NITO lamang Nobyembre 7, 2025, pormal na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Proclamation No. 1077, na nagdedeklara ng State of National Calamity sa buong bansa sa loob ng isang taon. Kaagad na naglabas ng P760 milyong pondo para sa mga naapektuhang lugar. Ang hakbang na ito ay bilang tugon sa matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Tino na tumama sa Luzon, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao noong unang linggo ng Nobyembre. Nasundan pa ito ng bagyong Uwan.

Ayon sa Philippine News Agency, ang deklarasyon ay naglalayong pabilisin ang rescue, recovery, relief, at rehabilitation efforts ng pamahalaan kasunod ng “torrential rains, widespread flooding, and multiple landslides” na nagdulot ng pagkasawi ng mga mamamayan, pagkasira ng kabuhayan, at pagkagiba ng mga imprastraktura.
Sa dokumentong pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin para sa Pangulo, nakasaad na: “The State of National Calamity shall remain in force and effect unless lifted earlier by the President.”
Saklaw ng isang taong State of Calamity
Ayon kay Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., na siya ring chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), “Ang deklarasyon ay dapat intindihin upang masaklaw ang lahat ng natural calamities na mangyayari sa loob ng isang taon mula Nobyembre 7, 2025, maliban na lamang kung ito ay maagang alisin ng Pangulo.”
Sa madaling sabi, anumang sakuna — mula sa bagyo, lindol, pagbaha, pagguho ng lupa, hanggang sa pagputok ng bulkan — na tatama sa bansa sa loob ng isang taon ay awtomatikong sakop ng deklarasyong ito. Layunin nitong mapabilis ang paglabas ng pondo at paggalaw ng mga ahensya ng pamahalaan upang hindi na kailangang magdeklara muli ng “state of calamity” kada may sakuna.
Mga dahilan ng pagdeklara
Batay sa ulat ng NDRRMC noong Nobyembre 6, 2025, umabot na sa 18 ang kumpirmadong nasawi, at mahigit 1 milyong katao ang lumikas mula sa kani-kanilang tahanan dahil sa Bagyong Tino.
Ang bagyo ay nagdulot ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkawala ng kuryente at komunikasyon sa ilang probinsya sa Luzon.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), umabot sa ₱1.2 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura, kabilang ang mga taniman ng palay at mais.
Samantala, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tinatayang ₱900 milyon ang halaga ng pinsala sa mga kalsada, tulay, at imprastraktura.
Nitong Nobyembre 11, 2025, umabot na sa 232 ang iniulat na nasawi ng bagyong Tino at 25 naman dahil sa bagyong Uwan, ayon sa Office of Civil Defense.
Ayon sa ulat, binigyang-diin ng Malacañang na ang deklarasyon ay hindi lamang tugon sa Bagyong Tino kundi paghahanda na rin sa mga darating pang sakuna, gaya ng Bagyong Uwan, na nananalasa sa Luzon.
Konstitusyonal ba ito?
Ayon sa 1987 Philippine Constitution at sa Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, may legal at konstitusyonal na kapangyarihan ang Pangulo ng Pilipinas na magdeklara ng state of calamity o national calamity. Ginagawa ito sa mga rekomendasyon ng NDRRMC upang mapabilis ang paggamit ng pondo at tulong sa mga apektadong lugar.
Kaya’t malinaw na konstitusyonal ang hakbang ni Pangulong Marcos. Ito ay hindi arbitraryo o basta-basta lamang, kundi nakabatay sa batas at rekomendasyon ng mga ahensyang may mandato sa disaster response.
Mga epekto at benepisyo deklarasyon
Price Freeze o pagpapako ng presyo
Ayon sa Philippine News Agency, (“Under Proclamation 1077, the one-year state of national calamity also authorizes the immediate implementation of mandatory remedial measures, such as imposing price ceiling on basic necessities and prime commodities; granting no-interest loans to the most affected sectors; and preventing overpricing, profiteering, or hoarding of essential goods, medicines, and petroleum products.”
Ang “price freeze” ay pansamantalang pagpapako sa presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, sardinas, kape, gatas, asukal, gamot, at produktong petrolyo. Layunin nito na maiwasan ang pagsasamantala ng mga negosyante sa panahon ng kalamidad. Samantala, ang profiteering ay ang iligal na pagtataas ng presyo upang kumita nang sobra, habang ang hoarding naman ay ang pagtatago ng mga produkto para ibenta ng mas mataas sa kalaunan.
Calamity loans at financial assistance
Sa ilalim ng deklarasyon, pinapayagan ang no-interest calamity loans mula sa GSIS, SSS, at Pag-IBIG Fund. Ito ay tulong-pinansyal para sa mga empleyado at pamilyang matinding naapektuhan ng bagyo. Ang mga local government units (LGUs) ay maaari ring gamitin agad ang kanilang calamity at quick response funds (QRF) upang pondohan ang agarang relief operations. Ang Quick Response Fund ay bahagi ng taunang budget na nakalaan para sa mabilisang aksyon sa oras ng kalamidad.
Utos para sa lahat ng ahensya
Batay sa report, nakasaad sa proklamasyon: “All concerned agencies and instrumentalities of the National Government are hereby directed to continuously undertake urgent and critical disaster response to save lives, reduce health impacts, ensure public safety and meet the basic subsistence needs of the people affected and to implement post-disaster recovery measures.”
Sa madaling sabi, lahat ng ahensya ng pamahalaan — mula sa DSWD, DTI, DPWH, DOH, hanggang sa mga lokal na pamahalaan — ay inaatasang kumilos agad at tuloy-tuloy para matulungan ang mga mamamayan.
Post-Disaster recovery at long term measures
Kasunod ng agarang relief, pinaiiral din ng gobyerno ang mga post-disaster recovery measures upang maibalik ang normal na pamumuhay ng mga komunidad. Ayon sa DSWD, mahigit ₱600 milyon ang inilaang pondo para sa relief packs at cash-for-work programs. Samantala, iniulat ng DTI na maglalabas ito ng pautang na walang interes sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na naapektuhan ng kalamidad, sa ilalim ng programang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3).
Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual,“ang layunin ng tulong na ito ay hindi lamang agarang kabuhayan kundi matatag na pagbangon ng ating mga maliliit na negosyante na siyang haligi ng ating ekonomiya.”
Koordinasyon ng pamahalaan at pribadong sektor
Batay sa Proclamation 1077, inaatasan ang mga national government agencies na tulungan ang mga LGU sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo at pasilidad. Kasama rito ang pagtanggap ng international humanitarian aid mula sa mga partner organizations.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Asst. Sec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV,“ang deklarasyong ito ay hindi lamang agarang tugon sa pinsala ng Bagyong Tino, kundi isang hakbang para sa pangmatagalang koordinasyon at paghahanda laban sa mga susunod pang kalamidad.”
Mensahe ng pamahalaan at panawagan ng pangulo
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na ang deklarasyon ay hindi dapat ikabahala ng publiko kundi tingnan bilang simbolo ng pagkakaisa at pagkilos. “Ito ay panahon ng pagkakaisa at pagtutulungan. Ang ating layunin ay hindi lamang makabangon, kundi maging mas handa sa mga darating pang sakuna.”

