
IPINAABOT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga residente ng SM Cares Village sa Bogo City, Cebu ang kanyang pakikiramay, kasabay ng pagbibigay ng P10,000 cash assistance para sa mga naulilang pamilya.
Nagbahagi rin ang pamahalaan ng food packs at ready-to-eat food boxes, habang mayroon ding mga mobile kitchen, water tanker, at water treatment truck sa lugar.

Ito’y matapos personal na suriin ni PBBM ang mga gumuhong bahay upang agad matugunan ang karagdagang pangangailangan.

Matapos ang kanyang pagbisita sa City of Bogo Science and Arts Academy, lumapit si Pangulong Marcos Jr. sa mga residente sa kalsada na may dalang karatulang humihingi ng pagkain at tubig. Agad niyang inatasan ang DSWD na maghatid ng pagkain at malinis na inumin, at nangako ang ahensya na maipapadala ito sa loob ng 30 minuto.

Ininspeksyon ni Pangulong Marcos Jr. ang Archdiocesan Shrine and Parish of Saint Vincent Ferrer sa Bogo City, Cebu upang agad na matugunan ang pinsalang dulot ng lindol sa mga gusali at pasilidad ng simbahan.
Mula sa DBM Local Government Support Fund, P75 milyon ang nakalaan para sa rehabilitasyon ng Bogo, kasama na ang pagpapaayos ng national heritage structures. Nakikipag-ugnayan din ang National Historical Commission of the Philippines sa ibang mga ahensya at kawani upang maisaayos ang mga apektadong gusali.

Sa Cebu Provincial Hospital sa Bogo City, pinuntahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga makeshift wards sa parking area ng ospital at kinamusta ang mga pasyente at kanilang pamilya.
Pinangunahan din ni PBBM ang pamamahagi ng tulong mula sa DSWD, kabilang ang P10,000 financial assistance at burial services para sa mga naulila, mainit na pagkain mula sa Mobile Kitchen Program, at halos 1,700 family food packs. Patuloy ang agarang suporta mula sa DOH at DPWH para tiyaking matutugunan ang pangangailangan ng mga pasyente at maisaayos ang ospital.
Maglalaan rin ang Office of the President ng P20 milyon sa lahat ng apektadong DOH hospitals at P5 milyon sa mga provincial hospitals upang matiyak ang patuloy na serbisyong medikal at agarang rehabilitasyon ng ospital.

Sa situation briefing sa Bogo City, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ang agarang pagtatayo ng “tent city” para sa mga residenteng nawalan ng tirahan sa lindol. Ayon kay PBBM, makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa Red Cross para sa mga tent, kung saan magkakaroon ng pangunahing serbisyo gaya ng tubig, pagkain, at kuryente.

Tiniyak ng DOE ang mabilis na pagpapanumbalik ng kuryente sa buong Bogo, at kinumpirma ng DPWH na ligtas na para sa mga pasyente na bumalik sa mga nasuring ospital. Nagbigay ang DSWD ng tig-P10,000 cash assistance para sa mga nawalan ng bahay, at naglaan din ang DBM ng P150 milyon para sa probinsya ng Cebu, at P75 milyon para sa tatlo pang bayan.
Binigyang-diin ng Pangulo na tuloy-tuloy ang suportang ibibigay hanggang makabalik sa normal ang mga apektadong pamilya at negosyo.



