32.9 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Mga hindi tapos na Super Health Centers: Sino ang dapat managot?

- Advertisement -
- Advertisement -

NITO lamang Oktubre 15, 2025, inilantad ng Department of Health (DOH) na halos kalahati ng mga ipinangakong Super Health Centers sa buong bansa ay hindi pa natatapos o nagagamit hanggang ngayon.

Health Secretary Ted Herbosa Larawan mula sa The Manila Times

Ayon sa ulat na ito, kabuuang 600 Super Health Centers na pinondohan mula pa noong 2021, 297 dito ang hindi operational o hindi pa natatapos ang konstruksyon.

Pagharap ng DOH sa Independent Commission for Infrastructure

Subalit pagkaraan ng dalawang araw, iniulat nitong Oktubre 17 ang updated na bilang. Sa pinakabagong ulat ng DOH sa Independent Commission for Infrastructure (ICI)  ipaliwanag nito ang kalagayan ng mga 300 na hindi natapos na Super Health Centers, kasama na ang usapin sa pondo at mga plano upang matapos ang mga proyekto.

Sa nasabing meeting, isiniwalat ni Health Secretary Ted Herbosa ang mga naunang bilang at ipinakita ang status ng may 878 SHCs na pinondohan ng Health Facility Enhancement Program mula 2021 hanggang ngayon.


Sa sinabing bilang, 365 ang nasa ilalim ng iba’t ibang kalagayan ng konstruksyon, ang 196 ay operational, 17 ay partially operational, at ang 300 ay non-operational.

DOH nanawagan para sa ‘oplan bantay super health’

Ngayong Lunes, Oktubre 20, ilulunsad ng DOH ang “oplan bantay super health,” isang programa kung saan hinihimok ang mga mamamayan na mag-ulat kung ano na ang nangyayari sa mga naturang health center para siguraduhin na ang lahat ng SHC ay operational na. Ito ang ibinalita ni Assistant Secretary Albert Domingo sa isang panayam.

Ano ang Super Health Center?

- Advertisement -

Ang Super Health Center ay isang pasilidad sa pangangalagang pangkalusugan na itinatayo ng gobyerno sa mga komunidad upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga tao at mabawasan ang pagdagsa sa mga ospital.

Hindi ito basta-basta klinika lamang; may mas malawak itong serbisyo. Kabilang dito ang:

  • Laboratory services
  • Radiological services
  • Pharmaceutical services
  • Birthing services
  • Minor surgical services
  • Dental services
  • Ambulance services
  • Telemedicine

Nilalayon nitong mapadali ang access ng mga tao sa mga serbisyong medikal nang hindi na kailangan pang pumunta sa malalayong ospital.

Ayon sa ulat, nagsimula ang proyekto ng Super Health Centers noong 2021 bilang bahagi ng malawakang plano ng DOH upang palakasin ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad at mabawasan ang pagbaha sa mga ospital.

Mga dahilan kung bakit hindi natapos ang mga proyekto

Ang target ay makapagtayo ng 600 Super Health Centers sa loob ng dalawang taon.

- Advertisement -

Ngunit, base sa mga ulat at panayam sa mga lokal na opisyal, may ilang dahilan kung bakit hindi natapos ang halos kalahati ng mga proyekto:

  1. Delayed release of funds

Maraming lokal na pamahalaan ang nagsabing hindi kumpleto o huli ang pag-release ng pondo mula sa DOH para sa mga susunod na phase ng konstruksyon. Halimbawa, sa Marikina, ayon sa alkalde at city administrator, ang DOH ay nagbigay lamang ng pondo para sa unang phase, kaya hindi natuloy ang mga susunod na palapag ng gusali.

  1. Design modifications

Sa ilang lugar, tulad ng Marikina, nagkaroon ng pagbabago sa plano ng gusali habang ginagawa pa ang proyekto. Nagresulta ito sa pagtaas ng gastos at pagkaantala ng konstruksyon dahil kailangang kumuha ng dagdag na pondo at muling ayusin ang mga plano.

  1. Kakulangan sa koordinasyon at pamamahala

May mga kaso rin na hindi maayos ang koordinasyon sa pagitan ng DOH, mga lokal na pamahalaan, at mga kontratista kaya nagkaroon ng mga pagkaantala o pagkabigo sa pagpapatupad.

  1. Covid-19 pandemic impact

Hindi rin maikakaila na naapektuhan ng pandemya ang daloy ng mga proyekto — mula sa paghina ng supply chain ng mga materyales hanggang sa limitadong bilang ng manggagawa sa construction sites.

  1. Pagbabago ng prioridad at pagkawala ng pondo

May mga proyekto rin na naabandon dahil sa paglipat ng pondo sa ibang prayoridad o hindi sapat ang alokasyon para matapos ang proyekto.

Anomalya sa implementasyon: Marikina City Case

Isa sa mga kontrobersyal na kaso ay ang Concepcion Dos Super Health Center sa Marikina City.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang proyekto ay dapat sinimulan noong 2022 ngunit ayon sa billboard ng proyekto, nagsimula lamang ito noong Disyembre 15, 2023. Dapat ay tapos na ito, ngunit pundasyon pa lamang ang naitayo.

Sa orihinal na pondo nito, mayroong ₱11.5 milyon para sa isang dalawang-palapag na gusali, ngunit pinalawak ito ng lokal na pamahalaan ng Marikina upang maging apat na palapag na may birthing center, kaya umabot ang kabuuang pondo sa ₱21.4 milyon.

“Pinalaki ng LGU ang plano, kaya kinuha nila ang pondo mula sa ibang Super Health Centers. Pero pundasyon pa lang ang meron,” paliwanag ni Herbosa.

Panig ng Marikina LGU: ‘Hindi kami ang may pagkukulang’

Mariing itinanggi ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang pahayag ng DOH. Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, hindi totoo na tapos na dapat ang buong proyekto dahil kulang na kulang ang pondo na ibinigay ng DOH.

“Maliwanag ang mga dokumento. Ang ibinigay na pondo ay para lang sa unang phase ng konstruksyon. Paano magiging tapos kung pundasyon lang ang sakop ng pondo?” giit ng alkalde.

Dagdag niya, natapos ng lungsod ang Phase 1 kabilang ang pundasyon at structural works, at may certification pa mula mismo sa DOH na ito ay natapos. Humingi sila ng karagdagang pondo ngunit hindi ito ibinigay kaya sariling pondo ng lungsod ang gagamitin upang ituloy ang proyekto.

“Hindi dapat linlangin ng DOH ang publiko. Kapag sila ay maglalabas ng pondo, dapat buo. Ang taong-bayan ang nagdurusa sa kapalpakan nila,” dagdag pa ng alkalde.

Paliwanag ni Dr. Mark Castro, City Administrator ng Marikina, “Natapos po talaga ang Phase 1. Hindi po ito itinigil. Wala kaming itinatago. Kulang lang talaga ang pondo. Kaya kami na ang naglaan ng pondo sa susunod na taon,” paliwanag ni Castro.

Humiling ang LGU ng karagdagang ₱180 milyon mula sa DOH, ngunit dahil walang dumating na pondo, naglaan na ang lungsod ng ₱200 milyon mula sa kanilang 2026 Annual Implementation Plan para matuloy ang proyekto.

Malawakang imbestigasyon sa mga hindi natapos na proyekto

Bukod sa Marikina, marami pang lugar ang may mga Super Health Centers na “haunted” o tila inabandona, kahit may pondo na. Sa ibang lugar tulad ng Zamboanga, may pasilidad na 98% tapos ngunit hindi pa operational dahil hindi pa naipapasa sa LGU. Sa Antipolo, tapos na ang gusali at may kagamitan na, pero hindi pa rin nagagamit.

Audit ng COA at panawagan ng Senado

Ayon sa Commission on Audit (COA), may 123 proyekto ng DOH na hindi natapos sa tamang panahon, na nagkakahalaga ng ₱11.54 bilyon.

Samantala, sinabi ni Senador Win Gatchalian na umaabot sa ₱15 bilyon ang halaga ng mga “haunted” health projects at dapat magkaroon ng masusing imbestigasyon.

Solusyon ng DOH sa problema ng Super Health Centers

Ayon kay Secretary Herbosa, may apat na hakbang upang maibalik sa serbisyo ang mga hindi nagamit na pasilidad:

  1. Pondohan ang mga doktor at medical workers sa pamamagitan ng National Health Workforce Agreement.
  2. Gawing mini-BUCAS ang mga gusali — Bagong Urgent Care and Ambulatory Service — para sa libreng urgent care at minor procedures.
  3. Public-private partnership (PPP) upang mapatakbo ang mga pasilidad.
  4. I-convert ang lumang pasilidadsa ibang primary care facility kung hindi na gagamitin bilang Super Health Center. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -