26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Ang pagiging deputy member ng MTRCB

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Una sa 2 bahagi)

BAGO magsimula ang isang pelikula sa sinehan, may pictogram na lumilitaw sa screen—isang letra; minsan ay may kasamang maikling paliwanag. G. PG. R-13. R-16. R-18. Color-coded ang mga ito: berde para sa G (General Patronage), asul para sa PG (Parental Guidance), dilaw para sa R-13 (Restricted 13); kahel para sa R-16 (Restricted 16), at pula para sa R-18 (Restricted 18). Ang rating na X ay para sa nilalaman na hindi akma para sa public viewing.

Sa panonood ng palabas sa telebisyon, ganoon din. May paalalang makikita sa screen: berde ulit para sa G (General Audience), asul para sa PG (Parental Guidance), at pula para sa SPG (Strong Parental Guidance). Sa mga palabas sa TV, makikita ang naturang pictogram sa kaliwang taas ng screen o sa kanang ibaba ng screen.

Sa mga magulang, guro, at tagapag-alaga, mahalaga ang pictogram na iyon na nagpapakita ng klasipikasyong itinakda para sa isang partikular na palabas. Ang mga gabay na ito ay mula sa Movie and Television Review and Classification Board, mas kilala bilang MTRCB. Ang MTRCB ay isang ahensiyang nakatalaga hindi lamang sa pagbibigay ng classification sa pelikula at palabas, kundi sa pagpoprotekta sa publiko, lalo na sa bata’t kabataan, mula sa nilalaman na maaaring hindi angkop sa kanilang edad. Mahalagang seryosohin natin ang mga naturang pictograma kung nais nating maging maayos ang panonood ng ating mga anak.

Muli nating balikan ang kasaysayan ng MTRCB. Ang ahensyang ito ay Itinatag noong Oktubre 5, 1985 sa bisa ng Presidential Decree No. 1986. Bago ito nabuo, magkakahiwalay ang mga ahensiyang tumitingin sa pelikula at telebisyon, kaya’t iba-iba rin ang pamantayan sa klasipikasyon. Nakita ng pamahalaan na kailangan ng isang uniformed system upang matiyak ang pare-parehong gabay sa publiko. Inilagay ang MTRCB sa ilalim ng Office of the President.


Hindi lamang simpleng tanggapan ang MTRCB na naglalagay ng label o classication sa mga palabas. Malinaw ang mandato nito: ang protektahan ang interes ng publiko at tiyaking may sapat na impormasyon tayo bago manood ng pelikula o palabas sa telebisyon. Mahalagang tandan na ang MTRCB ay hindi censor’s board na gaya nang iniisip ng iba. Wala itong pagtatangkang pigilan ang malikhaing pagpapahayag sa sining ng broadcast at pelikula. Ang klasipikasyong itinakda nila ay upang gabayan ang manonood sa nilalaman ng palabas.  Layunin nito na bigyang kaalaman ang mga manonood upang tulungan silang pumili ng palabas na akma sa edad ng manonood.

Ano-ano ba ang mga palabas na sinasaklawan ng MTRCB?

  • Mga pelikulang ipinalalabas sa sinehan
  • Mga programang pantelebisyon
  • Mga trailer, plugs, at publicity materials

Bago ipalabas ang mga ito sa publiko, kailangang sumailalim ito sa pagsusuri at klasipikasyon. Ito ang unang hakbang upang matiyak na ang nilalaman ay alinsunod sa umiiral na pamantayan at batas.

Bukod sa mga Board Members ng MTRCB na gumagawa ng polisiya at naglalabas ng klasipikasyon, may mga taong tumutulong sa pagpapatupad nito sa iba’t ibang dako ng bansa kung saan may sinehan at telebisyon. Sila ang tinatawag na MTRCB Deputy Members. Mahalagang linawin na ang Deputy ay hindi MTRCB Board Member. Hindi siya gumagawa ng polisiya o naglalabas ng rating. Ang tungkulin ng Deputy ay mag-monitor, magmasid, at mag-ulat patungkol sa mga naturang palabas. Kumbaga, siya ang nagsisilbing “mata at tenga” ng ahensya sa ground level upang matiyak na ang lahat ng palabas ay sumusunod sa umiiral na alituntunin.

- Advertisement -

Madalas, inaakala ng marami na ang pagkakaroon ng Deputy Card mula sa MTRCB ay upang makalibre lamang sa mga panoorin, lalo na sa sinehan (alam naman nating may kamahalan na ang panonood sa sinehan ngayon). Ilang beses ko nang narinig na ang Deputy card ay kasingkahulugan ng libreng access sa mga sinehan. Dagdag pa, ang isang Deputy card holder ay allowed ding magsama ng isa pang tao sa kanyang panonood (good for two). Kaya waring marami ang nagnanais na maging Deputy. May pagkakataon pa nga na pinepeke ng ilang tao ang deputy card upang libre silang makapasok sa sinehan (pero ang ganitong praktis ay hindi na posible ngayon, lalo na’t may mga pagbabagong ipinatutupad ang MTRCB). Bagama’t ang libreng panonood ng pelikula sa sinehan ay isang pribilehiyong ini-enjoy ng isang MTRCB Deputy, huwag ipagkamaling walang kaakibat na tungkulin at responsabilidad ang isang Deputy.

Nitong mga nagdaang taon, nagkaroon ako ng pagkakataong magsilbi bilang MTRCB Deputy. Ang ahensyang pinaglilingkuran ko ngayon – ang National Council for Children’s Television (NCCT) – ay katuwang ng MTRCB sa pagtataguyod ng matalinong panonood. Malaki ang naging tulong ng pagiging MTRCB Deputy upang lalo pa naming mapalaganap ang isang child-friendly media environment. Ang karanasan kong ito bilang Deputy ay nagbigay ng malinaw na pananaw kung paanong aktuwal na tumatakbo ang ahensya—hindi sa papel, kundi sa pang-araw-araw na operasyon. Ang pagiging Deputy ay hindi simbolikong posisyon. Ito ay may malinaw na responsibilidad: tapat na pag-monitor, maayos na pagsusuri, at tumpak na pag-uulat.

 

Isa rin sa malaking hakbang na nangyari nitong nagdaang taon ay ang pagpapatupad nang paggamit ng ‘MTRCB app,’ na inilunsad kamakailan upang mas maging maayos at madali ang daloy ng reporting at documentation. Dati-rati kasi, ang Deputy card lamang na inilabas ng MTRCB ang nagsisilbing pasaporte upang makapasok sa mga sinehan. Ngunit hindi na ngayon. Kakailanganin mong buksan ang MTRCB app na nasa iyong cellphone bago magbigay ng tiket ang takilyera sa sinehan. Hihingin din nito ang iyong MTRCB Deputy card. Magkatambal ang dalawang ito.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -