JUAN, ilang beses na tayong nasalanta ng bagyo, baha, lindol, at sunog. Tuwing may kalamidad, ang daming nawawalan ng ari-arian at kabuhayan.
Pero napansin mo ba, Uncle, na parang mas mabilis makabangon ang may kaya? Habang ang iba, taon na ang lumipas, hirap pa rin? Ano ba ang papel ng financial standing at social bracket sa paghahanda at pagbangon mula sa sakuna?
At, Uncle, ang usapin sa flood control at korapsyon, paano nito lalong pinapabigat ang pasanin ng ating mga kababayan?
Oo, Juan, ramdam na ramdam ‘yan sa ating lipunan. Ang kalamidad ay walang pinipiling biktima, pero ang epekto nito at ang kakayahang makabangon ay malaki ang kinalaman sa estado ng ating pananalapi at sa ating kinabibilangang klase sa lipunan.
Hindi pare-pareho ang laban ng bawat isa. At higit sa lahat, ang kakulangan sa wastong flood control at ang anino ng korapsyon ay lalong nagpapahirap sa ating mga kababayan, lalo na sa pinakamahihirap.
Sa ating bansang laging tinutukoy na nasa “Ring of Fire” at “Typhoon Belt,” ang pagiging handa sa sakuna ay hindi na lang isang rekomendasyon, kundi isang obligasyon. Ngunit ang obligasyong ito ay hindi lamang sa indibidwal. May obligasyon din ang gobyerno at ang lipunan na siguraduhin ang kaligtasan at kapakanan ng bawat mamamayan.
Lalo na kung iisipin natin ang epekto ng mga disasters sa pinansyal na aspeto:
- Ang lindol at bagyo ay nakakapinsala ng malaki- 3.5-7.0 billion sa direct at multi-hazard losses sa assets kada taon o 69 porsiyento ng gastos ng bansa sa social needs nung 2011.
- May epekto din sa ekonomiya o Gross Domestic Product (GDP). Ang mga malalaking disasters ay nagpapabagal sa takbo ng ekonomiya. Halimbawa, ang Typhoon Haiyan ay nagpahina ng ekonomiya ng 1 porsiyento nung 2013 at 0.4 porsiyento nung 2014. Ang 4.4 porsiyento na GDP nitong third quarter ng 2025 ay pinakamabagal kumpara sa 2021. Ito ay naapektuhan ng pagbagsak ng public spending at ang pagbagal ng economic activities dahil sa mga bagyo.
- Ang mga disasters ay nagpapalala ng kahirapan. Katulad ng nangyari sa Typhoon Haiyan, mga 2.3 milyong tao ang nailagay sa below poverty line.
- Ang agrikultura at infrastruktura ang pinakaapektado sa mga disasters. Ang economic losses ay umabot ng $500 milyon sa nakaraang 20 na taon para sa dalawang sektor na ito.
- Maliban sa direct damage ng disasters, meron ding indirect costs tulad ng pagkawala ng trabaho o kita, mataas na presyo ng bilihin, gastos sa sakit at gamot, at pagbagsak ng productivity. Isama na natin dyan ang fiscal costs na puedeng magudyok sa gobyerno na mangutang para sa disaster recovery.
- Pwede ding maapektuhan ang finances ng lokal na pamahalaan at maging mahirap ang pagbigay ng basic services sa kanilang mga komunidad.
- Dahil sa climate change na nagdudulot ng mga matitinding bagyo na mas madalas, kailangan meron ang ating bansa na laging nakahandang budget para sa emergency disaster response fund.
Kaya mahalaga ang financial literacy para sa disaster recovery – ang kaalaman kung paano ihanda ang sarili, pati na ang bulsa, bago pa man dumating ang anumang unos. Lalo na kung hindi puedeng asahan ng 100 na porsiyento ang gobyerno para ikaw ay matulungan na makabangon.
Bago dumating ang kalamidad: Ang paghahanda sa bawa’t klase ng lipunan
Ang antas ng paghahanda ay isang malinaw na salamin ng financial standing ng isang pamilya.
Sa Lower Income Class (Mahihirap)
Paghahanda: Halos wala o limitado. Ang kanilang araw-araw na buhay ay naka-sentro sa survival. Ang pangunahing prayoridad ay ang pagkain sa araw-araw, kaya ang pagbuo ng emergency fund o pagkuha ng insurance ay itinuturing na luho at hindi priority. Kung mayroon man silang naipon, ito ay mabilis na nagagamit para sa biglaang pangangailangan. Madalas silang nakatira sa mga “danger zones” tulad ng tabi ng ilog, informal settlements, o coastal areas na lubhang vulnerable. Ang mga dokumento ay hindi organisado o walang ligtas na pagtataguan dahil sa kawalan ng ligtas na tirahan mismo. Ang kanilang tanging pag-asa ay ang abiso ng barangay para sa forced evacuation.
Sa Middle Income Class (Gitnang Uri)
Paghahanda: Mayroon, ngunit limitado. May pwedeng emergency fund na katumbas ng ilang linggo o buwan, ngunit madalas itong “nabubutas” para sa ibang “emergency” tulad ng tuition o medical bills. Mayroong insurance, ngunit kadalasan ay basic life insurance lamang, at hindi comprehensive property insurance. May mga dokumento na nakatago, ngunit hindi gaano ka-secure o ka-accessible kung biglaang umulan nang malakas. Ang kanilang tirahan ay maaaring nasa medyo ligtas na lugar, ngunit vulnerable pa rin sa baha o matinding hangin.
Sa Upper Income Class (Mayayaman)
Paghahanda: Kumpleto at proactive. Malalaking emergency funds na nakalagay sa iba’t ibang investments. Mayroong comprehensive insurance para sa lahat ng ari-arian, negosyo, at kalusugan. Ang mga importanteng dokumento ay nakatago sa fireproof vaults o sa cloud-based secure drives. Madalas ay nasa ligtas at matitibay na lugar ang kanilang mga ari-arian, at may access sa financial advisors na tumutulong sa kanila sa risk management.
Pagkatapos ng kalamidad: Ang madilim na anino ng korapsyon
Dito mas bumubulusok ang pinansyal na paghihirap ng ordinaryong Pilipino, lalo na kapag pumalya ang mga sistemang dapat ay nagpoprotekta sa kanila.
Ang Isyu sa flood control at korapsyon
Ilang dekada na nating naririnig ang bawat administrasyon na nangangako ng matatag na flood control projects. Bilyun-bilyong piso ang inilalaan para sa mga dike, drainage system, at dredging ng mga ilog. Ngunit bakit tila tuwing umuulan nang malakas, pare-pareho pa rin ang mga lugar na nalulubog? Bakit ang mga bagong gawang dike, madali lang masira? Bakit ang mga ilog, mabilis pa ring umapaw?
Dahil hindi natin maiiwasang isipin na may malaking kinalaman dito ang korapsyon. Ang mga pondong dapat sana ay napunta sa matitibay at epektibong flood control projects ay nababawasan o napupunta sa bulsa ng iilan. Ang resulta? Mga “ghost projects,” mga proyektong substandard, o mga proyektong hindi tapos.
Sa Lower Income Class (Mahihirap)
Total Loss: Kapag bumaha, sila ang lubos na nawawalan ng lahat. Ang tirahan, na gawa sa mumurahing materyales, ay madaling gumuho o anurin. Ang mga gamit na pinaghirapan nilang bilhin ay lubog sa putik. Ang kanilang pinagkakakitaan, tulad ng maliit na tinda o kakarampot na kapital, ay nasisira.
Hirap sa Dokumento: Ang pagkawala ng ID, birth certificate, o marriage contract ay nagpapahirap sa pag-access ng ayuda at sa muling pagtatayo ng kanilang buhay. Kung nasira ang kanilang tirahan dahil sa umapaw na ilog na dapat ay may flood wall, sino ang may kasalanan? Ang kanilang pagbangon ay napakabagal at puno ng hirap. Kadalasan ay napipilitang umutang sa mataas na interes para makabangon, o tuluyang lumipat at magsimula sa wala. Ang trauma at financial stress ay nagiging matindi at pangmatagalan, nagiging “debt cycle” ang pagbangon.
Sa Middle Income Class (Gitnang Uri)
Malaking Setback: Kahit may ipon o insurance, malaking financial hit pa rin ang kalamidad. Ubos ang emergency fund. Kailangang maglabas ng malaking halaga para sa repair ng bahay o kapalit ng ari-arian. Kung hindi insured, o kung ang insurance ay hindi sumakop sa baha dahil sa pagiging “act of God,” maaaring mapilitang umutang, na nagpapabigat sa kanilang financial goals.
Epekto ng Palpak na Flood Control: Minsan, ang pinsala sa kanilang bahay at ari-arian ay nagiging mas malala dahil sa palpak na drainage o hindi tapos na flood control project sa kanilang lugar. Ang kanilang paghahanda ay tila nababalewala dahil sa kapabayaan ng iba, at ang kanilang pagbangon ay matagal bago makabawi sa mga nawalang ipon o ari-arian.
Sa Upper Income Class (Mayayaman)
Mabilis na Pagbangon: Kadalasan ay ari-arian lamang ang napipinsala (property damage). Dahil sa robust na insurance coverage at sapat na financial buffer, ang financial impact ay minimal. Ang abala ay mas malaki kaysa sa financial ruin.
Insulated: Dahil sa kanilang insulated na pamumuhay at access sa mabilis na recovery, madalas ay hindi nila ramdam ang tunay na bigat ng kalamidad sa mas mahihirap na sektor.
Ang implikasyon at hamon: Bakit mahalaga ang financial literacy at gobyernong tumatakbo nang maayos
Ang malinaw na implikasyon ay: ang kalamidad ay nagpapalalim ng agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, at lalong binibigatan ito ng korapsyon sa mga pampublikong proyekto tulad ng flood control. Ang mga mayaman ay may kakayahang ilipat ang risk sa insurance companies at may financial flexibility, habang ang mahihirap ay direktang sumasalo ng buong pinsala, na lalong nagtutulak sa kanila sa kahirapan.
Ngunit hindi ito nangangahulugang walang magagawa ang mga nasa mababang bracket. Dito pumapasok ang kahalagahan ng Financial Literacy for Disaster Recovery para sa lahat, anuman ang social bracket.
Para sa Lower Income Class: Ang financial literacy ay maaaring makatulong sa paggawa ng micro-savings plan, pag-alam sa mga available na government aid at NGO programs, at pag-organisa ng mga dokumento sa pinakamura at pinakamadaling paraan. Ang pagbuo ng community-based disaster preparedness funds ay isang mahalagang tool.
Para sa Middle Income Class: Ang financial literacy ay magtutulak sa kanila na magkaroon ng mas matatag na emergency fund, mas comprehensive na insurance coverage, at magplano ng financial goals na kasama ang disaster preparedness. Ito ay para hindi madamay ang kanilang long-term dreams sa biglaang sakuna.
Para sa Upper Income Class: Maaari silang maging modelo ng financial preparedness at magamit ang kanilang impluwensya at yaman upang suportahan ang financial literacy programs sa komunidad, at lumikha ng mga mekanismo na makakatulong sa mas mahihirap.
Ang pagharap sa kalamidad ay isang kolektibong responsibilidad. Habang ang bawat isa ay may obligasyong ihanda ang sarili sa abot ng kanyang makakaya, tungkulin din ng gobyerno na tiyakin na mayroong sistema na sumusuporta sa mga pinaka-vulnerable at ang perang inilalaan sa mga proyekto tulad ng flood control ay nagagamit nang tama.
Ang pagpapalakas ng financial literacy, kasama ang pagkakaroon ng mas inklusibong financial access at social safety nets, at ang pagsugpo sa korapsyon na sumisira sa ating imprastraktura, ay ang susi para makabangon ang buong Pilipinas nang mas mabilis at mas matatag sa bawat hamon ng panahon.

