ANG isang lipunan ay nanatiling buhay, matatag at lumalago bunga ng papel ng mga institusyon. Ang mga institusyon ay itinatag na mga organisasyon, mga ipinatutupad na patakaran at mga minanang kaugalian na nagbibigay estruktura at laman sa mga asal ng mga mamamayan sa loob ng isang lipunan sa pamamagitan ng mga insentibo at kontrol sa pagkilos nila. Sa sanaysay na ito ay tatalakayin ko ang pagtatatag ng mga institusyon.
Ang paglikha ng mga institusyon sa lipunan ay nakaugat sa pagtugon sa panlipunang layunin, sa isang banda, at sa pagsagot sa mga kakulangan ng mga kasalukuyang institusyon, sa kabilang banda. Isang halimbawa ng paghubog ng institusyon ay patungkol sa proseso ng alokasyon. Ang alokasyon ay mahalagang proseso sa isang ekonomiya dahil kapos ang mga yaman upang tugunan ang dumarami at nag-iibang kagustuhan ng mga tao.
Dahil dito ang mga lipunan ay humuhubog ng mga mekanismo o institusyon upang matugunan ang problema ng kakapusan. Tatlong pangunahing institusyon patungkol sa alokasyon ang naitatag sa paglipas ng panahon: ang bilihan, ang pagmamando at ang paggamit ng tradisyon. May iba’t ibang pamamaraang ginagamit ang mga nabanggit na institusyon upang mapakilos ng mga mamamayan sa kanilang mga transaksyon patungkol sa alokasyon ng mga yaman. Ang presyo ang ginagamit sa bilihan samantalang ang kautusan ang ipinatutupad na mekanismo ng pagmamando. Sa tradisyon ginagamit ang panlipunang pangungutya upang mahubog ang asal ng mga mamamayan.
Sa ating ekonomiya, malawak ang paggamit ng institusyon ng bilihan sa proseso ng alokasyon. Gamit ang presyong itinatakda ng mga transaksiyon sa bilihan na nagsisilbing insentibo at sakripisyo sa mga manlalaro sa bilihan sa paggawa ng desisyon. Halimbawa, kapag ang presyo ay tumataas ang mga mamimili ay nakararanas ng pagtaas ng kanilang sakripisyo sa kanilang pagkonsumo kaya’t binabawasan nila ito. Samantala, ang mga suplayer ay nabibigyan ng insentibong itaas ang produksiyon bunga ng pagtaas ng presyo.
Ayon sa mga ekonomistang klasikal ang presyong itinatakda ng bilihan ay ay nauuwi sa episyenteng paggamit ng mga kapos na yaman dahil ang presyong itinakda ng bilihan ay nagbibigay ng pinakamataas na kasiyahan sa mga mamimili at ng pinakamataas na tubo sa mga suplayer.
Ngunit ang pananaw na ito ay binatikos ni Ronald Coase (1937) na nagsabing ang presyong itinakda ng bilihan ay nakapaloob ang napakaraming gastos sa mga transaksiyon. Kasama sa mga gastos sa transaksiyon sa bilihan ay ang gastos sa paulit ulit na palitan, paghahanap ng mga sangkap sa produksiyon, pagsubaybay sa mga napagkasunduang kontrata at marami pang iba. Dahil sa lawak ng mga gastos sa transaksiyon hindi optimal ang nakukuhang kasiyahan ng mga mamimili at tinatamasang tubo ng mga suplayer.
Samantala, ang mga gastos na ito ay pinaliliit sa pagtatag ng isang institusyong tinatawag na kompanya. Ang kompanya ay isang institusyong legal na itinatag upang magsagawa ng negosyo, magprodyus at magbenta sa layuning tumubo. Sa pamamagitan ng kompanya, nagiging payak ang palitan, ang paghahanap at ang pagsubaybay dahil ang mga ito ay naisasagawa sa loob ng isang kompanya gamit lamang ang pagmamando sa mga empleyado, pagsunod sa pinaiiral na patakaran ng kompanya at paggalang sa kontratang nagpakasunduan.
Kahit mas mabisa ang kompanya kaysa sa bilihan sa paggamit ng mga kapos na yaman lalo na sa mga komplikado at paulit ulit na mga transaksiyon may kakulangan pa rin ang mga kompanya bilang institusyon. Ang mga kompanya ay pinuna sa pagiging eksklusibo sa pagmamay-ari at pamamahala nito. Ang control ng mga kompanya ay nasa kamay ng iilang tao na may malalawak na ambag sa kapital o puhanan ng kompanya. Maaari ding pataasin ng kompanya ang kanilang tubo sa pagtatakda ng mataas na presyo kapalit ang mababang kasiyahan ng mga mamimili.
Dahil sa mga kakulangang ito umusbong ang institusyong kooperatiba. Ang kooperatiba ay isang rehistradong samahan ng mga indibidwal na kusang sumapi sa kooperatiba na pinag-uugnay ng magkakatulad na layuning panlipunan at ekonomiko. Ang lahat ng miyembro ay nag-aambag sa paglikom ng kapital na magpapatakbo sa kooperatiba. Nakikibahagi rin ang lahat ng miyembro sa panganib ang pakinabang hinaharap ng kanilang kooperatiba.
Nagagawa rin ng kooperatiba ang ginagagawa ng mga kompanyang pababain ang mga gastos sa transaksiyon sa bilihan. Sa kabilang dako, dahil ang bawat miyembro ay may isang boto sa paghalal ng mga miyembro ng Lupon ng mga Direktor at sa pagtatalaga ng mga patakaran masasabing demokratiko ang mga kooperatiba di tulad ng paghalal ng mga miyembro ng Lupon ng mga Director ng mga korporasyon na nakabatay sa lawak at dami ng puhunan sa kompanya.
Samakatuwid, ang kooperatiba ay mas inklusibong institusyon dahil lahat ng miyembro ay nag-mamay-ari nito. Dahil ang layunin ng samahan ay itanghal ang kapakinabangan ng lahat ng miyembro, nakapagbibigay ito ng mas murang serbisyo at produkto at angkop na kita sa capital na ipinuhunan ng mga miyembro. Ang mga ito ay ginagawa ng kooperatiba upang tugunan ang kakulangan ng kompanya sa pagiging eksklusibong institusyon.

