PINAGAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mood ng Kapaskuhan at masayang tumugon sa mga katanungan ng mga netizens at nagbahagi ng mga praktikal na payo tungkol sa mga nakagawian o mga tradisyon ng Pasko—mula sa exchange gifts at potluck hanggang sa mga obligasyon sa mga inaanak at binati ang mga Filipino ng masaya, ligtas at makahulugang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Sa kanyang BBM VLOG 275: Christmas 2025 na ipinalabas nitong Martes, pabirong sinabi ng Pangulo, “Sa dinami-dami ng problema na hinaharap natin sa opisina araw-araw, dumagdag pa sa iniisip ko itong mga tanong na natanggap natin. Kaya ngayon susubukan natin sagutin isa-isa.”
Sa tanong kung tama bang ipasa sa iba ang natanggap mong regalo na natanggap sa exchange gift, pinaalalahanan ng Pangulo ang mga Filipino sa kahalagahan ng “thought” sa likod ng regalo at sinabing maaari namang ipasa ang regalo sa mga taong mapakikinabangan ang regalo.
“Siyempre pagka natanggap mo kahit anuman ‘yung natanggap mo, siyempre naka-smile ka at saka ‘Thank you.’ Alalahanin mo ito naman kahit ano pa ang nabigay sa inyo, kahit mayroon ka na, ito ay galing sa puso nung nagbigay. Iyon ang alalahanin natin,” sabi ng Pangulo.
“Pero hindi naman dapat na masayang. Ipasa ninyo sa ibang tao na makikinabang doon sa magandang regalo na ‘yun,” dagdag ng Pangulo.
Sa tanong kung gaano kadaming leche flan ang dapat kainin, nagbiro ang Pangulo at sinabing ang Pasko ay panahon na dapat masaya at puwedeng kumain nang nais. Pinaalalahanan niya ang mga maghahanda na magluto ng sapat para sa lahat.
Nang tanungin siya kung ilang lumpiang shanghai ang dapat kainin, tumatawang sinabi ng Pangulo, “Basta’t nabubusog kayo, again, Pasko naman eh, dapat medyo mag-enjoy tayo. Huwag natin iniisip na kailangan magpigil sa ating kasiyahan. Kaya ulit ‘yung mga maghahanda ng pagkain, dami-damihan na lang ninyo para may baon pa pauwi.”
Tumugon din ang Pangulo sa tanong kung anong dapat na reaksyon kapag napuna ang iyong timbang.
“Madaling sagutin ‘yan. ‘Uy, tumaba ka!’ ‘Oo nga eh. Ikaw din,” sabi ng Pangulo.
Sa kanyang pinakahuling BBM VLOG, sumama si First Lady Louise Araneta Marcos at sumagot din sa mga tanong.
Sago ng First Lady, “Dapat naman, wala akong stress. Happy ako.”
Sa isang netizen na nagtanong kung puwedeng iwasan ang mga inaanak, sinabi ng Pangulo na hindi sila makapagtatago dahil madali silang mahanap.
“Kaya kumpleto ang listahan namin doon sa aming mga inaanak at marami-rami din,” sabi ng Pangulo at sinabing maaari ring mag-regalo ng cash gifts sa pamamagitan ng electronic wallet apps para sa mga inaanak na hindi na personal na makikita.
Nag-komento din ang Pangulo tungkol sa potluck para sa mga Christmas party.
“Ang gagawin ko para makarami at saka madaling gawin, spaghetti,” sabi ng Pangulo.
Binati ni PangulongMarcos ang mga Filipino nang masaya at tahimik na Kapaskuhan kasama ang kanilang mga pamilya at mga kaibigan. Halaw sa Presidential News Desk

