34 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Mensahe mula sa Gyeongju

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINAGAWA ang taunang miting ng mga pinuno ng ekonomiyang miyembro ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) noong Oktubre 31–Nobyembre 1, 2025 sa Gyeongju, South Korea. Sa pagtatapos ng miting naglabas sila ng isang pahayag, ang  Deklarasyong Gyeongju. Ang buod ng deklarasyon ay nakatutok sa tatlong prayoridad:  Pag-uugnayan, Inobasyon at Pag-unlad.

Ang mga prayoridad ay tugon ng APEC sa tatlong mahahalagang hamong nangyayari sa kasalukuyan sa ekonomiyang global: ang pagkitid ng kalakalang internasyonal, ang pagbulusok ng makabagong teknolohiya at ang pagbabago sa estruktura ng demograpiya. Napagkasunduan ang pangangailangan ng matibay na kooperasyon at pagpapatupad ng mga konkretong aksyon upang mahupa ang matitinding  epekto ng mga hamon sa mga ekonomiya ng APEC.

Ang unang prayoridad na pag-uugnayan ay ang tugon ng APEC sa hamon ng pagkitid ng kalakalang global bunga ng labanan ng mga bansa sa palitang pagpapataw ng taripa sa isa’t isa. Ang labanan ng mga bansa sa kalakalang internasyonal ay nagpapababa sa kalakalang global at nagpapabagal sa paglaki ng  ekonomiyang global.

Sa halip na tuligsain ang lider ng pasimunong bansa sa pagpapataw ng taripa na miyembro rin ng APEC minarapat ng South Korea, ang bansang punong abala sa APEC 2025, na itiuon ang diskusyon sa kapasidad ng APEC upang sagutin ang hamong nabanggit.

Ang APEC ay binubuo ng 21 ekonomiya na hawak ang 61% ng kabuoang produksiyon ng mundo, ang 46% ng kalakalang global at ang 38% ng populasyon ng mundo. Sa lawak ng bahagi nito sa kabuoang suplay at kabuoang demand sa ekonomiyang global may kakayahan ang APEC na isulong ang kanilang paniniwalang ang malaya at masiglang kalakalan at pangangapital ang susi sa patuloy na pagsulong ng Asya-Pacifico.


Upang maipatupad ang prayoridad ng pag-uugnayan kinakailangan ang lalo pang matibay na kooperasyon sa pagitan ng mga ekonomiya ng APEC nang mataob ang mga hamon ng kumikitid na kalakalang global. Kasama sa mga konkretong aksyon ay ang pagtatatag ng Free Trade Area of the Asia-Pacific (FTAAP), pagpapalitan ng mga mahuhusay na praktis sa negosyo, pagtutulungan sa pagbubuo ng kapasidad ng mga papaunlad na ekonomiya, kooperasyong teknikal, pagpapagaan sa pagdaloy ng mga ikinakalakal na mga produkto at marami pang iba. Isinusulong din ang patuloy na pagpapaunlad ng kalakalan sa serbisyo dahil ang sector na ito ang pinakamasiglang ekonomikong sector sa maraming ekonomiya at may pinakamalaking ambag sa paglaki ng mga ekonomiya sa rehiyon.

Ang ikalawang prayoridad na inobasyon ay tugon ng APEC sa pagbulusok ng makabagong teknolohiya bunga ng artificial intelligence (AI) at transformasyong digital. Upang maani ang mga kontribusyon ng makabagong teknolohiya sa paglaking ekonomiko dapat may kapasidad ang mga ekonomiya sa pagbubungkal nito at may sapat na imprastruktura upang magamit ang makabagong teknolohiya sa pagbuo ng mga inobasyon. Kasama sa pagbuo ng kapasidad ay ang kooperasyon sa malawakang pananaliksik, paghubog ng yamang intelektuwal, pagpapakitid sa agwat ng kakayahan sa pagitan ng mga ekonomiya, at ang pagpapalawak ng digital connectivity at digital literacy.

Dahil ang AI ay may napakalawak na aplikasyon sa iba’t ibang larangan ng lipunan, pamayahan, negosyo, edukasyon, kalusugan at iba pa may potensyal itong baguhin ang mukha ng mga ekonomiya sa hinaharap. Naisasagawa ito sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga hangganan sa produksiyon at pagkonsumo bunga ng paglikha ng mga inobasyon, pagpapataas ng produktibidad, at pagiging kompetitibo na nagpapabilis sa paglaking ekonomiko.

Tulad ng digital transformation, hindi lamang kapasidad at imprastruktura ang kailangan upang maisagawa ang mga aplikasyon ng AI ngunit kailangan ding tugunan ang iba’t ibang isyu sa paggamit ng artificial intelligence. Ang kooperasyon sa APEC ay dapat magkaroon ng pamantayan sa rehiyon tungkol sa mga isyu sa AI kasama na ang  seguridad, karapatang pagmamay-ari ng mga yamang intelektuwal, privacy, implikasyon sa mga manggagawa, at pagiging inklusibo nito sa paglaking ekonomiko.

- Advertisement -

Ang ikatlong prayoridad ay natutungkol sa pagsulong o ang inklusibong paglaki ng ekonomiya. Ito ay tugon ng APEC sa tumatandang populasyon at hukbong paggawa sa mga mauunlad na ekonomiya. Karamihan sa mga matatanda ay umaasa na lang sa tulong mula sa pamahalaan. Ito ay may matinding epekto sa budget ng pamahalaan. Ang pagbibigay ng mga oportunidad na makapagtrabaho at kumita ang mga matatandang mamamayan ay tumutugon sa layuning inklusibong paglaki at nakababawas din sa fiscal deficit ng pamahalaan.

Kasama rin sa mga konkretong aksyon sa inklusibong paglaki ay ang kooperasyon sa pagpapaunlad ng mga maliliit na negosyo, pagtangkilik sa mga negosyo ng mga entreprenor,  pagtatanggal ng mga regulasyong  humahadlang sa operasyon ng maliliit na negosyo, pagpapalawak ng supply chains, sy ang paghihigpit sa kapit ng maliliit na negosyo sa malalaking kompanya.

Ang mga konkretong aksyon sa mga prayoridad ng APEC ay nakabatay sa kooperasyon ng mga miyembrong ekonomiya. Sa kabila ng kanilang pangakong kooperasyon kadalasan ang patakaran ng mga ekonomiya ay isulong ang kanilang interes sa halip na ang pangako nila sa APEC lalo na mga programang may kinalaman sa kanilang pagiging kompetitibo. May pangamba kung di man panganib na ang pagbabahagi nila ng mga mahuhusay nilang praktis ay mauwi sa kanilang pagkatalo sa mga gumagayang ekonomiya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -