Inimbitahan ko sa kolum na ito ang isang kinikilalang linggwista mula sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman upang patuloy pang talakayin at linawin ang ilang konseptong sinimulan ko nang ipaliwanag sa huling dalawang isyu ng Wika Nga, ang panlaping PA – noong Oktubre 15 at 22. Sa artikulo niyang inilalabas natin dito, ipinaliwanag ni Dr. Ricardo Ma. Duran Nolasco ang mga terminong KATAWANIN, PALIPAT, PASARILI at PAIBA, na pawang hango kay Lope K. Santos (LKS). Nilinaw niya ang isang aspekto ng ating wika na hindi pa gaanong nalilinaw ng ibang mga sumusulat ng gramatikang Filipino – ang pandiwang PASARILI at PAIBA, na nagpapakita ng ikinaiba ng Filipino sa ibang mga wika. May mga aksyon sa ating wika na ang nagsagawa ng aksyon ang siya ring nakinabang sa bunga ng aksyon, pero hindi agad nakikita at kailangan pang suriin. Isinulong din ni Dr. Nolasco ang idea na dapat nating sipatin ang ating mga wika sa Pilipinas ayon sa sarili nating pananaw, at hindi sa oryentsyong dayuhan. Sa bandang huli, binanggit ni Dr. Nolasco kung bakit relevant pa rin ang Balarila ni LKS at kung bakit hindi ito pa ito pwedeng ikansel ng kasalukuyang henerasyon (taliwas sa pag-alipusta kay LKS ng isang Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino). Ang nasabing aklat ni LKS ay batis pa rin ng mayamang kaalaman tungkol sa wikang Filipino (Tagalog noon), lalo na ang mga katawagang nabuo ni LKS na magagamit pa rin hanggang sa ngayon. Tiyak na makakatulong sa maraming guro ng Filipino ang artikulong ito ng ating panauhing linggwista na si ni Dr. Ricardo Ma. Duran Nolasco.
Ang KATAWANIN at PALIPAT ay mga terminong ginamit ni Lope K. Santos sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa bilang katumbas sa INTRANSITIVE at TRANSITIVE na konsepto sa wikang Kastila at Ingles. Para sa kanya, ang KATAWANIN ay tumutukoy sa mga pandiwang: “(M)ay simunong gumaganap, ngunit walang layong tumatanggap o pinag-uukulan.“ Ang pagganap daw ay “ginagawa ng katawan ng simuno o nangyayari sa kanyang katawan.” (1944, p. 301) Ang ilan sa mga halimbawa ng katawaning pandiwa sa Balarila ay:
(1) Pumuti ang uwak.
(2) Bumangon ang bata.
(3) Nahulog ang bunga.
Samantala, ang PALIPAT ay itinumbas naman ng Balarila sa TRANSITIVE na pandiwa na mas madalas nitong tawaging TUKUYAN o TAHASAN.” Kaya raw TAHASAN ay sapagka’t “may simunong tahasang gumaganap at may layong sadyang ginaganapan ng gawaing tinutukoy ng salitang ugat, (1944, p. 305).”
Ang ilan sa mga halimbawa ng palipat o tukuyang pandiwa ayon sa Balarila ay:
(4) Ang gagamba ay gumagawa ng bahay.
(5) (S)ina Bonifacio ay nagbangon ng Katipunan.
(6) (A)ng bilanggo ay uminom ng lason.
Sa nauna kong mga artikulo tungkol sa katawanin vs. palipat na konstruksyon ay nanindigan ako na ang (4), (5), (6) ay katawanin bagamat mayroon itong layon. Sa ganang akin, inilalarawan lamang sa (4), (5) at (6) kung ano ang ginawa ng gagamba, nina Bonifacio at ng bilanggo sa kani-kanilang pangungusap. Hindi pinag-uusapan dito kung ano ang ginawa nila sa bahay, sa Katipunan at sa lason. Sa ibang pananalita, naka-pokus ang pandiwa ng (4), (5) at (6) sa kung ano ang ginawa ng simuno, hindi sa kung ano ang ginawa nito sa kanyang layon.
Para sa akin ang tunay na palipat na konstruksyon ay ang (7), (8) at (9), gaya ng makikita sa ibaba. Tinawag ng Balarila ang mga ito na balintiyak o pasiba.
(7) Ginagawa ng gagamba ang bahay.
(8) Ibinangon nina Bonifacio ang Katipunan.
(9) Ininom ng bilanggo ang lason.
Pansinin na ang pinaglipatan ng epekto ng aksyon sa (4), (5) at (6) ay hindi tiyak at hindi tukoy. Sa kabilang dako, tiyak ang layon sa (7), (8) at (9). Dagdag dito, malinaw na ang pinag-uusapan sa (7), (8) at (9) ay ang layon ng pangungusap. Pansinin din na higit na sadya, masikap at mulat ang kilos ng simuno sa (7), (8) at (9), kumpara sa (4), (5) at (6), kung saan ang kilos ay ginawa sa paraang hindi pinaghirapan at pinagsikapan. Ang pagiging sadya, masikap at mulat ng simuno ay palatandaan ng tunay na transitibong aksyon sa ibang mga wika ng daigdig.
Bagamat hindi ko sinusunod ang depinisyon ng Balarila sa KATAWANIN at PALIPAT ay naniniwala ako na ang gayong mga termino ay angkop pa rin upang ilarawan at klasipikahin ang mga pandiwa at panaguri sa ating mga wika. Iyan ay kung iibahin natin ang depinisyon ng katawanin at palipat buhat sa depinisyong Kanluranin patungo sa depinisyong Silanganin at maka-Pilipino.
Gayunpaman, gusto kong ipakilala sa artikulong ito na may mga pangungusap sa ating mga wika na mahirap klasipikahin bilang katawanin at palipat. Ito’y sapagkat ang pasimuno [o ang gumawa] ng kilos sa nasabing mga pangungusap ay siya ring layon ng nasabing kilos.
Halimbawa:
(10) Nagpakamatay siya.
(11) Nagpakabait siya.
(12) Nagpatihulog siya.
(13) Nagsapalos siya.
(14) Napaupo siya.
(15) Nagpabili siya ng sapatos sa nanay niya.
Ang (10) hanggang (15) ay pare-parehong nagsasaad na ang “siya” ang pinagmulan o pinanggalingan ng kilos at kasabay nito ay siya ring puntirya ng aksyong nakasaad sa pandiwa. Klaro ang kahulugan sa lahat ng halimbawa, maliban siguro sa (15). Subalit madaling mapawi ang alinlangan sa (15) dahil ang nagpabili na siyang pasimuno ng kilos at siya ring nakinabang sa ginawang pagpapabili.
Ano ngayon ang itatawag sa mga pangungusap na ito kung saan ang pinakasimuno ay siya ring pinaka-apektadong entidad? Mapalad tayo dahil may nalikha nang termino si Lope K. Santos sa Balarila para dito: PASARILI, na siyang itinumbas niya sa reflexivo/reflexiva sa Kastila, o reflexive sa Ingles. Ang kasalungat ng pasarili ay PAIBA – kay Lope K. Santos pa rin ang termino– na sa palagay ko ay kasingkahulugan ng terminong palipat.
Sa madaling sabi, ang tunay na transitibo sa mga wika ng Pilipinas ay PALIPAT at PAIBA dahil mabisa nitong naililipat ang epekto ng kilos patungo sa ibang entidad. Ang entidad na ito ay ang kanyang layon. Ang tunay na INTRANSITIBO ay PASARILI sapagkat ang pagganap dito, ayon na rin kay Lope K. Santos, ay ginagawa ng simuno sa sarili o nangyayari sa kanyang katawan.
Patunay lamang ito na hindi pa laos ang mga ideya ni Lope K. Santos. Marami pa ring nakatagong kayamanan ang kanyang obra na makakatulong sa mga kasalukuyang linggwista at tagasuri ng ating lenggwahe upang maunawaan kung paano gumana ang ating wika. Isang malaking kamalian ang isaisantabi ang akdang ito.
Sa pagtatapos, gusto kong magpasalamat kay Dr. Oji Batnag na nagpahiram sa akin ng espasyo sa kanyang kolum upang makapagbahagi ng kaunting kaalaman tungkol sa ating wika.

