31.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Kailan nagbibigay ng prangkisa ang pamahalaan?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

KAMAKAILAN, lumutang ang isyung pagbibigay ng prangkisa sa kompanyang itinatatag ni Congressman Leandro Leviste na Solar Para  sa Bayan (SPB) na magproprodyus ng enerhiya mula sa araw. Ang prangkisa ay isinabatas ng Kongreso sa pagpasa ng Republic Act 11357: “An Act Granting Solar Para sa Bayan Corporation a Franchise na pinirmahan  ni Pangulong Rodrigo Duterte ang noong Hulyo 31, 2019.

May mga nagtatanong kung bakit binigyan ang kompanya ni Leviste ng prangkisa ng Kongreso gayong matapos lamang ang limang taon ay ipinagbili niya ito kayat siya ay naging isang bilyonaryo.

Upang mabigyan ng konteksto ang isyung ibinabato kay Congressman Leviste sasagutin ko sa sanaysay na ito ang tatlong tanong: a) ano ang prangkisa? b) bakit na ito ipinagkakaloob ng pamahalaan at c) anu-ano ang epekto nito sa ekonomiya?

Ang tugon ko sa unang tanong, ang prangkisa ay isang  permisong ibinibigay ng pamahalaan sa isang kompanya sa produksiyon at distribusyon ng mahahalagang pampublikong serbisyo. Ang prangkisa ay maaaring ekslusibo o di ekslusibo batay sa hinahangad na layunin ng pamahalaan.

Sa paglalaan ng tubig at elektrisidad sa Metro Manila, ang Meralco, Maynilad at Manila Waters ay pinagkakalooban ng ekslusibong prangkisasa isang takdang lugar. Ang kompetisyon ng maraming suplayer sa  isang takdang lugar ay hindi pinapayagan dahil mauuwi ito sa di episyenteng operasyon at pagkalugi ng lahat ng suplayer. Bunga nito ang paglalaan ng tubig at elektrisidad ay nanganganib at hindi maaasahan dahil walang nais magsuplay nito. Upang mabigyan sila ng insentibo, kinakailangang isa lamang ang magsasagawa ng paglalaan ng serbisyo. Samakatuwid,  ang layunin ng pamahalaan sa pagbibigay ng ekslusibong prangkisa o monopolyo ay upang masiguro ang paglalaan nang sapat  na pampublikong serbisyo.


Samantala, ang pamahalaan ay nagbibigay ng di ekslusibong prangkisa sa paggamit ng limitadong airwaves na ginagamit ng mga kompanya ng radio at telebisyon sa paghahatid ng kanilang programa at balita sa publiko. Kinakailangan lamang ang sapat na bilang na gagamit nito upang maging episyente ang paggamit at mapigil ang pagkontrol ng isang  kompanyang maghahatid ng kanilang programa. Matatandaan na Ang prangkisa ng ABS CBN ay hindi muling ibinigay noong May 2020 kaya’t ang kanilang network ay napilitang gamitin ang cable at internet sa halip ang dating alokasyon Nila ng airwave. Sa ganitong sitwasyon ang prangkisa ay ipinagkakaloob upang sumang-ayon sa layuning itinatanghal ng pamahalaan.

Ang Solar Para sa Bayan (SPB), ay binigyan din ng di eklsusibong prangkisa sa pagtatayo, paglalagay, pagtatatag, pagpapatakbo at pananatili ng mga pasilidad na gumagawa at pinatatakbo ng enerhiya mula sa araw. Ang prangkisa ay ibinibigay ng pamahalaan upang maglaan ng renewable na enerhiya sa mga lugar sa buong kapuluan na  walang elektrisidad o kulang sa suplay ng elektrisidad.

Tungkol sa ikalawang tanong, dahil ang pamahalaan ang pangunahing institusyong tagapagsulong ng kapakanan o interes ng publiko sa pagkakaloob ng prangkisa sinisiguro ng pamahalaan na mga pangunahing serbisyo publiko ay nailalaan sa mga mamamayan. Hindi lamang ito, nagbibigay ito ng prangkisa upang maiwasan ang pagbuo ng monopolyo sa paglalaan ng serbisyo publiko maliban sa mga tinatawag na likas na monopolyo.

Tungkol sa ikatlong tanong, may mga positibo at negatibong epekto ang prangkisa sa ekonomiya. Sa mga ekslusibong prangkisa pinapayagan ang pagkakaroon ng mga monopolistang kompanya kapalit ang kasiguruhan na paglalaan ng mga pangunahing serbisyo publiko. Sa mga di ekslusibong prangkisa, pinapayagan ang kompetisyon upang makontrol Ang pag-usbong  ng monopolyo sa paglalaaan ng mga sapat  na pangunahing serbisyo tulad ng elektrisidad sa mga liblib na lugar.

- Advertisement -

Kahit hindi ekslusibo ang prangkisa tulad ng ibibinigay sa mga kompanyang radyo at telebisyon at sa SPB ni Leviste nagbibigay ito ng malawak  na kapangyarihan sa bilihan. Halimbawa, ang SPB ay binigyan ng di ekslusibong prangkisa ng RA 11357. Sa prangkisa ng SPB binigyan ito ng permisong  magpatakbo sa 16  na probinsiya at 61 na siyudad at bayan. Kaya’t matapos lamang ang anim na taon, naipagbili ni Leviste ang halos 70% ng SPB sa MGreen, na pag-aari ng Meralco, sa halagang P30 bilyon. Kayat kahit halos 2% lamang ang naiprodyus na elektrisidad ng SPB mula sa ipinangakong 10,000 megawatts nagbayad ang Meralco ng P30 bilyon sa mga service contract, mga land bank, mga government permit, at project framework na nalikom ng SPB bunga ng prangkisa.

Samantala, ang nawalang kapangyarihan sa bilihan ng ABS-CBN sa pagkawala ng kanilang prangkisa ay ang pagpabagsak ng kanilang kita at tubo. Dahil nawalan sila ng akses sa paggamit ng yamang air wave upang makapaghatid ng balita at mga programa kumitid ang lawak ng kanilang nararating. Ito ay nauwi rin sa pagkitid ng kanilang kita sa advertisement.

Samantala, ang tubo ng GMA ay pumayagpag dahil sa mahinang kompetisyon mula sa ABS-CBN na nawalan ng prangkisa. Ang mga halimbawang ito ay nagpapakita na kahit walang  kapangyarihang monopolyo ang mga kompanyang may di ekslusibong prangkisa napakalawak pa rin ang tinatamasa nila sa bilihan.

Samakatuwid, kinakailangan natin ng prangkisa upang makapaglaan sa mga mamamayan ng sapat na serbisyo publiko ngunit ang kabayaran nito ang tinatamasang tubo at iba pang kapangyarihan sa bilihan ng mga kompanyang nabigyan ng prangkisa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -