulong Marcos sa paglilinis ng katiwalian sa mga proyektong imprastraktura.
Ayon kay Marcos: “Hindi dapat pulitiko ang ilalagay ko diyan. Gusto ko ng mga abogado at imbestigador.
Ang susunod na hakbang ay ang pagtatalaga ng chairperson ng komisyon — isang desisyong inaasahan sa mga darating na araw.
Pagtutok ng bayan
Sa isang bansa kung saan ang baha ay pang-araw-araw na suliranin. Ang korapsyon sa flood control projects ay hindi lang pagnanakaw — ito ay usapin ng kaligtasan at buhay. Ang pondo ng bayan ay para sa solusyon, hindi para sa bulsa ng iilan.
Ang Independent Commission for Infrastructure ay posibleng maging modelo para sa mas malawak na reporma sa gobyerno — ngunit nakasalalay pa rin sa transparency, political will, at tunay na aksyon.

