INAASAHANG lalong magiging matatag ang strategic alliance at economic cooperation sa pagitan ng Pilipinas at South Korea kasunod ng isang high-level meeting dito sa bansa.

“Kumpyansa tayo na ang mga diskusyong naganap sa pagbisitang ito ay lalong magpapalalim sa malawak na pagtutulungan ng Pilipinas at South Korea sa larangan ng depensa at seguridad, ugnayang pang-ekonomiya, kooperasyon sa pag-unlad at imprastruktura, at ang tinatawag na people-to-people exchanges,” pahayag ni Senador Win Gatchalian, presidente ng PH-ROK Parliamentary Friendship Association.
Pinangunahan nina Rep. Kim Sung-won at Rep. Park Min-kyu ang delegasyon mula sa South Korea na nakipagpulong kay Gatchalian. Dumalo rin sa pagtitipon sina Senate President Tito Sotto at ang South Korean Ambassador sa Pilipinas na si Lee Sang-hwa.
Sa gitna ng mga hakbang ng Pilipinas na palakasin ang kakayahan nito para sa external defense, isa ang South Korea sa mga bansang nag-alok na magbigay ng mga preferential loan sa Pilipinas, ayon sa naunang pahayag ni Gatchalian.
Tinalakay sa mga pag-uusap ng dalawang bansa ang pagpapalakas ng parliamentary cooperation sa larangan ng edukasyon at turismo, gayundin ang muling pagpapasigla ng shipbuilding sector ng bansa. Kamakailan lamang ay pinasinayaan ng Pilipinas ang bagong shipyard ng HD Hyundai Heavy Industries Philippines sa Subic Bay, na sinuportahan ng economic investments ng South Korea at Estados Unidos.



