26.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Hirit sa Araw ng mga Bayani

- Advertisement -
- Advertisement -
Ikalawang Bahagi
ISANG bagay na ipinagpapasalamat ko ay nabuhay ako hanggang ngayon na ang kasalukuyang henerasyon ay ganap na nalason ang isip upang papaniwalain na si Ninoy Aquino ay isang bayani na dapat na dinidiyos ng sambayanan.
Kahit papaano may isang boses na gaano man kababa ay nagsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang.
Nang araw na iyun ng Agosto 21, 1971, nakipagpulong ako kay Banero, Director ng National Trade Union Bureau (NTUB) ng Komite Sentral ng Communist Party of the Philippines (CPP). Adyenda ng pulong ang ilang suliranin ng Katipunan ng mga Samahan ng mga Manggagawa (KASAMA); ako ang Kalihim Heneral ng pederasyon.
Ginanap ang pulong sa UG house ng NTUB sa San Francisco del Monte, Quezon City.  Matapos ang pulong, isinama na ako ni Banero sa kanyang kotse  upang idaan sa UG house naman ng KASAMA sa Makati.
Sa biyahe, nabanggit ni Banero na katatagpuin niya ang isang kasama na hindi na niya sinabi kung sino. Ganun kahigpit ang compartmentalization sa Partido; hanggang doon ka lang sa iyong kinalalagyan.
Ibinaba ako ni Banero sa  Guadalupe, na mula roon, sasakay na lang ako ng dyip pauwi sa KASAMA hq.
Magdadalawang dekada ang lumipas bago nagdugtong ang mga piyesa ng kwento.
Sa joint hearing ng Justice Committee at Blue Ribbon Committee ng Senado noong 1989, pinanumpaan ni Ruben Guevarra, dating Secretary Generai ng CPP, na nang hapong iyun ng Agosto 21, 1971, siya ay sinundo ni Manuel Collantes aka Banero at inihatid sa UG house ni Herminigildo Garcia sa Malibay, Pasay upang tumanggap ng instruksyon mula kay CPP Chairman Jose Maria Sison. Salaysay ni Guevarra, ipinakilala sa kanya ni Joma sina Danny Cordero at Cecilio Apostol na aniya ayon kay Sison ay mangagsisigawa ng pambobomba sa isang political rally kinagabihan; pahiwatig ni Joma, ani Guevarra, kaalam niya sa operasyon ang isang “malaking politiko.” Instruksyon ni Joma, pagkaraan ng misyun ng dalawa, tungkulin ni Guevarra na dalhin sila sa Isabela upang doon na magtuloy-tuloy ng paghahasa bilang mga pulang mandirigma.

2 / 4
Kumander na ng isang pangunahing pwersa ng New People’s Army (NPA) si Cordero nang ang malaking shipment ng armas ng MV Karagatan ay mabalaho sa Palanan, Isabela. Tinawagan ng sentro si Cordero upang ang kanyang puwersa ay pumunta sa Palanan. Layunin ng atas na patulungin ang yunit ni Cordero sa pagdiskarga ng mga arnas at pagdala sa mga ito sa interior ng Isabela. Hindi na dinetalye pa kay Cordero ang tungkol sa shipment ng armas. Sumuway si Cordero sa utos. Katwiran niya, abala ang kanyang yunit sa sarili nitong mga problema. Bunga ng pagsuway na iyun, karamihan sa shipment ng armas ay naintercept ng government forces.
Ipinailalim si Cordero sa paglilitis na nauwi sa hatol sa kanya ng kamatayan. Dito na matapang na nagpahayag si Cordero na napakalaki ng kanyang ginawa sa kilusan upang parusahan siya ng kamatayan.
“Anong ginawa?” tanong ni Guevarra, ang puno ng tribuna ng paglilitis.
“Ako ang… isa ako sa tatlong bumomba sa Plaza Miranda.”
Malinaw, si Jose Maria Sison ang nag-utos na bombahin ang Plaza Miranda.
Subalit kung sino ang “malaking politiko” na kakutsaba niya sa karumaldumal na krimen ay hindi pa.
May kwento ang namayapang Ferdie Ramos, beteranong mamamahayag. Nang gabing iyun ng Liberal Party rally, lahat ng kandidato ay nasa entablado na, ngunit wala si Ninoy. Kaya tinawagan niya ito sa radyo. Gusto niyang kunan ng pahayag.
“Nasaan ka ba?” tanong ni Ninoy.
“Nasa stage, dito sa Plaza Miranda,” sagot ni Ferdie.
Nabigla at nahintakutan si Ninoy.
“Ano’ng ginagawa mo diyan? Baba diyan. Baba. Bilis. Bilis.”
At nagmamadaling bumaba ang newsman upang magtungo sa kung saan siya pinapupunta ni Ninoy.
Ilang sandali pa, tatlong sunod-sunod na pagsabog ang wumindang sa kapaligiran.
Nang gabing iyun, kapulong ko ang Party Group ng Philacor sa himpilan nito sa Mandaluyong. Pinanood namin sa telebisyon ang kaguluhan sa Plaza Miranda.
Ayon sa balita, lahat ng labindalawang kandidato ng  Liberal Party ay tinamaan ng bomba.
Biglang paling ang balita kay Ninoy, astang matapang na mandirigmang tangan ang .45 sa kamay habang pababa ng hagdan ng Manila Hilton.

3 / 4
Bakit nasa Hilton si Ninoy? Siya ang Secretary General ng LP, dapat na punong abala siya sa miting sa Plaza Miranda?
Marami at magkakahiwalay, kapwa sa lugar at panahon, ang mga patibay na pinagtahi-tahi ng iisang sinulid ng panlilinlang upang ang kahayupan ni Ninoy Aquino ay maiguhit bilang kabayanihan.
Pansinin na si Ninoy ay tumanggap ng awa mula kay Presidente Marcos sa panahon ng kanyang pagkakulong sa ilalim ng  martial law. Kailangan niya ng heart bypass operation sa Estados Unidos at siya ay pinayagan ng pangulo na magtungo roon sa kondisyon na hindi siya magsasalita ng anuman laban sa administrasyong martial law. Subalit oras na nasa Amerika na, speech dito, speech doon, walang patumanggang pambabatikos laban sa martial law ang ginawa ni Ninoy, papalakas nang papalakas na panawagang ibagsak si Marcos.
Nang paalalahanan na mayroon siyang kasunduan kay Marcos na hindi magsasalita kontra martial law, buong pagmamalaking nagpahayag si Ninoy, “A pact with the devil is no pact at all (Ang kasunduan sa demonyo ay hindi totoong kasunduan).”
Sa pakikipagalyansa sa oligarkiya, sumibol ang kilusang mapagpalaya mula sa martial law at sa Pilipinas ay sumabog ito bilang light-a-fire movement.
Iisa ang layunin: maghasik ng kaguluhan upang ibagsak ang diktadurang Marcos.
Sa layuning ito, nagsimula nang umastang litaw na tagapagmanang lider ng estado sa Pilipinas si Ninoy. Nakikipag-unawaan na sa mga puno ng estado sa Europa, Latin Amerika, Asya at Gitnang Silangan.
Hindi ito dapat pagtakhan. Kung layon mong humalili sa diktador, dapat ngang umasta kang malakas at makapangyarihan.
Ang naging kapuna-puna sa yugtong ito ay ang pangyayari na si Doctor Rolando Solis, ang siruhano na nagsagawa kay Ninoy ng heart bypass operation, ay laging nasa kanyang tabi saanman siya magpunta, maging sa paikot ng Esrados Unidos o sa iba’t-ibang bansa. Pahiwatig ito ng malalang kondisyon ng kanyang kalusugan.
Gaano  kalala ang kanyang sakit sa puso?
Sa isang panahon, sumingaw na terminal case na si Ninoy. Subalit biglang pinatay sa media ang isyu.
Nang tanungin si Dr. Solis tunngkol dito, nagwika siya, “I will carry his secret to my grave.”
Hinding-hindi niya isisiwalat ang lihim ni Ninoy.

4 / 4
Nang araw na iyun, bago siya lumipad paalis ng Estados Unidos pauwi ng Pilipinas, nag-usap si Ninoy at si Steve Psinakis, pinuno ng Free Philippines Movement,  tinalakay ang pangangailangang makabalik na siya sa Pilipinas. Hango ang impormasyon na ito sa recording ng pag-uusap nila sa telepono.  Halata na ang recording ay may binurang mga bahagi, itinira ang mga bahagi na nagpapahiwatig lamang na kailangang makauwi na sa Pilipinas si Ninoy noon na o huwag na kailan pa man.
At nangyari na nga ang paikot na biyaheng ginawa ni Ninoy: Malaysia muna, tuloy ng Japan, balik sa Malaysia, at sa wakas sa Taiwan na doon ay lumulan siya ng China Airlines pauwi na ng Pilipinas.
Pansinin na alinman sa mga yugtong ito ng biyahe ni Ninoy pauwi ng Pilipinas, wala siyang kasamang Dr. Solis!
Samantalang sa lahat-lahat na ng mga biyahe niya paikot ng mundo sa nakaraan ay laging katabi ni Ninoy ang doktor.
Sa pag-uwi ni Ninoy sa Pilipinas noong Agosto 21,1983, hindi na niya kailangan ang doktor?
Kailan hindi na kailangan ng pasyente ang doktor?
Kung ang pasyente ay patay na!
May karugtong.
30

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -