29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Ang Noche Buena, pista sa handaan o pasanin sa bulsa?

- Advertisement -
- Advertisement -

JUAN, ang bilis ng panahon, 20 days na lang, Pasko na muli

Pero Uncle, habang iniisip ko ang Pasko, lalo na ang Noche Buena, parang mas sumasakit ang ulo ko kaysa sa maging excited. Ang dami kong iniisip na gastusin! Ang mahal na ng ham, ng spaghetti… Paano ba ito? Dapat ba akong magpakahirap para lang masunod ang tradisyon?

Naku, Juan, ‘yan ang tanong ng maraming Pilipino tuwing Pasko! Ang Noche Buena ay hindi lang simpleng handaan; ito ay ang pinakadiwa ng ating kultura, simbolo ng pagmamahalan, pagkakaisa, at pasasalamat.

Sa atin, ang Pasko ay hindi lang isang araw, kundi isang buong panahon ng pagdiriwang. Ngunit sa gitna ng matinding pagpapahalagang ito at ang tumataas na presyo ng bilihin, ang selebrasyong ito ay nagiging malaking gastusin at minsan, nagiging sanhi pa ng utang. Dito papasok ang kahalagahan ng matalinong pagpaplano at pagba-budget.

Ang Pasko sa puso ng Pilipino at epekto sa pera


Para sa Pilipino, ang Pasko ay may malalim na kultural  at espirituwal na konteksto. Ito ang pinakamahaba at pinakamasayang panahon ng pagdiriwang sa ating bansa. Nagsisimula pa lang ang “ber” months, ramdam na ang simoy ng Pasko. Higit pa sa isang holiday, ito ay panahon ng:

  1. Pagsasama-sama ng pamilya o family reunions: Isang tradisyon ang pag-uwi ng mga kamag-anak mula sa malalayong lugar, o maging sa ibang bansa (balikbayans), para lamang magkakasama sa Noche Buena at iba pang okasyon. Ang reunion na ito ay may kaakibat na gastusin sa pamasahe, akomodasyon, at siyempre, ang pagpapakain sa maraming bisita.
  2. Pagbibigay: Tumatak sa ating kultura ang pagbibigay ng regalo, hindi lang sa immediate family kundi pati na rin sa inaanak, kaibigan, katrabaho, at iba pang kamag-anak. Ito ay pagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga. Ang “aginaldo” at “pamasko” ay bahagi ng inaasahan.
  3. Pakikisama at Handa: Sunod-sunod ang mga Christmas party sa opisina, eskwelahan, at komunidad. Kasama rito ang paghahanda ng pagkain, palitan ng regalo (monito-monita), at iba pang gastusin. Ang Noche Buena ang pinakatampok, kung saan inaasahan ang masagana at masarap na handaan.
  4. Balikbayan Boxes: Ang mga OFWs ay nagpapadala ng balikbayan boxes na puno ng regalo at kung anu-ano pa, bilang simbolo ng kanilang pagmamahal at sakripisyo. Ito ay isang matinding gastusin para sa kanila.

Dahil sa mga kultural na pagpapahalagang ito, ang pressure na gumastos ay napakalaki. Hindi lang ito tungkol sa gustong ibigay, kundi sa inaasahang ibigay. Ang hindi paghahanda ng masagana o ang kawalan ng regalo ay madalas naiuugnay sa “kakulangan” o “pagiging kuripot,” na nakakaapekto sa “pakikisama” at pakiramdam ng “hiya.” Kaya, ang maraming Pilipino, pinipilit kahit sa huling sandali o sa pamamagitan ng utang, matugunan lang ang mga tradisyong ito.

Ang totoong gastos sa Noche Buena

Ang gastos para sa hamon, spaghetti, fruit salad, at iba pang staples ng Pasko ay isang paulit-ulit na pinag-uusapan taon-taon, lalo na kung gaano kalaki ang agwat ng sahod ng karaniwang Pilipino sa presyo ng mga bilihin.

- Advertisement -

Halimbawa, ang ating pamahalaan ay nagmungkahi na sapat na raw ang ₱500 para sa isang “basic” Noche Buena ng pamilyang may apat na miyembro.

Pero sa totoo lang, ito ay malayo sa realidad ng ating pinansyal na sitwasyon ngayon. Subukan mong bumili: isang kilong ham na pinakamura ay nasa ₱300-₱500 na agad. Isang pack ng spaghetti noodles, isang lata ng sauce, cheese, at iba pang sangkap para sa macaroni salad – madali nang lumagpas sa ₱500.

Ang iba pang pangunahing handa tulad ng tinapay, softdrinks, o desserts, hindi na yan kasama. Sa dami ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang ₱500 ay halos hindi na sapat para sa isa o dalawang tao, lalo na sa apat. Hindi nito binibigyang-halaga ang tindi ng inflation at ang financial pressure na nararamdaman ng bawat tahanan.

Oo, naglalabas ang Department of Trade and Industry o DTI ng Noche Buena price guides para makatulong sa paghahanap ng murang brands, pero kahit pa may gabay, ang bawat pamilya ay nahihirapan pa ring balansehin ang pang-araw-araw na gastos, ang pambayad sa utang, at ang inaasahang extra spending para sa Pasko.

Ang sitwasyong ito ay nagtutulak sa marami na magtanong: Paano natin masisiguro ang isang maligayang Noche Buena nang hindi isinasakripisyo ang financial stability natin sa bagong taon?

Ang mahalagang papel ng financial literacy

- Advertisement -

Dito pumapasok ang importansya ng financial literacy. Hindi ito tungkol sa kung gaano kalaki ang kita mo, kundi sa kung paano mo pinamamahalaan ang iyong pera nang epektibo para magkaroon ng seguridad. Ito ang magbibigay sa atin ng mga kasangkapan para makapagplano nang matalino at maiwasan ang mga utang pagkatapos ng Pasko.

  1. Budget: Ito ang pundasyon. Kailangan nating gumawa ng spending plan na nakabase sa ating kita at gastusin. Sa pamamagitan nito, masisigurado natin na may sapat tayong pondo para sa mga pangangailangan, may nakalaan para sa mga pangarap, at siyempre, may realistic na budget para sa Noche Buena, kasama na ang regalo at handaan. Iwasan ang paggastos nang sobra sa kaya.
  2. Maagang Pagpaplano: Ang matalinong paggastos para sa Noche Buena ay nagsisimula bago pa man dumating ang Disyembre.
  3. Bumili ng non- perishables nang mas maaga: Ang mga de-lata, spaghetti noodles, at sauce ay puwedeng bilhin nang mas maaga para mahati-hati ang gastusin at makaiwas sa pagtaas ng presyo kapag papalapit na ang Pasko.
  4. Samantalahin ang sale: Abangan ang mga “Ber” month sales, bundles, at discounts. Malaking tulong ito para makatipid sa mga regalong ibibigay at sangkap sa handaan.
  5. Unahin ang pangangailangan kaysa luho: Ang diwa ng Pasko ay pagmamahalan, hindi paramihan ng handa. Mag-focus sa isang makabuluhang selebrasyon na akma sa iyong budget at huwag pilitin ang sarili para sa mga regalo o pagkain na hindi naman kaya. Maaaring gumawa ng hand-made o mga customized na regalo o mag-organisa ng potluck para maghati-hati sa gastusin. Ang tunay na Noche Buena ay ang pagkakaisa ng pamilya, hindi ang halaga ng handa.

Ang Noche Buena ay isang pinahahalagahang tradisyon. Ngunit para maging tunay na maligaya ang selebrasyon at hindi magdulot ng financial strain sa pagpasok ng bagong taon, ang paggamit ng mga prinsipyo ng financial literacy – lalo na ang maagang pagpaplano at pagba-budget – ay mahalaga. Sa ganitong paraan, makakaranas tayo ng isang Noche Buena na puno ng pagmamahalan, kapayapaan, at walang alalahanin sa bulsa.

Juan, ano nga ba ang handa natin sa Noche Buena?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -