26.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Critical Tourism Studies 101

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG critical tourism studies ay isang alternatibong balangkas (framework) at dulog (approach) sa pag-aaral at pagsisiyasat ng turismo. Mapanuri at holistiko ang katangian ng critical tourism studies dahil sinasaklaw nito ang ekonomiko, ekolohikal, heyograpikal, politikal at kultural na dimensyon ng turismo bilang larangan, industriya at praktika. Kritikal nitong sinusuri ang istruktura at relasyon sa kapangyarihan sa pagitan ng mga kabahaging uri, sektor, organisasyon, institusyon, komunidad, bansa at iba pang panlipunang puwersa. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang mahahalagang kaalaman ukol sa critical tourism studies sa parehong aspekto ng prinsipyo at aplikasyon.

  • Bilang kontra-gahum (counter-hegemony), hinahamon ng critical tourism studies (CTS) ang magkakakawing-kawing na epekto ng turismo sa iba’t ibang larangan ng pag-iral.
  • Taliwas ito sa tradisyonal na katangian at kinagawian ng kombensiyonal na turismo (conventional tourism) na prinsipal na nakabatay ang konsepto, operasyon at pamamahala sa kita at tubo.
  • Nag-aambag din ang critical tourism studies sa pagkokonteksto (o pagpopook) ng penomenon at proseso ng turismo batay sa iba’t ibang dimensyon (ekonomiko, politikal, kultural at iba pa) at antas ng pagsusuri (lokal, pambansa, pandaigdigan at iba pa).
  • Hinahamon din nito ang mga dominanteng naratibo ukol sa pook destinasyon, kasaysayan, alaala, kultura, komunidad at mga mamamayan nito.
  • Kumikiling ang critical tourism studies sa naratibong mapagpalaya at transpormatibo na nagtatampok sa kasaysayan ng pagsasamantala at pakikibaka.
  • Pinupuna rin nito ang iba’t ibang katangian ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan na nakabatay sa uri, etnisidad, kasarian, abilidad, heyograpiya at iba pa.
  • Magkadugtong ang penomenon ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa isang banda at ang lala ng epekto (o pinsala) ng turismo sa mga bulnerableng uri at sektor sa lipunan sa isa namang banda.
  • Laganap at masahol ang komersiyalisasyon ng kultura sa ngalan ng kita at tubo. Ginagawang kalakal ng mga kompanya ang kultura ng mga katutubo upang pagkakitaan kahit na nagreresulta ito sa obhetipikasyon ng kanilang pagkatao at pagkakakilanlan.
  • Maikokonekta rin sa mahabang kasaysayan ng kolonyalismo ang pananatili sa kasalukuyan ng istruktura ng diskriminasyon at subordinasyon ng mga katutubo at kanilang kultura. May kinalaman ito sa pagtatangi laban sa mga minamaliit na lahi, etnisidad at kalinangan.
  • Hinahamon din ng critical tourism studies ang umiiral na resource deprivation at resource divide sa loob mismo ng isang lipunan at pagitan ng mga bansa.
  • Mabigat na usapin din ang representasyon ng mga kultura bilang kalakal at komersiyal na rekurso. Kasama rito ang pagtatampok lamang sa kultura bilang atraksyon at palamuti (o aksesorya).
  • Binabalewala sa kombensiyonal na turismo ang kritikal na pagsasakasaysayan ng pook panturismo kagaya ng kasaysayan ng pangangamkam ng lupa at pagtataboy sa mga katutubo.
  • May mga pagkakataon na mismong mga lokalidad din ang nagkakalakal ng kanilang sariling kultura dahil sa malaganap na kahirapan at kawalan ng kabuhayan sa komunidad bunga ng dislokasyon, pangangamkam ng lupa at iba pang porma ng agresyong pangkaunlaran.
  • Kritikal na usapin din ang pagkasira ng kalikasan bunga ng hindi likas-kayang pagpapalit-gamit ng lupa, walang habas na pagputol ng mga puno, kabi-kabilang konstruksyon ng mga dambuhalang imprastraktura, maaksayang paggamit ng tubig, paglikha ng labis na ingay (noise pollution), pagkakaroon ng labis na liwanag o iluminasyon sa kapaligiran (o light pollution), pagkabulabog sa buhay-ilang (o wildlife) at sobrang akumulasyon ng basura.
  • Kapuna-puna rin ang katangian ng kombensiyonal na turismo sa pagiging maaksaya sa rekurso at pagiging kaagaw ng komunidad sa espasyo, tubig at iba pang ekolohikal na serbisyo.
  • Hinahamon din ng critical tourism studies ang mga usaping pangkasarian kagaya ng traditional gender roles na kadalasang naglilimita sa mga kababaihan sa sektor ng serbisyo at ang laganap na obhetipikasyon ng kanilang katawan, pagkababae at pagkatao.
  • Hinahamon ng critical tourism studies ang tendensiya ng kombensiyonal na turismo na maging pasibong tagatunghay at tagakonsumo lamang ang mga manlalakbay, bisita at turista ng panturistang produkto, karanasan at serbisyo.
  • Isinusulong din nito ang prinsipiyadong pakikiisa ng mga turista at manlalakbay sa mga lehitimong isyu na tinatangan at karapatang ipinaglalaban ng komunidad.
  • Tinutututulan ng critical tourism studies ang homogenisasyon ng kultura na pumapatay sa katutubong kalinangan at pumapawi sa lokal na pagkakakilanlan.
  • Isinusulong din nito ang makatarungang kondisyon sa paggawa sa pamamagitan ng pagsuporta sa ligtas na trabaho, tamang pasahod at propesyonal na pag-unlad ng mga manggagawa sa sektor ng turismo.
  • Pinupuna ng critical tourism studies ang umiiral na balangkas na pumapabor lamang sa mga nagmamay-ari ng malalaking negosyo samantalang nananatili naman sa sadlak na kondisyon ang mga manggagawa sa industriya ng turismo at mga mamamayan sa mismo o karatig na komunidad.
  • Ang paglalakbay at turismo ay dapat nagbibigay ng pagkakataon sa mga manlalakbay at turista na maging mapagnilay at mapanuri sa kanilang mga nakikita, napupuntahan at nararanasan. Bilang panimula, maaaring basahin ang artikulong ito ukol sa paglalakbay-masid at paglalakbay-suri sa komunidad: Paglalakbay-masid at paglalakbay-suri sa komunidad – Pinoy Peryodiko.
  • Isinusulong ng critical tourism studies ng aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagpaplano, pamamahala at pagpapaunlad ng sektor ng turismo upang matiyak ang makatarungan at likas-kaya nitong aplikasyon at operasyon.
  • Nag-aambag din ang critical tourism studies sa porma ng critical tourism research upang ilantad ang mga istruktura ng hindi pagkakapantay-pantay (expose), hamunin ang mga panlipunang puwersa na sumuhuhay rito (oppose) at maghawan ng mga alternatibong landas tungong etikal at makamamamayang turismo (propose).

Bilang pagbubuo(d), mahalagang maunawaan at makiisa sa politika at paninindigan ng critical tourism studies sa pagsusulong ng isang uri ng turismo na nag-aambag sa likas-kayang kabuhayan, makakomunidad na balangkas, demokratikong pamamahala, mapagpalayang kultura at kritikal na edukasyon. Kinikilala rin ng critical tourism studies na ang mga pook, patakaran, plano, programa at pagpapatupad ay espasyo ng repleksyon, kontradiksyon at kinalauna’y transpormasyon.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -