LIKAS na pangyayari na isang katahimikan ang nangingibabaw bago sumambulat ang isang malaking unos. Pansinin na malaki ang inihupa ng ingay sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte. Nagpapatuloy lamang ang alingasngas sa West Philippine Sea dulot ng tuloy-tuloy na pagpapainit sa isyu ni Commodore Jay Tarriela, ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea. Subalit malaki na ang inihupa ng lumitaw na malawak na pag-init sa hanay ng mga Pilipino ng kontra-Chino na pagkamuhi. Nagbabadya ito ng pagpapanumbalik ng dati nang malagong pgkakaibigang Chino-Pilipino.
Ang Chinese New Year na dati rati ay dama mo lamang sa Chinatown sa Binondo ay nagawang ipagdiwang na sa buong kapuluan sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1006 na nilagdaan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. noon pang Setyembre 3, 2025.
Ayon sa proklamasyon, ang Pebrero 17, araw ng Chinese New Year, ay special working holiday sa buong Pilipinas.
Salamat naman.
Ang ipinamamarali ni Tarriela na pagsabog ng alitang Chino-Pilipino ay malayong mangyari.
Nasumpungan natin ang talakayan sa video-radio nina Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) President Herman Tiu Laurel at Broadcast Journalist Cathy Cruz hinggil sa magkasamang pagdalaw nina Chinese Ambassador Jing Quan at Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro sa Benguet upang gawing pormal ang pagkakapatiran ng probinsya at ng China.
Ang pagkakapatiran ay isang pambihirang phenomenon sa larangan ng foreign relations at nagaganap lamang sa pagitan ng mga bansang may lantay na mapagkaibigang ugnayan. Ang pangyayaring ito sa Benguet ay ganap na kataliwas ng kamakailan lamang ay sumabog na balita na idineklarang persona non grata si Ambassador Quan sa Kalayaan Island Group (KIG).
Umabot ang sigalot hanggang sa mga bulwagan ng Kongreso ng Pilipinas. Sa pamamarili ni Tarriela, ang sigalot sa KIG ay ganun na ka-pambansa ang saklaw. Hinamon pa niya si Senador Rodante Marcoleta na sumama sa kanya sa KIG upang usisain ang lugar at pagpsiyahan kung karapat-dapat ngang gawin itong representante ng sentimiento ng buong kapuluan.
Sa naging pormal na pagkakapatiran ng China at Benguet, lalo lamang humigpit ang ugnayan ng Pilipinas at China upang ganap na itong ilayo sa komprontasyong militar. Subalit ang krisis Duterte ay nananatili, at sa pagsisimula ng proseso ng paglilitis ni Dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC), hindi maiiwasang ang mga kaganapan dito ay umepekto sa pagsulong ng mga pangyayaring nasyonal ng Pilipinas.
Pansinin ang hindi pagharap ni FPRRD sa confirmation of charges hearing. Ipinakita niya sa buong mundo ang hindi pagkilala sa kung anuman ang maaaring gawin sa kanya ng ICC. Hindi malayong inasahan na ng dating pangulo na mapatutunayang siya ay nagkasala sa mga ibinibintang sa kanya at makabubuting maaga pa ay ipahayag na niya na ang ganung hatol ay hindi niya tatanggapin. Napakaaga pa upang magtukoy ng anumang tiyak na kaganapan sa kaso ni Duterte.
Subalit kung anuman ang kalalabasan ng kaso sa ICC ay nanganganib na sumangkot sa China. Dulot ito ng lumilitaw na lantarang pagiging pro-China ng mga Duterte. At ang pagpalaot ng paglilitis sa amang Duterte sa ICC ay hindi maaaring hindi magsangkot sa pulitikal na kalagyan ng mga Duterte sa Pilipinas.
Sa simpleng salita, dapat na maging napakatatag ng mga Duterte sa Pilipinas upang malabanan ang anumang negatibong kalalabasan ng kaso ni FPRRD sa ICC. Sa yugto pa lang ng confirmation of charges hearing, maliwanag nang pagsuway ang aktitud ni Duterte. Lalo na sa conviction kung magkakaganun.
Ang kaso ni Duterte sa ICC ay hindi lantay na panghustisyang proseso. Ito ay labanang pulitikal, nagsasangkot hindi lamang sa mga usaping pambansa ng Pilipinas kundi maging ng mga kritikal na ugnayan nito sa mga poder internasyunal.
Higit kailan, ngayon dapat pinagtitibay ni Bise Presidente Sara ang kanyang kapangyarihang pulitikal kaugnay ng kung paano niya iimpluwensiyahan ang kalalabasan ng kaso ng ama sa ICC. Hinggil sa kanyang impeachment, tiyak na malulusutan niya ito. Sa bilangan ng mga kapanalig na Senator judges, lamang na lamang is Sara.
Ang malabo ay kung maiiwasan niya ang mahatulan na nagkasala sa graft and plunder case sa Office of the Ombudsman. Kapag nagkaganun, mangyari pa idudulog niya ang hatol sa Korte Suprema, na sasangkalan sa abswelto ng Senate impeachment trial court upang ideklara na nagkamali ang Ombudsman sa hatol nito kay Sara. Sapagkat ang kaso sa Ombudsman ay maliinaw na inisyatiba ng pamahalaan Marcos, ang ganung hatol ng Korte Suprema ay maaring humantong sa isang krisis konstitusyunal.
Samantala, may namuong sigalot sa Mindanao. Ang walang pasubaling kinikilalang lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Al Haj Murad Ebrahim ay hinalinhan bilang Interim Punong Ministro ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) ni Abdulraof Macacua, na ipinagpapalagay na protegee ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr.
Sa kadahilanang ito, itinigil ang decommissioning ng nalalabi pang 14,000-lakas ng MILF, na ayon sa kasunduan sa pagkabuo ng BARMM ay dapat nang ganap na nilansag. Malaking puwersa pa rin iyan upang ang dating rebeldeng MILF ay mag-alburoto para sa pagpapabalik sa puwesto Kay Ebrahim.
Wala tayong alam sa ugnayan ng mga Duterte sa mga lider Muslim ng Mindanao. Ang alam natin ay ang matayog na hangarin ng pamilya Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas.
Patunay nito ang di-nagbabagong panawagan ni Duterte ng “independensya ng Mindanao mula sa Republika ng Pilipinas.” Sa hatol ng Ombudsman na nagkasala si Sara at sa pagkakatanggal kay Ebrahim bilang Interim Punong Ministro ng BARMM at pananatiling buo ng 14,000-lakas na puwersa ng MILF, hindi ba nabuo, di man sinadya, ang isang makapangyarihang tambalan laban sa pamahalaang Marcos?
Kung mahiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas, ano ang mangyayari Kay Sara? Paano na ang kaso ni Duterte sa ICC? Higit na mahalagang tanong, saan na lalagay ang China?

