29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Hirit sa Araw ng mga Bayani

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

NOBIYEMBRE 30 nitong nagdaang linggo ang kauna-unahang araw na nasilayan ko ang tinaguriang Bantayog ng mga Bayani. Simula nang matayo ito, noon ko lang nakita na ang bantayog na sa aking balintataw ay gumuhit ng imahe ng isang marangyang kapaligirang kuktural katulad ng Luneta Park o ng Bonifacio Monument sa Caloocan City ay, kumbaga sa titulo ng isang pelikula ni Lino Brocka, tinimbang ngunit kulang.
Wala ni katiting na  sangkap ng isang bantayog (at least, ika nga, wala pa), bagama’t maaaninag ang mga palantandaan ng isang tradisyunal shrine na papabuo pa lamang.
Ang bantayog ay nagtatampok ng maaaring nilayong maging  malaking kahambing ng isang diorama na kinasusulatan ng mga pangalan ng mga taong nag-alay ng buhay laban sa diktadura ni Presidente Ferdinand E. Marcos.
Ito ang agad ay kumintal sa aking diwa.
Lumilitaw na ang kabayanihan ng bawat isa sa mga  nakalista sa blackboard ng kagitingan ay nakabase tanging sa paglaban sa diktadurang Marcos.
Kaya nandoon ang phenomenon na kahanay ng mga totoong sinalanta ng diktadura ni Marcos – tulad ni Alexander Boncayao, union leader na pumalaot hanggang sa pagiging rebeldeng kasapi ng New People’s Army (NPA) na sa wakas ay siya niyang ikinasawi, o ni Jovito Salonga, na totoong nanguna sa pagbaka sa martial law – ay si Lino Brocka na ayon sa balita ay namatay sa isang car accident diumano habang kaulayaw ang kanyang boyfriend.
Marami ang naglingkod nang buong katapatan sa kilusang kontra balasakang Marcos at imperyalismong Amerikano subalit ang panlilingkuran ay nanatiling lihim, alin kung dahil sa hindi sila ang tipong epal na ipinagwawagwagan ang gawaing rebolusyonaryo o ang kanilang gawaing rebolusyonaryo ay totoong napakalihim at hindi makapang-akit ng ni katiting na bulung-bulongan man lamang. Nagkataon lamang na, sa kaso ng ilan sa kanila, kilala nila ang napakamapagpanggap na direktor at aayawin nilang mapahanay dito.
Hayaan na lamang na habampanahong mabaon sa limot kung anumang kabayanihang meron na sila ay nagawa.
Sa presentasyon ng mga bagong bayani noong nagdaang Nobiyembre 30, ang anak ng isa sa mga naparangalan ay nagpahayag na ayon sa kanyang ama, ang kabayanihan ay hindi sinusukat sa dami ng ginawa kundi sa kabuuang epekto ng ginawang paggising sa sambayananan upang labanan ang opresyon.
Malungkot isipin na marami na nasa ganyang pamantayan ang ni hindi napagtuunan ng pansin.
At sa usaping ito, anong kabayanihan ang ginawa ni Brocka at napabilang siya sa Bantayog?
Mangyari pa, sabi ko nga sa unahan, maraming gawaing rebolusyonaryo ang tago at sa kaso ng marami na hindi hambog, nanatiling lihim ang mga gawaing iyun.
Pero sa klase ni Brocka na mahilig pumapel at ang bawat kaliit-liitang epal ay ibinabando sa balana, kung anumang kabayanihan ang kanyang nagawa ay dapat na nahayag.
Wala.
Papaano ikararangal ng mga tunay na bayani ang mapabilang sa bantayog na nagtatampok kay Brocka?
Sa kabilang dako, napuna ko rin na kabilang sa listahan ng Bantayog ay ang pangalan ni Agapito Butz Aquino.
Anong kabayanihan ang kanyang ginawa bukod sa nagkataong kapatid siya ni Ninoy Aquino?
Wala rin akong maisip.
Totoo, malaki ang papel niya sa pag-igting ng malawakang kilos protesta na sa kaduluduluhan ay nagpabagsak kay Pangulo Ferdinand E. Marcos. Si Butz Aquino ang bumuo ng August Twenty One Movement (ATOM) na nagsilbing titis na nagpasiklab sa EDSA People Power Revolution ng 1986.
Subalit personal pa ring lalabas ang kadahilanang nasa likod ng pagbubuo ng ATOM.
Gagawin ba iyun ni Butz kung hindi siya naging kapatid ni Ninoy?
Ano ang August Twenty One?
Iyun ang petsa noong 1983 nang si Ninoy Aquino ay barilin at mamatay sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas mula Estados Unidos. Pababa pa lang sa hagdan ng sinakyang China Airlines, umalingawngaw na ang putok ng baril, kasunod ng marami pa, na pagkaraan ay nakitang nakahandusay si Ninoy sa tarmac, wala nang buhay.
Sa ilalim ng hagdan, ang isa pang bangkay, na kalaunan ay kinilalang salarin sa pagpatay kay Ninoy – si Rolando Galman; ayon sa sumunod na imbestigasyon,  si Galman ang bumaril kay Ninoy kaya pinagbabaril naman ito ng mga sundalo.
Sa anu’t-anuman, pangunahing kahalagahan pa rin sa usapin dito ay ang personal na relasyon ni Butz kay Ninoy.
Kung hindi siya naging kapatid ni Ninoy, gagawin ba ni Butz ang ginawa niyang pagtatatag ng ATOM?
Subalit una pa muna, e, ano kung si Butz ay kapatid ni Ninoy?
Sino ba si Ninoy?
Sasabihin ninyo, itatanong  pa ba iyan?
Nang paslangin si Ninoy sa Manila International Airport, iyun ang  katuparan ng pagpaging-Diyos ni Ninoy sa sarili, sinasamba ng milyun-milyung alagad na mga magpapakamatay upang isulong ang anumang kanyang ipanawagan.
Noon pang 1981, sa isang pangunahing talumpati sa Estados Unidos, isinumpa na ni Ninoy kay Marcos, “Iaalay ko ang kahuli-hulihang patak ng aking dugo para sa pagwasak ng iyong diktadura,”
Ang August 21, 1983 ay ang araw na tinupad ni Ninoy ang kanyang sumpa kay Marcos.
Lumarga ang civil disobedience campaign ni Cory sa buong kapuluan, nagbunga ng malawakang mga protesta, bawat isa humihingi ng pagpapabagsak ng diktadura ni Marcos.
Pansinin na bawat isa sa mga pangalang nakaukit sa Bantayog ng mga Bayani ay nakaangkla sa pagpapabagsak kay Marcos.
Wala ni isang para sa kagalingan ng bayan; lahat para sa personal na veganza ng isang lalaki na sa bawat yugto ay bigo sa kanyang pulitikal na pakikipagtunggali kay Marcos.
At ito ang, sa ganang pitak na ito, siyang katutul-tutol na namumukod na katangian ng kung tawagin ay Bantayog ng mga Bayani.
Kung hindi kontra kay Marcos, hindi bayani.
Sa tunggaliang pulitikal nina Marcos at Ninoy, ang usapin ng kabayanihan ay nakasalig sa pagyakap sa kung ano ang pinaninindigan ni Ninoy, wala ni anumang pagsasaalang-alang sa kung tama o mali. Nasabi ko na nga sa isang nakaraang kolum, humantong na ang pagpaging-Diyos kay Ninoy upang pag sinabi niyang tumalon ka mula sa isang gusali, ang tanging mawiwika mo ay, “Mula saang palapag.”
Binomba ang Plaza Miranda. Tatlong kabataan ang namatay, daan ang nasugatan, kabilang ang buong senatorial ticket ng Liberal Party sa 1971 midterm election.
Propaganda ni Ninoy,  si Marcos ang may kagagawan.
Hanggang sa ngayon, iyun ang paniwala ng karamihan.
Di alam ng marami na noong 1989, isang joint hearing ng Justice Committee at Blue Ribbon Committee ng Senado ang nakatuklas ng katotohanan na ang nagpabomba sa Plaza Miranda ay si Communist Party of the Philippines (CPP) Chairman Jose Maria Sison sa pakikipagkutsabahan kay Ninoy Aquino.
Ang ATOM na itinatag ni Butz Aquino upang gunitain ang kamatayan ng kapatid ay kumakatawan din naman sa kahalimawan na likha nI Ninoy noong AUGUST TWENTY ONE 1971 – ang Plaza Miranda Massacre.
May karugtong.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -