26.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Note-Taking 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG note-taking ay isang maaasahang paraan upang itala ang mga mahahalagang impormasyon at detalye sa isang lektura at panayam.  Malaki ang ambag nito bilang estratehiya para sa pag-aaral sa klase, paghahanda sa eksaminasyon, pangangalap ng datos, batayan ng pagpapatunay o pagpapatibay, at repositoryo ng alaala at kasaysayan. Ang mga sumusunod ay ilang gabay at paalala sa pagtatala bilang isang pangkomunikasyong praktika sa personal at/o pang-institusyonal na antas.

  • Ugaliing magtala ng mahahalagang kaalaman bilang bahagi ng ating dokumentasyon. Pagtitiyak din ito na mayroon tayong babalikang tala ng impormasyon at alaala.
  • Pagdesisyunan mabuti kung hand-written o computer-encoded ang isasagawang note-taking batay sa pangangailangan, layunin, rekurso, kinasanayan at interes.
  • Ihanda ang mga gagamitin sa pagtatala tulad ng panulat, notepad at/o gadget.
  • Itala ang eksaktong petsa at oras ng lektura o panayam.
  • Tukuyin din kung pang-ilang tagpo na ito ng klase kung ang lektura ay isang serye.
  • Isulat ang buong pangalan ng lecturer o tagapagsalita.
  • Itala rin ang buong titulo ng presentasyon at kung saang modyul, tema, paksa o adyenda ito nakapaloob.
  • Isaad kung face-to-face o online ang dinaluhang lektura o okasyon.
  • Isaad din ang lugar ng pinagdausan ng lektura kung ito ay isinagawa ng face-to-face.
  • Paghandaan ang dadaluhang lektura o panayam. Isagawa ang mga kaukulang paghahanda sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga takdang aralin,
    pag-alam sa profile ng tagapagsalita at pagtukoy sa mga batayang kaalaman at usapin ukol sa paksa.
  • Ituring ang pagtatala bilang pagpapatalas ng ating konsentrasyon, pag-iisip at memorya.
  • Itala ang mga mahahalagang konsepto at kaisipan sa buong larga ng lektura at talakayan.
  • Itala ang mga hindi pamilyar na teknikal na termino at saliksikin ang mga ito upang maunawaan.
  • Tukuyin din ang mga dayuhang termino (foreign terms) at alamin ang mga salin nito sa pamilyar na wika. Halimbawa: raison d’être (reason for being), perestroika (restructuring), glasnost (openness), dirigisme (to direct), laissez faire (let it be) at iba pa.
  • Tukuyin at maging pamilyar sa mga ginagamit na acronym at/o abbreviation sa presentasyon (halimbawa: IOT para sa Internet of Things, VUCAD para sa volatile, uncertain, complex, ambiguous and diverse/disruptive/digital, C4D para sa communication for development).
  • Matuto ng mga bagong salita, maging pamilyar sa mga ito at gamitin sa tamang konteksto.
  • Gawing organisado at lohikal ang daloy ng pagtatala ng mga mahahalagang kaalaman.
  • Tiyaking tumpak ang mga itinalang datos at aktuwal itong sumasalamin sa saklaw at lalim ng lektura.
  • Panatilihing blangko pansamantala at lagyan ng pananda upang hindi makalimutan ang mga bahaging hindi mo naitala o hindi kumpletong naidokumento para mabalikan kinalaunan.
  • Sinsinin at isulat muli kung kinakailangan ang mga tala kung hindi ito naging organisado sa unang pagtatangka.
  • Ugaliing balikan ang kabuoan ng tala upang puliduhin at magwasto.
  • Sipiin ang mga mahahalaga, pukaw-kamalayan at pukaw-damdaming pahayag at lagyan ng tamang atribusyon kung gagamitin sa pananaliksik o paglalathala.
  • Tukuyin ang konteksto ng mga pahayag na ito upang mas maunawaan ang mga panlipunang salik na nakapaloob.
  • Tukuyin ang mga nagtatambalang ideya ng tagapagsalita.
  • Tukuyin ang mga binibigyang-diin at madalas itampok na mga ideya ng tagapagsalita o kinakapanayam upang makita ang mga recurring theme sa presentasyon at pahayag.
  • Maging mapagmatyag din sa ginagamit ng discursive strategies, semiotic resources at rhetorical devices ng tagapagsalita.
  • Pansinin kung kapwa culturally at gender sensitive ang presentasyon. Tukuyin kung may pagtatangi ang presentasyon batay sa kultura, etnisidad, edad, kapansanan at kasarian.
  • Tiyaking lohikal ang dokumentasyon at kung nagtatambal-tambal ang mga tala sa isa’t isa.
  • Lagyan ng mga pananda kagaya ng salungguhit, highlight at/o asterisk ang mga nais maitampok at mabigyang-diin.
  • Maglaan ng espasyo upang makapagsingit ng mga dagdag na tala (kung sulat-kamay ang isinagawang note-taking).
  • Iwasang gawing dikit-dikit at makitid ang espasyo sa pagtatala upang mas madaling mabasa.
  • Pagdesisyunan ang pormat o paraan ng note-taking (halimbawa: bullet entries, sentence outline, phrase outline, concept map, malikhaing handwritten infographics o kombinasyon ng mga nabanggit).
  • Maaari ring gumamit mismo ng acronym at abbreviation lalo na kung nagmamadali pero tiyaking i-spell-out pa rin ito kinalaunan.
  • Subukang maglagay ng drawing o icon sa note-taking upang mas maging maging masining at kawili-wili ang gawain bilang konsiderasyon sa biswal na katangian ng maraming indibidwal.
  • Subukan ang outline method kung saan naitatampok ang mga main idea at katambal na mga sub-idea.
  • Aralin at subukan din ang Cornell note-taking method kung saan ang makitid na kaliwang column ay para sa headings o key questions, malapad na kanang column para sa main notes, at ibabang bahagi para naman sa paglalagom (o summary).
  • Ikonsidera rin ang sentence method kung saan buong lektura ang dinodokumenta na sinusundan naman ng pag-oorganisa at pagsasaayos ng balangkas.
  • Subukan din ang mapping method kung saan nagsisimula ang pagtatala sa main idea na nagsasanga-sanga ng mga kaugnay na ideya at sub-idea.
  • Tandaan at itala rin ang mga kadalasang binabanggit ng tagapagsalita na mga pangalan ng iskolar na kanya ring sinisipi nang madalas. Saliksikin at kilalanin ang mga ito upang mas makapagpayaman ng iyong kaalaman.
  • Maging partikular at mapagmatyag sa mga nagtatambalang stats and stories, numbers and narrative at metrics and meanings na itinatampok ng tagapagsalita. Pansinin din ang tambalan ng reason at emotion na kapwa may mahalagang papel sa pagpapatibay ng argumento.
  • Alamin, pagnilayan at linawin ang mga kontradiksyon o hindi nagtatambal na mga pahayag sa lektura.
  • Ilista ang mga nais tanungin at malinawan mula sa lecturer, tagapagsalita o guro. Itanong ito sa magalang at mahinahong paraan.
  • Alamin kung maaaring makahingi ng kopya ng presentasyon at kung paano makakukuha nito.
  • Tukuyin ang mga batis (o sources) na ginamit sa presentasyon para inyong maaral at upang higit na mapalawig at mapalalim ang kaalaman.
  • Alamin kung napapanahon ang mga datos at batis na pinagbatayan ng presentasyon.
  • Tukuyin din ang mga ginamit na canonical at contemporary works bilang sanggunian.
  • I-audio record lamang ang lektura kung ipinahihintulot ng institusyon, tagapag-organisa at mismong guro o tagapagsalita.
  • Kumuha lamang ng larawan ng presentasyon kung ipinapahintulot ng mga kinauukulan.
  • Itanong kung maaaring gamiting sanggunian (o reference) ang presentasyon para sa iyong pananaliksik at isinusulat.
  • Alamin ang kombensyon ukol sa tamang citation ng isang lektura. Sumannguni rito para sa halimbawa: https://apastyle.apa.org/style-grammar-guidelines/references/examples/powerpoint-references
  • Makipagkumpara ng note-taking sa ibang mga kamag-aral upang matiyak na wala kang nakalimutan o pagkakamali.
  • Gamitin pa rin ang tradisyonal na pagtatala kahit malaganap na ang pagsandig sa artificial intelligence (AI) note-taker at transcriber. Isang opsyon ay pagtambalin ang dalawa kung saan mahalaga ang papel ng mga indibidwal sa validation, assessment at verification.
  • Ugaliing balikan ang mga tala upang sariwain at muling aralin.

Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang note-taking ay nagpapahiwatig ng masinsing atensyon sa detalye at pagiging disiplinado ng isang indibidwal. Pinauunlad din nito ang ating pagpoproseso ng impormasyon, paraan ng pag-iisip at pagiging mapagnilay o repleksibo bilang mga iskolar, mananaliksik at tagapag-ingat ng kaalaman.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -