(Una sa serye)
NAGING matagumpay ang katatapos na awarding ceremonies ng Gawad Teodora Alonso (GTA), isang pambansang kompetisyon ng mga guro sa pampublikong paaralan sa paglikha ng pinakamahuhusay na aklat pambata. Ginanap ito sa Bohol Tropics Resort sa Tagbilaran City sa Bohol. Ngayong taong ito, ang DepEd Division ng Bohol ang tumayong host ng naturang kompetisyon. Mainit ang naging pagtanggap ni Dr. Fay Luarez, Schools Division Superintendent ng Bohol. Huli itong ginanap sa lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan noong Disyembre 2024. Napuno ang venue ng mga talented na guro mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Lahat ay excited sa mangyayaring announcement ng resulta ng kumpetisyon. Noon lamang kasi pormal na ina-announce ang mga puwestong tatanggapin ng mga gurong inanyayahang dumalo sa GTA.

Sa naging mensahe ni Asec. Janir Datukan, DepEd Assistant Secretary for Learning Systems Strand, binigyang-pansin niya ang nangyayaring learning gaps ngayon at kung ano ang posibleng maitutulong ng mga aklat pambatang nilikha mismo ng ating mga guro. Ayon sa kanya, suportado nila ang mga hakbang na magpapalakas at magpapatatag sa literacy ng mga bata’t kabataan. Natutuwa siya na nang dumating siya sa DepEd bilang isa sa mga opisyal nito, ang Bureau of Learning Resources ng Kagawaran ay aktibo nang naka-engage sa paglikha ng mga storybooks. Matapos ang kanyang mensahe ay kinausap pa ako ni Asec Datukan tungkol sa mga posibleng kolaborasyon sa panig ng DepEd at ng ahensiyang kinabibilangan ko – ang National Council for Children’s Television (NCCT). Halimbawa’y ang pagsasalin ng mga materyal na nagwagi sa GTA bilang mga video production. Kumbaga, from book to video, na puwede ring mapanood ng mga mag-aaral. Nakatutuwa!

Ang Gawad Teodora Alonso ay dating kilala bilang ‘National Competition on Storybook Writing’ (NCSW) na taon-taong itinataguyod ng Bureau of Learning Resources ng Department of Education (DepEd-BLR). Pinangalanan itong Gawad Teodora Alonso bilang pagkilala kay Teodora Alonso, ang dakilang ina ng ating bayaning Jose Rizal, na itinuturing ding naging unang guro ni Dr. Rizal. Sa mga nagdaang edisyon ng Gawad Teodora Alonso, nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang ilang mga inapo ni Dr Rizal – sa linya ni Paciano – sa naturang award ceremonies. Ang GTA ay iginagawad sa mga guro na mahusay sa pagsusulat ng kuwento.

Paano ba sinasala ang mga lahok na storybooks para sa GTA? Ang mga lahok na storybooks ng mga guro mula sa iba’t ibang distrito ay dumadaan muna sa selection ng Division level. Ang mananalo rito ay tutungo sa Regional level. At ang mga mapipili rito ay ilalahok sa National level. Tunay na isang malaking karangalan para sa ating mga guro na ang kanilang ginawang kuwento (na nilapatan ng magagandang ilustrasyon) ay umabot sa National level. Dito’y sasailalim ang mga storybooks sa mapanuring mata ng mga hinirang na national judges ng kumpetisyon. Karamihan sa mga hurado sa national level ay mga prominenteng awtor at ilustrador ng mga aklat pambata sa bansa. Mapalad po ako na mapabilang sa mga hurado sa national level ng kumpetisyong mula nang magsimula ito marami-raming taon na ang nagdaan. Nasaksihan ko ang pag-unlad at pagyabong mga gurong manunulat – mula sa istilo ng kanilang pagsulat hanggang sa pagpili ng temang susulatin at maging sa pagsasanib nila ng ‘learning competency’ sa kanilang inaakdang kuwento.

Sa paglipas ng mga taon, may mga gurong tatlong beses nang nagwagi sa national level sa isang cycle ng kumpetisyon. Sila’y napapabilang sa listahan ng mga GTA Honor Roll (o Hall of Famers). Ilan sa mga gurong na-elevate na sa Honor Roll ng Gawad Teodora Alonzo ay sina Mariel Balacuit (mula sa Region 13: Caraga Region), Jaylord Losabia (ng Region 6: Western Visayas), Mayshel Love Laspinas (ng Region 6: Western Visayas), Conrad Ladislee Tua (ng Region 6: Western Visayas), Enrile Abrigo Jr (ng Region 4B: Mimaropa), at John Ronnel Popa (ng Region 4A: Calabarzon).

Pero paano naman ang mga ilustrador na kahati ng awtor sa paglikha ng aklat pambata? Tandaan na ang kumpetisyong ito ay ‘storybook’ creation (na nakaangkla sa itinakdang learning competency ng DepEd). Kaya sadyang malaki ang ginagampanang papel ng mga ilustrador. Dahil dito, binuksan ng DepEd-BLR ang isa pang parangal – ang Gawad Fernando Amorsolo (GFA), na ipinangalan sa Pambansang Alagad ng Sining sa larang ng Sining Biswal na si Fernando Amorsolo. Matatandaang si Amorsolo’y nagpakita rin ng interes sa panitikang pambata sa pamamagitan ng pagguhit ng mga drowing sa teksbuk na Philippine Readers series noon.

Maraming guro ang mahusay rin ang mga kamay sa pagguhit. At gaya ng Gawad Teodora Alonso, kailangan ding manalo ng tatlong ulit sa national level ang isang ilustrador upang mailuklok sa Honor Roll o Hall of Fame. Heto ang mga gurong ilustrador na nakabilang na sa Gawad Fernando Amorsolo Honor Roll sa paglipas ng mga taon: Jhucel Atienza Del Rosario (ng Region 4A: Calabarzon), Neil Arado (ng Region 13: Caraga), Renel Ian Gacayan (ng Region 2: Cagayan Valley), Raymond Delos Reyes (ng Region 4B: Mimaropa), at John Ronnel Popa (ng Region 4A: Calabarzon). Pansinin na ang pangalan ni John Ronnel Popa, na gumagamit ng pen name na ‘Jeron Tanglaw’, ay parehong nakalista sa Honor Roll ng GTA at GFA. Ito’y sapagkat pareho siyang mahusay sa pagkatha ng kuwento at sa pagguhit nito.

Habang nasa Bohol kami, nabalitaan naming parating ang bagyong Basyang sa Kabisayaan at Mindanao. Saktong-sakto ang pangalan ng bagyo sa aming aktibidad sa Gawad Teodora Alonso kung saan may kategoryang ‘live storytelling’ at ‘recorded storytelling.’ Si Lola Basyang kasi ang kagyat na papasok sa isip kapag binanggit ang storytelling o pagkukuwento. Gaya nang inaasahan, bawat rehiyon ng bansa ay may mga gurong kalahok sa idinaos na live storytelling. Naging hurado dito ang tatlong eksperto sa sining ng pagsasalaysay ng kuwento: sina Melanie Abad Ramirez, officer ng National Library of the Philippines at resident storyteller ng defunct radio program na ‘Wan Dey, Isang Araw’ ng Cultural Center of the Philippines; si Rey Bufi, founder ng The Storytelling Project at board member ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY); at si Sally Lopez, guro, children’s TV producer sa Net 25, at kasalukuyang board member ng National Council for Children’s Television (NCCT).

Ginanap ang naturang live storytelling sa ikalawang araw ng awarding rites ng Gawad Teodora Alonso. Matapos ang pakikinig sa maraming mahuhusay na storytellers, si Neil Omar Gamos ng Bulacan (Rehiyon 3: Central Luzon) ang itinanghal na Grand Champion sa Live Storytelling. Binasa niya ang award-winning story na pinamagatang ‘Patlang…Patlang…’ na inakda ng isa sa mga gurong nagwagi sa GTA ngayong taong ito.
(May karugtong)

