27.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 23, 2026

Punong-guro: bakit may gitling?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMING nagtatanong: May gitling ba ang salitang PUNONG-GURO? Ayon sa online KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino, mayroon. May gitling ang salitang ito. Ayon pa rin sa nasabing sanggunian, ang salita ay nabuo mula sa puno+ng+guro.

Natatandaan ko, sa dating Surian ng Wikang Pambansa (na naging Komisyon sa Wikang Filipino), kapwa tinatanggap ang dalawang anyo: ang may gitling – punong-guro, at ang anyong walang gitling pero ang O sa PUNO ay naging U: PUNUNGGURO.

Ang kahulugan: Ayon pa rin sa KWF, “taong namamahala ng isang paaralan.” Kasingkahulugan ng “prinsipal.” May nagbiro tuloy, “prinsipal” na lang ang gamitin para wala nang kalituhan.” Ang totoo, pumunta ka sa mga school at mas maririnig mo ang salitang “prinsipal.”

Ngayon, isang anyo na lamang ang tinatanggap. Para rin siguro makaiwas na sa kalituhan: PUNONG-GURO na may gitling at walang pagbabago sa ispeling ng unang salitang PUNO.

Ang salitang ito ay kabilang sa tinatawag na tambalang salita. Dalawang salita ang pinagsama o pinagtambal. May gitling sa pagitan ng dalawang salita bilang tanda ng pagiging tambalan ng mga salitang ito.


May iba pang mga tambalang salita na nakatala sa nasabing online Diksiyonaryo. Isang salita na walang gitling ang PUNONGKAHOY. Mula sa PUNO+NG+KAHOY. Marami ring nagtatanong kung ano ang tamang baybay ng salitang ito – kung may gitling ba o wala, o kung pinalitan ba ng U ang huling O sa salitang PUNO.

May gitling ang mga sumusunod: PUNONG-ABALA, PUNONG-BAYAN, PUNONG-LALAWIGAN, at PUNONG-LUNGSOD.

Tanong: Bakit walang gitling ang punongkahoy?

Bakit naiba ng anyo ang PUNONGKAHOY at di tulad ng iba pang kaanyo nito na may gitling?

- Advertisement -

Kung susuriin, pare-pareho lang na mga pangngalan ang bayan, lalawigan, lungsod at kahoy, kaya dapat sana ay pare-parehong may gitling. Parallel forms, hindi ba? Bakit napaiba ang PUNONGKAHOY, isang salita na walang gitling?

Iba ang anyo ng PUNONG-ABALA (puno+na/-ng+abala) kaya madaling ipaliwanag kung bakit may gitling. Nagtatapos sa katinig ang unang salita at nagsisimula naman sa patinig ang pangalawang salita. Kahulugan: “taong namamahala sa pagtitipon o kasayahan.”

Ang PUNONG-BAYAN, PUNONG-LALAWIGAN at PUNONG-LUNGSOD ay pawang mga tao na namamahala ng bayan, lalawigan, at lungsod, ayon sa pagkakasunod-sunod. Samantalang ang PUNO sa mga salitang ito ay nangangahulugan ng isang taong siyang namamahala o namumuno sa isang lugar, ang PUNO sa PUNONGKAHOY ay hindi taong tagapamahala kundi isang uri ng halaman, isang literal na puno o TREE. Kaya siguro ito napaiba ng anyo, WALANG gitling.

Walang entri na punong komisyoner

Walang entri na PUNONG BARANGAY at PUNONG KOMISYONER sa KWF Diksiyonaryo. Noong 1992, nang mahirang na chairman ng katatatag na Komisyon sa Wikang Filipino, pinili ng unang tagapangulong komisyoner, si Dr. Ponciano B. P. Pineda (SLN), ang titulong PUNONG KOMISYONER. Bagama’t umiiral ang konsepto ng pagiging collegial body ng mga komisyoner (ibig sabihin, pantay lamang ng kapangyarihan ang bawat komisyoner; pawang tig-i-tig-isa lamang sila ng boto; nagkataon lamang na ang isa sa kanila ang tagapamuno sa mga talakayan at pulong; kaya kung tutuusin ay walang puno o nakahihigit kanino man), ipinairal ng yumaong komisyoner ang kanyang pagiging PUNO o MAS nakahihigit sa kapangyarihan, katalinuhan at kakayahan kaysa sa iba pang mga kapwa komisyoner.

Nang mga panahong iyon ay uso at maraming gumagamit ng PUNONG BARANGAY, na ngayon ay tinatawag na simpleng TSERMAN ng barangay. Kaya siguro walang entri ng punong barangay sa nabanggit na diksiyonaryo ay dahil tila nawala na rin sa uso ang salitang ito.

- Advertisement -

Walang ibang tagapangulo ng KWF na gumamit ng PUNONG KOMISYONER maliban sa yumaong unang chairman ng KWF. Mabuti naman, kasi sa isip ko ay parang PUNONG BARANGAY rin ito, tagapamuno sa isang barangay. Mas pinili ng mga sumunod ang paimbabaw na kawastuang pangwika kaysa sa pailalim na kasakiman sa kapangyarihan. Tagapangulo ang titulong ginamit ng mga sumunod na chairman hanggang sa kasalukuyan. At diyan na nagwakas ang kasaysayan ng salitang Punong Komisyoner. Wala itong rekord sa mga diksyunaryo maliban sa ilang dokumento sa KWF.

Mga tuntunin sa paggamit ng gitling

Ang talakayang ito ay naglilinaw sa isa sa mga tuntunin sa gamit ng gitling –  ang gitling sa mga salitang tambalan. May iba pang gamit ng gitling. Ginigitlingan ang mga salitang pinagtambal na may pang-angkop o may nawawala. Mga halimbawa: kahoy-gubat (kahoy sa gubat), ningas-kugon (ningas ng kugon), tubig-alat (tubig na galing sa alat), atbp.

May gitling din ang mga salitang tambalan na nagkaroon na ng pangatlong diwa pero nanatili ang kahulugan ng orihinal na dalawang salita: tawang-aso (tawa + aso, na may (pangatlong diwa na ng pangungutya), sising-alipin (sisi+alipin, na may kahulugan nang sobra-sobrang pagsisisi), atbp.

Ang BALIKBAYAN ay walang gitling dahil nang unang lumitaw ang salitang iyan ay walang gitling, at nauso na sa ganyang anyo.

Sa pagkaalam ko, ang ANAKPAWIS ay walang gitling dahil ang pangatlong diwa nito na “manggagawa,” ay malayo ang kahulugan sa dalawang orihinal na salita. Ngunit sa KWF Diksiyonaryo (kapwa online at print) ay may gitling ito: ANAK-PAWIS. May gitling ang hating-gabi bagama’t maraming gumagamit ng salitang ito na walang gitling.

May gitling ba: tanggol wika

Nang unang mabuo ang samahang TANGGOL WIKA noong 2013 upang tutulan ang CMO 20 ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHEd), na nagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, ang unang tanong ng balana ay kung dapat ba itong gitlingan. Ang sagot ko noon at hanggang ngayon: Hindi. Walang gitling. Hindi kailangan ang gitling. Ito ay bagong salita na dapat lapatan ng bagong tuntunin.

Iwasan na natin ang labis na pagsamba sa gitling. May mga premyadong manunulat na gumagamit ng KUWENTONG-PAMBATA (may gitling). Bakit? Bakit kailangang ituring na tambalang salita ang kuwentong pambata? Kapwa pangngalan ang dalawang salita pero ang isa sa mga ito ay pwedeng sabihin na gumaganap ng tungkulin ng pang-uri.

Sa ibang panig ng mundo, binabawasan na ang gitling. Kung minsan, nakakaistorbo ito sa encoding. Kaya, wala nang gitling ang EDITOR IN CHIEF.

Wala ring gitling ang TANGGOL UNANG WIKA ALLIANCE (TUWA) bagama’t tulad ng Tanggol Wika, may nawawalang salita sa pagitan ng dalawang salita.

Walang gitling: alaala, paruparo, gamugamo

Ayon kay Lope K. Santos, walang gitling ang mga salitang ALAALA, PARUPARO, GAMUGAMO, GUNAMGUNAM, DILIDILI, SARISARI, at iba pa. Wala raw mga salitang ALA, PARO, GAMO, GUNAM, DILI, SARI, atbp. Hindi ako sang-ayon dito. Sa tingin ko ay kailangan pang suriing muli ang mga salitang ito.

Maraming iba pang tuntunin sa paggamit ng gitling na kailangang linawin. Pero inuna ko nang linawin ang ilang salitang karaniwang nakalilito sa mga guro, estudyante, manunulat at editor. Tatalakayin natin ang iba pang gamit ng gitling sa mga susunod ng isyu ng WIKA NGA.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -