IGINIIT ni Senador Rodante Marcoleta na dapat maglaan ang gobyerno ng ‘di bababa sa P5 bilyon sa Action Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) para tulungan ang libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa.
Sa pagdinig sa panukalang badyet ng DMW sa susunod na taon, pinuna ni Marcoleta ang mababang alokasyon sa Action Fund ng ahensya na nakatuon sa ‘legal assistance’ para sa mga migranteng manggagawa. Kabilang sa huli, aniya, ang mga binansagang ‘huroob’ o yung mga tumakas sa kanilang employer dahil sa iba’t ibang kadahilanan, gayundin ang ‘distressed’ OFWs.
“Ang Action Fund, dapat minimum P5 billion. Alam mo kung bakit? Dito talaga yung problema ng ating OFWs. Kawawa sila, kailangan nila ng legal assistance. Alam kong nagsisikap kayo na paramihin natin ang mga abogadong tutulong sa kanila,” banggit ni Marcoleta kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
“Lalo na pag binansagan silang ‘huroob’ di ba? Pag huroob na yung ating OFWs, kawawang-kawawa na ang kanilang buhay. Siguro P5 billion is an underestimation. Baka P10 billion pa nga,” diin ng senador.
Hirit pa ni Marcoleta: “Bakit hindi mo hingin yan? Kaysa naman mapunta sa flood control. Isipin mo itong P5 billion na ito, isang insertion lang nila yan eh. Kasi sa Mindoro pa lang, P13 billion na yun. We should put the money where these are most needed.”
Sumang-ayon naman si Cacdac sa panukala ni Marcoleta. Ayon sa kalihim, P2.2 billion lang ang alokasyon para sa Action Fund, na mas mababa kaysa sa P2.4 bilyong hiniling ng ahensya mula sa Department of Budget and Management.
Paliwanag ni Cacdac: “Agree po ako na taasan ang Action Fund. We proposed P2.4 billion, less than what the good Senator had proposed. But as I mentioned, we hit our stride this year and we can easily utilize the P2.2 billion that we were made to handle. So tama po kayo, higit pa sa P2.2 billion ang sa tingin kong absorptive capacity namin.”
Tugon naman ni Marcoleta, mahalagang maipaglaban ng pamahalaan ang karapatan at kapakanan ng distressed OFWs sa ibang bansa — kaysa basta pauwiin na lang sila sa Pilipinas.
“Dapat ilaban muna natin, this is how we teach the employers… kasi karaniwan, kasalanan din ng employer eh. Hindi ko sinasabing walang kasalanan sa atin, but most of the time may kasalanan din ang employer,” ani Marcoleta.
“Ang nagiging problema, pauuwiin kaagad. So pinagtatawanan tayo ng employers, ‘o sige i-haras natin lahat ang mga yan kasi matatakutin ang mga Pilipino, pinauuwi,'” diin niya.
Ibinalita naman ni Cacdac na mayroon na ngayong sampung in-house lawyers ang DMW, bukod pa sa koordinasyon ng ahensya sa 22 law firms sa tulong ng Action Fund.
“We hired ten in-house lawyers, four of them are female. I’m emphasizing this because most of our cases involve our female OFWs, so very sensitive o maselan ang mga facts and discussions sa mga kaso,” ayon kay Cacdac.
“They have been handling so far 1,106 cases. And ang tinumbok po namin… ay yung cases where they are needed the most, mainly Saudi, UAE, Lebanon, and Israel. So we have hired these ten in-house lawyers, and this is on top of the 22 law firms that we have also engaged,” dagdag ng DMW secretary.
Bukod sa mga isyung ligal, ginagamit din aniya ang Action Fund para sa pangangailangang medikal at pinansyal ng distressed OFWs.



