NAPAKAHALAGA ng kolaborasyon sa pananaliksik upang magkaroon ng malakas na demokratiko at interdisiplinaryong katangian ang pagsisiyasat. Sa pamamagitan nito ay matitiyak ang salimbayan ng disiplina, palitan ng kaalaman at pagtatampok ng mga bagong pananaw, metodo at praktika sa propesyon. Komplikado at batbat ng kontradiksyon ang mga kinakaharap na suliranin ng larangan at lipunan kaya nararapat lamang na bukod sa pagiging interdisiplinal ay kapwa taglayin din ng pananaliksik ang pagiging interpropesyonal, intersektoral at interhenerasyonal. Ang mga sumusunod ay gabay at paalala sa pagsasagawa ng pananaliksik sa pamamagitan ng research collaboration.
· Tukuyin ang larangang kinabibilangan sa akademya. Ito ba ay applied mathematics, public health, nutritional biochemistry, feminist geography, sustainability science, applied ethics, policy studies, development studies, organizational communication o iba pa.
· Tukuyin din ang linya ng pananaliksik na isasagawa sa larangan. Ito ba ay environmental research, medical research, educational research, development research, technological research o iba pa.
· Alamin din ang interseksyon ng mga larangan kung saan nakapaloob ang sariling research agenda. Halimbawa nito ay ang interseksyon ng education studies, public policy at development communication.
· Alamin ang kalakasan at kahinaan bilang mananaliksik. Kalakasan mo ba ang kuwalitatibong disenyo (qualitative) ng pananaliksik samantalang kahinaan naman ang kuwantitatibo (quantitative)? O ang kabaligtaran nito?
· Alamin ang saklaw at limitasyon ng isinasagawang pananaliksik. Ito ba ay ukol sa curricula, instructional materials, textbooks o textbook tasks?
· Linawin ang layunin ng pananaliksik simula’t sapul. Matibay na salalayan o batayan ito ng kaisahan bilang grupo.
· Linawin din ang ekspektasyon sa isa’t isa upang maiwasan ang anumang aberya sa proyekto. May kinalaman din ito sa gampanin at gawain ng bawat isa sa usapin ng dimensyon at bahagi ng pananaliksik. Maaari ring bumuo ng committee o subcommittee sa loob ng research team.
· Maghanap ng institusyong maaaring magpondo sa inyong pananaliksik. Maaari itong pampubliko o pampribado at lokal o internasyonal. Kaugnay nito, pumili lamang ng institusyong hindi tumutunggali sa tinatanganang batayang prinsipyo ng grupo.
· Pababain ang kagastusan sa pamamagitan ng research collaboration. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsasalu-salo ng limitadong rekurso na mayroon ang bawat isa kagaya ng kasanayan, sanggunian, computer software, espasyo at iba pa.
· Linawin ang batayan ng pagpili ng mga makakasama sa research team. Ikonsidera pareho ang disiplina bilang larangan at disiplina bilang aktitud ng mga kasapi.
· Tiyaking mayroong komplementasyon ng kaalaman, kasanayan at karanasan ang mga mananaliksik. Ito ang batayan ng magiging kalakasan ng research team.
· Tukuyin ang sariling posisyonalidad bilang mananaliksik at ang tumbasan, tambalan at talaban nito.
· Imapa ang bumubuo sa pananaliksik at ang kinabibilangan nilang larangan at institusyon upang maiwasan ang conflict of interest.
· Planuhin at pagkaisahan ang susunding paradigma, balangkas, disenyo, patakaran at proseso ng pananaliksik. Tukuyin kung may banggaan o kontradiksyon sa mga ito.
· Magkaisa rin sa gagamiting teorya at metodolohiya ng pananaliksik.
· Tukuyin kung sino ang mangunguna sa pananaliksik (o principal investigator). Mahalagang konsiderasyon ito sa ikatatagumpay ng proyekto.
· Linawin ang papel na ginagampanan ng bawat isa (halimbawa: principal investigator, co-investigator at iba pa).
· Linawin kung ano ang susunuring authorship policy para sa pananaliksik.
· Linawin din kung kakailanganin ng research associate, research assistant at/o research staff sa pananaliksik.
· Pagkaisahan din kung kakailanganin ng mga lead collaborator sa bawat katuwang na institusyon at/o ng consultant (o kasangguni) para sa pananaliksik.
· Magsagawa ng research project onboarding bilang oryentasyon para sa lahat. Regular ding magbigay ng update sa latag at larga ng pananaliksik.
· Ikonsidera na isama ang komunidad sa pagbuo at mismong pagsasagawa ng pananaliksik upang maging mapanglahok at demokratiko ang katangian nito.
· Magsagawa ng kinakailangang pagsasanay para sa mga bumubuo ng research team. Maaari itong tumukoy sa pagbabatayang ontolohiya at epistemolohiya o gagamiting teorya at metodolohiya sa pananaliksik. Ikonsidera rin na maaaring hindi pantay-pantay ang antas ng kasanayan ng mga kabilang sa grupo.
· Ikonsiderang kumuha ng kurso ukol sa research and development management kagaya nito: Master of Research and Development Management – Faculty of Management and Development Studies
· Kilalanin ang malaking ambag ng collaborative research sa proseso ng internal peer review. Maaaring makapagbigay ng konstruktibong puna ang bawat miyembro para sa higit na ikabubuti ng binubuong pananaliksik.
· Tukuyin kung layuning ipresenta ang pananaliksik sa isang komperensiya, ilathala sa isang academic journal, itampok sa isang public forum, buoan ng kaukulang policy brief at gawing batayan ng isang patakaran, programa, proyekto at/o adbokasiya.
· Alamin ang mga nagtatambalan at nagtatalabang ideya ng mga umiiral na literatura, bumubuo sa hanay ng mananaliksik at kalahok/katugon sa pananaliksik.
· Maging bukas sa mga bagong ideya, metodo at praktika na uusbong mula sa mga aral na manggagaling sa mismong proseso at patutunguhan ng pananaliksik.
· Maging responsable sa komunikasyon at koordinasyon kasama ang mga kapwa mananaliksik at iba pang katuwang na institusyon.
· Ikonsidera tuwina ang magkakaibang kultura, wika at timezone ng mga miyembro ng research team sa pagpaplano para mapanatili ang pagkakaintindihan.
· Balansehin ang interes ng mga kasama sa pananaliksik batay sa kanilang kinabibilangang larangan at school of thought.
· Tandaan na kasing halaga ng substantibong dimensyon (substantive) ng pananaliksik ang kaparaanang aspekto nito (procedural).
· Maging masinop sa dokumentasyon sa bawat yugto ng pananaliksik.
· Bumuo ng repositoryo ng mga sanggunian at mismong akda.
· Ingatan mabuti ang mga dokumento maging pisikal o dihital na bersyon man.
· Isailalim sa collective assessment at editing ang working document upang higit na umunlad ito sa parehong usapin ng porma at nilalaman.
· Maging makakapwa sa pakikitungo sa buong research team. Huwag maging mapagmataas at mapanghusga. Laging maging marespeto at mapagkalinga.
· Iwasang maging pabigat sa research team. Paalalahan ang mga miyembro ukol sa kanilang mga pagkukulang o pagmamalabis. Maging bukas pareho sa puna at papuri.
· Huwag ipaubaya sa iilang kagrupo lamang ang proyekto. Gawing demokratiko ang proseso ng konsultasyon.
· Iwasan ang pagkaantala ng proyekto sa pamamagitan ng pagiging tapat sa napagkaisahang timeline. Tiyakin din na makatarungan ang binuong timeline para sa lahat.
· Humiling ng ekstensyon ng panahon mula sa kinauukulan lalo na kung may makatarungang batayan. Kasama rito ang mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng kalamidad at pagkakasakit.
· Maging responsable at mahinahon sa pagtugon sa mga hindi pagkakaunawaan.
· Bumuo ng network ng mananaliksik sa pormal at/o impormal na katangian. Patuloy na palawakin ang network na ito sa pamamagitan ng pagdalo ng mga komperensiya at/ palihan. Bumuo ng community of practice (CoP) sa inyong kinabibilangang larangan o propesyon.
· Maglaan din ng oras para sa rest and recreation ng research team upang may puwang para sa pagpapahinga, pagpapalakas at repleksyon.
Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang diin ang kritikal na papel ng collaborative research sa pagpapataas ng kredibilidad ng pananaliksik, pagpapalakas sa ugnayan ng mga disiplina at pagtitiyak ng lapat nitong aplikasyon sa larangan, lokalidad at lipunan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

